Kinuha ko ang aking maleta sa loob ng closet at pabasak na inilapag sa aking kama. Halos masira na ito dahil sa marahas na pagbukas ko ng zipper. Nasira na naman kasi ang araw ko dahil kinausap muli ako ng mga magulang ko tungkol sa pagpapakasal ko sa nagngangalang Lester Jimuel Cordova.
Akala ko pagkatapos ng dalawang taon ay makakalimutan na nila ang kabaliwang 'yon. Noong una nila akong kausapin tungkol do'n ay pinagkibit-balikat ko lang. Hindi ko gaanong pinapansin kapag inuungkat nilang muli ang kalokohang 'yon. Sa halip na magwala sa galit ay hindi ako nagpakita ng pagtanggi dahil siguradong mauuwi lang kami sa away. Humingi ako sa kanila ng dalawang taon bago ako ipakasal. Dahil sa pagitan ng panahong 'yon ay marami pa ang pwedeng mangyari. Pwedeng magbago ng isip ang mga magulang ko o kaya naman ay biglang mag-asawa ang lalaking gusto nilang ipakasal sa akin. Bukod do'n gusto kong ipagpatuloy ang aking modeling career. Dalawang taon pa ang natitira sa kontrata ko noong panahon na 'yon.
Isa akong fashion model. Kilala ang pangalang Adreanna Eyra Molina sa larangan ng pagmomodelo dito sa Canada. Ngunit sa kabila no'n ay wala akong nakuhang suporta sa mga magulang ko. Kahit noong kumuha ako ng kursong Bachelor of Fine Arts in Fashion Marketing and Design ay tumutol sila. Gusto nila ay may kinalaman sa pagpapatakbo ng business ang kunin kong kurso. Ngunit ipinilit ko pa rin ang gusto ko. Laking dismaya nila nang pumasok ako sa mundo ng pagmomodelo imbis na makuntento na lang sa pagiging fashion designer.
Kaya naman pala nag-invest sila sa textile and garment business ng mga Cordova ay para mapakinabangan ang pinag-aralan ko. Gusto nila akong lumikha ng mga sariling disenyo na pwedeng i-market ng mga Cordova. Kaya naman pala gusto nila akong ipakasal sa anak nila. Pareho nila kaming mapakikinabangan. Ipapakasal nila kami dahil sa lintek na business! Minsan naitatanong ko na lang kung bakit may mga magulang na mas mahal pa ang negosyo kaysa sa kanilang anak.
Dalawang taon na ang nakalipas nang ipakilala kami sa isa't-isa ng fiance ko kuno. Hindi ko alam kung maiinis o matutuwa ba ako dahil mukhang wala siyang interes sa akin. Pero nagpasalamat na rin ako sa Diyos dahil nakakita ako ng pag-asang hindi matutuloy ang balak ng aming mga magulang. Ngunit sa kasamaang palad ay mabilis na lumipas ang dalawang taon na walang nangyaring aberya. Kasalanan ng lalaking 'yon! Akala ko pa naman kaya wala siyang pinakitang interes sa akin nang magkakilala kami ay dahil may girlfriend na siya o may gusto siyang iba. 'Yan tuloy problema na naman kung paano ko pipigilan ang pagpapakasal.
Binuksan ko ang aking walk-in closet at kumuha ng mga daldalhin ko. Nagpabalik-balik ako sa closet at sa aking maleta. Kumuha pa ako ng isa pang maleta nang hindi ko mapagkasya ang mga gamit na gusto kong dalhin. Hindi ko kayang mabuhay nang konti lang ang damit at sapatos. Kahit na ba wala akong balak na manatili ng matagal sa Pilipinas. Gusto ko lang makatakas pansamantala. Bukas na ang flight ko dahil sinigurado kong sa mismong araw ng kasal ng kaibigan kong si Princess ang dating ko sa Pinas. Naipangako ko na sa kanya na darating ako. Isa pa naman ako sa mga bridesmaids niya kaya kailangan present ako sa kasal niya. Mabuti na lang at wala akong prior commitments at hindi pa ako nakakapag-renew ng kontrata. Kaya kahit mawala ako ng matagal ay wala akong aalalahanin. Hindi ako makakasuhan ng breach of contract.
Nang matapos makapag-empake ay tinawagan ko agad si Zeb, ang aking baklang manager. Pinoy din siya ngunit tulad ko'y matagal na rin naninirahan dito Canada.
"Adreanna, my dear, what's up?" malakas na sagot nito. Mukhang nasa isang gay night club na naman ito. Dinig ko ang malakas na tugtog sa background.
"Zeb, listen. I'll be gone for a while."
"What? I can't hear you?" malakas niyang tugon.
"I said I'll be gone for a while. I'm going to the Philippines," halos pasigaw kong sagot.
BINABASA MO ANG
Deal With It! (DDG Series #1)
RomanceDDG Series presents Lester Jimuel. Lester Jimuel Cordova, one of the members of the so-called 'DDG Brothers' on their campus . DDG means Drop Dead Gorgeous. Their friendship began way back in High school. Since then, they value the importance of BR...