Chapter 21
Nagulat si Paolo nang biglang bumukas ang pintuan ng condo unit. Wala naman kasing nakakaalam ng passcode doon maliban sa kanila ni Sharmaine. At lalo siyang nagulat nang pumasok si Adrian na mukhang pagod na pagod at namumugto ang mga mata.
Natigilan si Paolo. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Ni hindi niya alam kung totoo ba ang nakikita niya o produkto lamang ng imahinasyon niya. Masyado na ba siyang umaasa na papatawarin siya ni Adrian kaya kung anu-ano na ang nakikita niya?
"Sorry..." mahinang sabi ni Adrian sabay luhod at tukod ng mga kamay niya sa sahig. Lumuluha siya habang pauli-ulit sa pagbanggit ng 'Sorry'.
Mabilis naman na nilapitan ni Paolo si Adrian. Alam niyang hindi na siya nag-iilusyon pa. Hindi niya iyon gustong gawin kay Adrian. Hindi naman si Adrian ang may kasalanan sa kanya. Hindi siya dapat humihingi ng patawad.
Sinubukan niyang alalayan si Adrian ngunit umiling lamang ito habang mahigpit na nakakapit sa kanyang mga braso.
"Sorry..."
"Adrian, ano ba'ng nangyari? Akala ko magkasama kayo ni Sharmaine? Kakatext lang niya sa akin kanina. Magkasama daw kayo."
"Sorry..."
"Adrian..."
"Ang kapatid mo... namatay siya dahil sa akin..."
"Adrian, ano ba'ng sinasabi mo?"
Tumingin sa kanya si Adrian na umiiyak at puno ng pagsisisi ang mga mata.
"Si Philip... pinatay ko siya..."
"Adrian, ano ba?!" sabi ni Paolo na naiinis na. "Saan mo ba nakukuha iyang mga sinasabi mo?"
"Pinatay ko siya... sorry... sorry..." paulit-ulit na bulong ni Adrian hanggang sa tuluyan na siyang mawalan ng malay.
Mabilis naman na nasalo ni Paolo ang ulo Adrian at naramdaman niya ang taas ng lagnat nito kaya binuhat niya ang binata at inihiga sa silid nito.
Kumuha siya ng maligamgam na tubig at malinis na bimpo para ipangpunas kay Adrian. Habang ginagawa niya iyon ay hindi niya maiwasan na maalala si Philip. Madalas din niyang gawin iyon sa nakababatang kapatid. Palagi kasi itong nilalagnat... nagkakasakit...
Bigla tuloy siyang nabahala para kay Adrian. Baka may masama ng nangyari sa ulo niya dahil sa mga bumagsak na kahoy sa kanya. Dapat na ba niyang dalhin si Adrian sa ospital? Dapat na ba niyang tawagan si Sharmaine o ang pamilya niya?
Lumabas siya ng silid ni Adrian para kunin ang kanyang cellphone pero nang hawakan niya iyon ay naalala niya ang galit na mukha ni Adrian noong nasa ospital ito. Paano kung bumalik ulit siya sa ganoon? Hindi pa naman gusto ni Adrian ang manatili sa ospital. Kung tatawagan naman niya ang ama ni Adrian baka magalit lang lalo ito sa kanya dahil sa kalagayan nito. Baka sisihin na naman siya nito.
Huminga siya ng malalim at nagtext kay Sharmaine.
Nandito sa condo unit si Adrian. Huwag kang mag-alala. Babantayan ko siya. Mag-uusap lang muna kami.
Mabilis naman na sumagot si Sharmaine.
Mabuti naman at diyan siya pumunta. Sige. Mag-usap lang kayo. Alam kong kailangan ninyo iyan.
Salamat, Sharmaine.
Wala naman akong ginawa. Mukhang si Adrian na din ang nakapagdesisyon na magkaayos kayo.
Wala ba siyang nababanggit sa'yo tungkol sa nakababatang kapatid ko?
Wala naman. Bakit?
BINABASA MO ANG
In Another Place and Time (An Aldub Inspired Story)
FanfictionSharmaine was from a rich family. She would have had grown as normal as anybody else had she not experienced a traumatic experience when she was only seven years old. That incident caused her to lose her voice. It took her a long while to recover an...