Wattpad Original
Mayroong 25 pang mga libreng parte

Chapter 1: Welcome to Altheria

646K 15.6K 3K
                                    

NANDITO ako sa loob ng kotse at pinagmamasdan ang mga punong nadadaanan namin. Sabi ni papa ay ililipat niya na ako ng paaralan lalo na't tumuntong na ako sa senior year ko. "Pa, saan ba kasi tayo pupunta?" Ilang beses ko nang tinatanong iyan ngunit tanging ngiti lang ang isinasagot ni papa.

"Ito na ang itinakdang araw, Jasmin, upang tuparin mo ang pangako mo sa iyong lolo," nakangiting sabi sa akin ni papa habang ako ay napakunot ng noo sa kanyang sinasabi.

Sampung taon na ang lumipas magmula noong mawala si lolo at hindi ko na matandaan kung ano ba ang pangakong sinasabi ni papa.

"Papa naman, bakit mo pa kailangang ipaalala ang tungkol kay lolo, eh, alam mo namang sobrang close ko sa kanya," kunwaring nagdadrama kong tugon kay papa at tumawa naman siya nang malakas.

"Ngayon na ang takdang oras, anak, para malaman mo ang tungkol sa mga alchemist."

Napatango-tango naman ako dahil naalala ko na. Noong bata ako ay ipinangako ko kay lolo na magiging isa akong magiting na alchemist. "Pa! Binibiro mo na naman ako. Noong bata ako ay paniwalang-paniwala ako sa mga alchemist na 'yan dahil sa kuwento ni lolo pero, papa, seventeen years old na ako. Isa na lang iyong kuwentong pambata para sa akin na pampaaliw sa bata."

Ngumiti lang si papa at hindi na ako pinansin bagkus ay nagpokus siya sa pagda-drive.

"Hindi ka na ligtas sa lugar natin, anak. Kailangan mo ng mga taong huhubog sa iyong kakayahan upang maprotektahan mo ang iyong sarili dahil naniniwala akong maraming maghahangad diyan sa kung anong mayroon ka," mahabang litana ni papa.

Imbes na pansinin siya ay iniba ko na lamang ang usapan dahil hindi na ako pamilyar sa lugar na aming dinadaanan.

"Papa, sigurado kang tama 'to? Sure ka bang hindi tayo naliligaw?" pagtatanong kong muli habang namimili ng magandang istasyon na pakikinggan sa radyo.

"Malapit na tayo, anak. Sa lugar na iyon nababagay ang tulad mo. Poprotektahan ka nila at huhubugin ang kakayahang nakatago sa iyong katawan," pagpapaliwanag ni papa. Hindi ko siya maintindihan. Parang nagbibigay ng babala sa akin si papa. Weird.

Dala ko ngayon ang lahat ng gamit ko dahil magdo-dorm daw ako sa school na paglilipatan ko sabi ni papa. Malayo rin daw iyon kaya bihira lang makabibisita sa akin ang aking ama. Naiintindihan ko naman pero hindi ko naiintindihan ang sandamakmak na babala sa akin ni papa na para bang nasa panganib ang aking buhay.

Huminto kami sa gitna ng kakahuyan at may malawak na field dito. Bumaba kami ng kotse.

"Pa, akala ko sa school tayo pupunta? Hindi naman ako na-inform na magpi-picnic pala tayo."

Tanging malawak na damuhan ang aking nakikita sa gitna ng kakahuyan na ito.

Ngumiti sa akin si papa. Umupo si papa sa damuhan at humawak sa lupa. May mga salita siyang binigkas ngunit hindi ko ito maintindihan.

Biglang nagkaroon ng pabilog na liwanag at napaupo na lamang ako sa damuhan. Napakaliwanag ng aking nakikita at kinakabahan ako dahil hindi ko alam ang nangyayari.

Habang umiilaw ang buong paligid ay unti-unting may lumilitaw na isang pataas na daan galing doon sa malawak na damuhan. Isang pabilog na daan na pataas nang pataas. Hindi ko makita ang tuktok nito dahil natatakpan ito ng mga kalangitan.

"Pa, anong nangyayari?" May takot sa aking boses. Gusto kong kumalma kaso ay hindi ko magawa lalo na sa mga nangyayari ngayon.

"Makararating ka na sa mundo kung saan ka nababagay, anak," biglang sabi ni papa. Muli siyang sumakay ng kotse at sumunod naman kami.

Hindi ko alam kung paano nangyari na ang malawak na damuhan na aming natatanaw kanina ay nagkaroon ng isang daan patungo sa langit. Pinagpatuloy ni papa ang pagmamaneho patungo doon sa daang lumitaw.

Pinagmamasdan ko lang ang paligid habang unti-unti kaming umaangat. Natatanaw ko ang buong lugar na aming dinaanan kanina.

Halos isang oras ding nagmaneho si papa patungo sa lugar na aming pupuntahan hanggang makarating kami sa tapat ng isang school.

Binasa ko ang malaking pangalan nito. "Altheria: School of Alchemy"

Napaliligiran ang school na ito na ng nagtataasang pader at ganoon na rin ang gate nito.

Dire-diretso namang naglakad si papa papasok ng school. Sumunod naman ako at napahawak sa laylayan ng damit ng aking papa. Hindi ko alam pero pakiramdam ko ay wala kami sa pangkaraniwang lugar. Pakiramdam ko ay nasa magical place kami, 'yong tulad sa mga nababasa kong libro.

Naglakad lang si papa na parang alam ang kanyang dadaanan. May mga estudyante kaming nakikita sa lugar at napapatingin sila sa akin. Iilan pa lang ang estudyanteng naririto dahil next week pa naman ang simula ng klase, pero dahil dorm school 'to... kailangan mong manatili rito once na pumasok ka.

Pumasok kami sa Principal's Office ng paaralang ito. Napalingon ang principal at binasa ko naman ang pangalan niyang nasa name card na nakapatong sa desk niya. Mrs. Evelyn Ramos.

"Oh, Ramon! Ang tagal nating hindi nagkita!" Nakipagkamay ang principal sa papa ko. Mukhang close talaga sila. Napatingin sa akin si Mrs. Evelyn. Sa tingin ko ay nasa mid-forty na ang edad niya dahil kilala niya ang papa ko. Ang bata ng hitsura niya. "Ito na ba si Jasmin? Ang laki na niya."

"Oo, ang sabi ko sa sarili ko dati ay palalakihin ko bilang normal na bata itong si Jasmin ngunit alam ko naman na darating ang araw na kinakailangan niyang tuparin ang pangako niya sa kanyang lolo. Tiwala ako sa paaralan mo, aking kaibigan, na mapoprotektahan mo ang aking anak at matutulungan siyang mahasa ang kanyang kakayahan."

Napaupo na lamang ako sa isang couch habang pinakikinggan ang pinag-uusapan nila ni papa. Wala akong maintindihan kahit isa pero umiikot ang paningin ko sa buong lugar at natutuwa dahil sa ganda ng office na ito.

Pinagmasdan ako ni Mrs. Evelyn tapos ay humarap siya kay papa.

"May nakatagong magi sa katawan niya. Hindi mapagkakailang anak siya ng isang magaling na alchemist na tulad mo."

"Ikaw na ang bahala sa anak ko. Tiwala akong mapoprotektahan n'yo ang anak ko," pagsasalita ni papa.

"Mataas ang seguridad dito sa Altheria Academy. Makakaasa kang walang masasamang alchemist ang makapapasok dito," pagkumpirma ni Mrs. Evelyn.

Naglakad sa direksyon ko si papa at nagbuntonghininga. "Paano, anak, iiwan na kita rito."

"Opo, papa," nakangiti kong sagot. Ayos lang naman na panandalian akong mahiwalay sa papa ko dahil ilang beses na naming pinag-usapan 'to at ilang beses niya na rin naman itong ipinaliwanag sa akin.

Naglakad patungo sa direksyon ko si Mrs. Evelyn at ngumiti.

"Jasmin Fernando... welcome to Altheria Academy.

Altheria: School of AlchemyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon