Contestant # 17
Title : "Ikinadenang Pagibig"
Wattpad Username : JeyfferMendez
Genre : Tragic Romance
Theme : "Love is a sacrifice"---------------------------------------------------------------------
"IKinadenang Pagibig"
"Soulmates" - Oo! Siguro puwedeng tayo 'to? Ilang taon na ba tayong magkakilala? Thirty, forty years? Sinong maga-akala na tatagal tayo ng ganito?
Sabi mo sa'kin dati, walang malisya ang pagkakaibigan natin. "Purely Platonic!", pinagdiinan mo pa. Pero, kahit na ganoon, espesyal ang kung anomang nabuo sa pagitan natin, dahil hindi siguro tayo tatagal ng ganito kung wala ang isa't-isa. Ikaw at ako? Para tayong 'pancakes' at 'syrup', tinapay at mantikilya, magkasalungat ang tekstura pero bagay pa rin sa isa't-isa. Korni ko ba? Lagi naman 'di ba?
Naalala mo ba 'yong dating 'girlfriend' mo at nang naghiwalay kayo? Hindi! Hindi ikaw 'yong nakipaghiwalay. Iniwanan ka niya! Oo, sobrang sakit n'yon no? Para sa'yo, dahil siya yung una mo. At para sa'kin, dahil naiinis ako sa sobrang pagka-apektado mo sa babaeng 'yon!
Tinulungan kitang makalimutan siya, siyempre. Pero hindi sa paraang nagustuhan ko. Isinantabi ko ang pakiramdam ko at kinaibigan lahat ng magagandang babae sa campus para mai-reto sila sa'yo. At tagumpay naman tayo 'di ba? Para kang sumampa sa ulap nang maka-'date' mo 'yong pinakamagandang babae sa eskwelahan natin. Tapos, 'yong 'cute' na 'library assistant', tapos 'yong anak ng 'History professor, tapos – Hay! Hindi ko na mabilang kung ilang babae ba'ng nakaulayaw mo noon.
Nawalan ka na ng oras sa'kin. Pero, ano naman ngayon? Alam ko naman na sa bawat isang relasyong natatapos mo, lagi kang bumabalik sa'kin. Gustong-gusto kong iniinis ka sa tuwing tinutulungang maghilom 'yong mga nasirang bahagi ng pagkatao mo – kundi man 'yong nayurakan mong 'pride', eh 'yong nasugatan mong puso.
'Pag hindi mo kaulayaw yung mga babae mo, lagi tayong gumagala sa kung saan-saan. Gumagawa ng kung anu-ano. Billiards, gustong-gusto natin 'yon, 'di ba? Lagi kitang natatalo! Ang saya lang tuwing umuuwi kang luhaan. Pero dati pa 'yon. High school days? Magkaibang eskwelahan na kasi 'yong pinasukan natin sa kolehiyo. Pero hindi noon napigilan ang komunikasyon natin.
Alam mo bang iniiyakan kong bawat sulat mo? Oo! Dahil hinahanap-hanap kita! At para mo 'kong pinapatay sa pagkukwento mo ng mga bagong babaeng kinasakama mo, "tinitikman", ang eksaktong sabi mo. Sobrang detalyado pa ng mga sinulat mo. 'Yong unang gabi n'yo at lahat ng nakakarimarim na tagpo. Akala mo ba ayos lang sabihin 'yon sa'kin? Dahil magkaibigan tayo? Ang manhid mo! Pero, ganoon pa man, tinanggap ko 'yon. Sa bagay, ano ba namang alam mo sa nararamdaman ko?
Akala ko matapos ang ilang taon sa kolehiyo ay babalik 'yong dating tayo. Wala tayong kahit kaunting pinag-iba. "We just matured", sabi mo nga. Ninamnam kong lahat ng mga sandaling magkasama tayo dahil alam kong hindi 'yon magtatagal. At hindi nga. Kalaunan, nag-ASAWA ka na!
Siya ay – hindi ko man gustong aminin – ang babaeng angkin lahat ng katangiang pinangarap kong maging ako. Mabait siya at napapasaya ka. At alam mong basta masaya ka, maligaya na rin ako. Kung alam mo lang kung anong pagpapahirap ang pinaranas mo sa'kin sa dami ng lumipas na panahon. Siguro, 'yong makita ka na kasama ng mga babaeng 'yon ay sapat nang magpamanhid sa puso ko, pero ito - yong makita kang ikakasal – ito na siguro ang katapusan ng pagpapantasya ko.
Ang dami kong isinakripisyo para sa'yo, sa'yo..sa IYO! Kung ikaw ang 'araw', ako na siguro ang 'mundo', sa'yo lang umiikot ang daigdig ko. Ikaw ng buhay ko. Ang dahilan kung bakit hindi ako tumitigil umasa, kahit alam kong lagi naman akong mabibigo. Pero, hindi ko masasabi lahat 'to sa'yo. Siyempre. Ni hindi ko puwedeng aminin sa'yo, dahil hindi ko makakayang dumating ang panahon na mawala ka sa'kin at masira 'yong pagkakaibigan natin dahil lang sa kung anong tumatakbo rito sa baliw na puso na 'to. Kaya nanahimik na lang ako. Sinamahan kita sa lahat ng mga okasyon – ang araw ng kasal niyo, binyag, birthdays, at 'yong mga nakakasalusok na panganganak ng misis mo sa alin man sa apat na anak ninyo.
Sobrang pinahalagahan mo 'ko. Minsan nabubwisit ka sa'kin pero lagi pa rin akong nandiyan sa tabi mo. Bestfriend mo 'ko 'di ba? Bestfriend lang. At nagtataka ka pa kung bakit hindi na ako nakapag-asawa. Sira ka kasi! Hindi na kasi ako makakahanap ng tulad mo. Tulad mong kailangan ko. Tulad mong minahal ko sa kabila ng mga nangyari at sa dami ng taong lumipas.
Tsk, tsk, tsk... Forty years at wala man lang akong nasabi ni-isa nito sa'yo. Gusto ko mang pagsisihan 'yon, hindi rin. Itatakwil mo siguro ako. Oh, siguro mapanghusga lang ako. Baka nga natanggap mo rin siguro ako kung umamin ako sa'yo. Ay, hindi ko na alam! Siguro 'yong pinagsamahan natin ay sapat na para pagbigyan mo 'ko. Oh, siguro 'yong pagsasabi ko pa lang ng mga bagay na puwedeng maging tayo eh sapat na para mandiri ka sa'kin at ibasura yung haba ng pinagsamahan natin hanggang sa mabura na lang siya sa hangin.
Kaya, hindi ko na lang sasabihin sa'yo. Dahil hindi ako nabiyayaan ng akmang katangian para maging karapatdapat sa pagmamahal mo. Para na lang 'yon sa asawa't mga anak mo – 'yong pagmamahal mo. Siguro may maliit na puwang din ako riyan sa puso mo – mamahalin mo rin siguro 'ko kahit katiting lang – hindi nga lang sa ganoong paraan.
Tingnan mo oh! Pumuputi nang buhok natin at kumukulubot nang balat. Hindi na kagaya ng dati, 'di ba? Pero sa isip ko, parang gaya pa rin tayo noong araw..
"Uy, tingnan mo 'yong 'chick' na 'yon oh!", bulong mo sa'kin. Hindi ko siya tinitingnan, siyempre. Ikaw 'yong tinititigan ko. Ang guwapo. Ang tamis ng pilyong ngiti. Hiniling ko dati na titigan mo rin ako ng ganoon, gaya ng pagtitig mo roon sa babaeng 'yon. Pero hindi, siyempre hindi! Hindi kahit kailan!
Ang pagmamahal ko para sa'yo ay nakasilid sa isang espesyal na bahagi ng puso ko. Huwag kang mag-alala. Hindi ko 'yon papakawalan. Hindi ko ipapa-alam sa'yo. Dadalhin ko 'yon hanggang libingan, pangako! Hindi ko kayang sirain ang kung anomang mayroon tayo. Dahil – mayroon akong puso na hindi dapat nandito sa katawan na 'to.
Bilanggo ako sa pusong ito – para sa babae.
Sa loob ng katawang ito – para sa lalake.
BINABASA MO ANG
IBC Activity Section
RandomIBC Activity Section will serve as the "training and seminar" section for aspiring writers. We also do some "brain and talent games" that will surely enhance your skills. What yah waiting for? SALI NA! :)) @MoshieBabes07 @infinitexxyeol 03 13 16
