T W E N T Y N I N E

52.5K 1.8K 273
                                    

Gabi na nang dumating sina papa. Sunod-sunod ang pag-sara ng pinto ng mga kotse. Hindi pa man nakakapasok sa bahay ay ang ingay na nila sa labas, parang may pinag-aawayan.

"Paano napunta sa kanila ang titulo? Kay mamang iyon!" bungad na bulalas ni tito Dion na namumula ang mukha sa inis.

Sa likod niya nakasunod sina tito Arwan, tita Grace at papa. Dumiretso si tita sa kusina. Sa pagbalik niya ay may hawak na siyang baso ng tubig.

Umakyat ako sa kwarto dahil parang hindi angkop sa 'king makisali sa kanilang usapan. Gayunpaman, bahagya kong binuksan ang pinto upang makinig sa kanila.

"Wala tayong kaalam-alam na habang nagluluksa tayo kay mamang ay inaasikaso na pala niya ang pag-transfer ng titulo sa pangalan niya. Pero bakit sa kanya eh wala naman siya rito?" tanong ni papa sa kanila.

"Mga tauhan niya iyong nag-demolish sa resort kanina. Wala na tayong karapatang pakialaman pa iyon dahil pag-aari na iyon ni Sigmund. Ang sa atin lang ay iyong lupa doon katabi sa Countryside," mahinahong wika ni tito Arwan na halata na ang pagka-stress.

"Pati ba itong bahay ay kay Sigmund na rin?" nag-aalalang tanong ni Tita Grace.

Walang nagsalita sa kanila. Nagpapakiramdaman lang.

Kung sakali mang pag-aari na rin ito ni Sigmund, ibig sabihin ba wala na kaming karapatan dito? Kami ang buong kamag-anak ni lola, bakit si Sigmund ang makikinabang? Isang estranghero lang siya sa pamilya namin.

Ginamit niya yata ang apo niya upang maging espiya rito.

"Sino ba kasi ang Sigmund na iyan?" inis na asik ni tito Dion. "Bakit siya pinakasalan ni mamang? Wala nga siya noong libing. Kung pumunta man siya eh hindi naman natin kilala."

Bumuntong hininga si Tito Arwan at umupo sa tabi ni papa.

"Karaniwan nagpapakasal ang mga banyaga sa pinay upang makapagmay-ari sila ng properties dito sa Pilipinas pero hanggang mga establishments lang ang pwede nilang ariin. Hindi sila pwedeng mag-may ari ng lupa unless patay na ang asawa nilang may dugong pinoy. Wala na si mamang! Maaaring si Sigmund ang may pakana nito."

"Kung siya nga, nandito sana siya ngayon at pinapakita ang interes niya sa lupa! Pero wala!" katwiran ni tito Dion.

Kung anu-ano na ang mga binibigkas nilang mga opinyon at hinala. Hindi ko na maintindihan ang mga pinagsasabi nila kaya tumigil na ako sa pakikinig at sinara ang pinto.

Paano iyong lupang tinatayuan ng bahay ni Devin? Parte pa rin kaya iyon ng pag-aari ni lola? Alam kaya ito ni Devin?

Hindi siya nagpakita simula noong araw na pinuntahan ko siya upang kumprontahin. Guilty ba siya dahil alam niya ang tungkol dito? Alam ba nila tito na nandito lang ang apo ng pinaghihinalaan nila?

Gusto kong sabihin. Gustong-gusto! Pero natatakot ako para kay Devin lalo na't posibleng may kinalaman nga siya sa pangyayari.

Hindi pa rin mahagilap si Sigmund Bolivar. Kaya mas lumakas ang suspetsang konektado siya sa nangyari kay lola. Lumakas rin ang takot ko para kay Devin. He's his grandfather!

Sa sumunod na mga gabi ay hirap ako sa pag-tulog. Kinukulit ang diwa ko sa huling pag-uusap namin ni Devin at matagal akong hinihila nito. Minsan naisip kong tawagan siya pero nauuwi lamang ako sa hindi pag-tawag o pag-tipa man lang ng mensahe.

Nagising ako kinabukasan sa ingay sa baba. Boses na mga nagtatalo. Bahagya kong binuksan ang pinto at sumilip sa manipis na siwang.

Nakaupo si tita Grace kaharap ang pulis na pumunta rin dito noon at si Atty. Silvestre. Nakatayo sa likod ang mga tito ko at si papa.

FROM THE MOMENTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon