Kabanata 10 - Sa Gitna ng Ulan

2.9K 95 9
                                    

Magkahawak-kamay kaming tumakbo ni Robert at sumilong sa isang waiting shed. Malapit na lamang ang dormitoryo ko pero hindi namin kayang suongin ang ulan sa sobrang lakas nito. Mabuti na lamang ay may nasilungan kami kaya't hindi gaanong nabasa ang damit namin. Binitawan na ni Robert ang kamay ko at pinagpag ang ulan sa buhok niya. Pagkatapos noo'y pinunasan niya ang kanyang braso gamit ang kamay. Hindi ko maiwasan ang mapangiti habang pinagmamasdan siya.

Napatingin siya sa akin. "Bakit?"

Bigla akong natawa. Pakiramdam ko'y nahugasan ng ulan ang kalungkutan ko. Gumaan ang pakiramdam ko at para bang sa mga nagdaang araw ay ngayon na lamang muli naging payapa ang kalooban ko.

"Bakit nga?" pag-uulit niya at nag-umpisa na ring mapangiti.

"Wala," sagot ko at sabay kaming natawa. Hindi ko alam kung alam niya ang dahilan ng pagtawa ko o natatawa lang talaga siya sa akin. Sumabay ang mga tawa namin sa ingay ng bumubuhos na ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat. Unti-unti, humihina ang mga tawa namin hanggang sa tuluyan na itong huminto.

"Salamat, Robert."

"Para saan?"

"Dahil dito, sinagip mo ako sa ulan," sabi ko na ang tunay na tinutukoy ay ang kalungkutan. Hindi niya alam kung gaano kalaki ang naitulong ng presensiya niya ngayon. Malungkot pa rin naman ako pero hindi kasing lungkot nang kanina. Malungkot pa rin naman ako pero dahil kasama ko siya, I don't feel so alone.

Kumurba ang labi niya sa kanan. "Hindi naman kita nasagip. Nabasa ka pa rin naman, 'di ba?"

Matipid akong ngumiti. "Pero sinamahan mo akong mabasa."

Tumawa siya at ginulo-gulo ang buhok ko. "Napaka-sentimental mo ata ngayon?"

Tinabig ko ang kamay niya, pakiramdam ko'y pinagmumukha niya akong alagang aso doon. "Hindi naman. Sa panahon kasi ngayon, bihira nang makatagpo ng taong sasamahan kang mabasa sa ulan."

"Kung ganoon, salamat din."

Nagsalubong ang kilay ko.

"Kasi pumayag kang samahan kita," sagot niya at makahulugang tumingin sa mga mata ko. Pakiramdam ko'y biglang umikot ang sikmura ko kasabay ng pagbilis ng kabog ng dibdib ko. Gusto kong tanungin kung ano ang ibig sabihin noon pero, hindi nais lumabas ng mga salita sa labi ko. Natatakot ako na baka sabihin niyang wala lang iyon, na ako lang ang nag-iisip ng ganoon, na ako lang ang nagbibigay ng kahulugan. At natatakot din naman ako na baka sabihin niyang may ibig sabihin nga iyon. Sapagkat ano man sa dalawang sagot ay hindi pa ako handa.

Inilapag niya ang kanyang bag sa upuan ng waiting shed at muling bumalik sa gitna ng kalsada at nagpaulan.

"Robert! Anong ginagawa mo?" sigaw ko.

Humarap siya sa akin. "Basa na rin naman tayo, 'di ba?"

Kunot-noo akong tumango. Hindi ko alam kung ano'ng tumatakbo sa isip niya ngayon. Lumiyad siya at tumingala kasabay ng pagpikit ng kanyang mga mata. Dinama niya ang bawat pagpatak ng ulan sa kanyang mukha at ang tuloy-tuloy nitong pag-agos sa kanyang katawan.

Muli siyang tumingin sa akin at inilahad ang kanang kamay. "Halika! Samahan mo ako, magtampisaw tayo sa ulan."

Binitawan ko ang bag ko at hinubad ang dyaket niya. Naglakad akong palapit sa kanya habang binabalewala ang malalaking patak ng ulan na bumabasa sa suot ko. Inabot ko ang kamay niya. Ngumiti siya at kinabig ako sa baywang. Inilapit niya ang katawan niya sa akin at hinilig ang ulo niya sa ulo ko. Hindi ako makagalaw.

Nagsimula niyang ihakbang ang mga paa niya paharap. Napaatras naman ako. Humakbang pa siya ng isa hanggang sa ang galaw nami'y naging iisa na lamang. Nag-humming siya ng isang kantang hindi pamilyar sa akin.

The Policewoman: Book IITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon