Chapter 5: We are Friends
(Kana's POV)
Inagahan ko ang gising ko at nag-ninja moves ako palabas ng bahay. Ayaw kong makasabay si Jean papunta sa school. Nang malayo na ako sa bahay, roon lang ako nakahinga ng maluwag.
Baka kasi bwisitin lang ako no'n pag nagkita at nagkasabay kami. Baka ipamukha niya sakin na naloko na naman niya ako. Pero kung titignan, mukha naman siyang seryoso kagabi eh...
"Oh, magkaibigan na tayo!" umalingawngaw sa isip ko ang mga katagang yo'n ni Jean. Paulit ulit... waaaaaaah!!! Bakit pati ba naman sa isipan ko nang-iinis siya??? Ipinilig ko ang ulo ko para mawala yo'n sa isipan ko.
Niloloko lang talaga siguro ako no'n. Siya, makikipagkaibigan sakin? Nilagnat lang siya nagkagano'n na siya. Atsaka anong motibo niya? Bakit siya biglang nagkainteres sakin?
Bigla akong napatigil sa paglalakad. Parang may taong nakasunod sa likod ko... hindi kaya...
Paglingon ko, nakita ko siya...
"Oi, Kana! Bakit ka nang-iiwan? Eh ang aga pa naman 'di ba?" sabi ni Jean nang nilingon ko siya.
Patay! Kailangan kong makaisip ng dahilan! "Ah... Eh... pinag-usapan kasi namin nina Cony na maaga kami ngayon." Palusot ko. Tsaka ako nag-umpisang maglakad ulit. Sumunod naman siya.
"Ah." Tumango- tango naman siya na para bang nakumbinsi ko siya. "Eh ano namang gagawin niyo? Magkukwentuhan ng halos isang oras?" puno ng pang-iinis ang tanong niya.
"Ah. Gagawa ng assignment." Wait, may assignment nga ba kami???
"Assignment? Saan?" bakit ba ang kulit nito?
"Babatukan ko na 'to!" bulong ko. Paano ba naman ang kulit. Atsaka, anong subject ang sasabihin ko?
"Ano?" tanong niya.
"Ah wala!" ang lakas naman ng pandinig niya. Ah! Alam ko na! "Ang sabi ko sa English. Di ba may assingment tayo ro'n?" hohohoho! Ngiting tagumpay!
"Oo nga pala! Dalian na natin!" biglang bumilis ang paglakad niya.
Tagumpay talaga! Kasi natapos ko na lahat ng assignment kagabi. Hahahahaha! At mabuti na lang tumigil na siya sa kakatanong. Ang galing ko talaga!
Pagkarating sa school, dumiretso ako sa library. Siguro hindi na siya susunod sa akin. Pagkaupo ko sa isa sa mga mahahabang mesa sa library, bigla, may umupo rin sa harapan ko. Anak naman ng gwapo oh! sinundan niya ako hanggang dito!
"Akala ko ba gagawa kayo ng assignment sa English? Bakit wala kang dinala na kahit na anong gamit? Atsaka nasan 'yong kaibigan mong maingay?" sunod-sunod na tanong niya.
Sa library kasi namin, idine-deposit ang mga bag namin at dadalhin lang ang gagamitin namin papasok ng library. At iyon ang pagkakamali ko. Sana pala nagdala ako ng kahit na ano.
"Ah... actually, siya lang ang gagawa. Nagpapatulong siya sa akin hehe. Ang tagal naman niya. Nasaan na kaya siya?" luminga-linga ako kunwari hinahanap ko siya.
Makalipas ang maraming minuto, malamang, walang darating na Cony. Pero nagpapalinga-linga pa rin ako. Ang sakit na ng leeg ko...
Napatingin ako kay Jean, nakatitig siya sa akin na parang nawiwirduhan sa akin.
"Hay... ang tagal naman ni Cony..." luminga na naman ako. Para akong tanga, sa totoo lang. Kawawa naman ako. "Baka nakalimutan niya... Si Cony talaga oh." nagmomonolog na ako rito. Kawawa talaga ako.
Makalipas ang halos sampung minuto, sumuko na ako. Ano bang ipinaglalaban ko? Eh hindi naman talaga darating si Cony. Kahit si Meilyn mamaya pa darating 'yon.