"Winona. . . kumalma ka," ani Robert at itinaas ang kanang kamay na waring nagsasabi na huwag kong ituloy ang iniisip kong gawin. "W-wala namang nangyari sa atin. . . pangako!"
Hindi ko pinansin ang sinabi niya at buong lakas pa ring ibinato sa kanya ang stuffed toy na hawak. Nasalo niya iyon dahilan upang lalo akong mainis. Lahat ng ibato ko ay nasasalo niya.
"Maniwala ka naman," sabi niya sa tonong tila nagmamakaawa.
Pero hindi uubra sa akin iyon. Maaaring wala ngang nangyari sa amin pero iyong ginawa niyang pagbihis sa akin, malinaw na paglabag iyon sa karapatang pantao ko. Sabihin na nating ginawa niya iyon para sa ikabubuti ko o nang walang bahid ng malisya pero, lalaki siya at babae pa rin ako. Kaya't hindi ko kayang manahimik na lamang at palampasin ang ginawa niya tulad noong una.
Lumingon ako upang muling humanap ng maibabato. Nakita ko ang lotion sa may ulunan ng kama. Umunat ako upang abutin iyon ngunit bago makuha iyon, may gumuhit na kirot sa sentido ko at pakiramdam ko'y pumipintig ito. Napaupo ako sa kama at mariing napahawak sa ulo. Nakita kong humakbang siyang palapit sa akin.
"Diyan ka lang!" sigaw ko at itinuro siya. "Huwag kang lalapit sa akin!"
Subalit hindi marunong makinig si Robert. Gagawin niya anumang gusto niyang gawin. Binitawan niya ang mga nasalong bagay na ibinato ko. Nagmamadali siyang lumapit sa akin at inalalayan ako.
Tinabig ko ang kamay niya. "Sabi nang huwag kang lumapit!"
Natigilan siya at hindi makapaniwalang napatingin sa akin. Nasalamin ko sa mata niya na emosyonal siyang nasaktan sa ginawa ko. Nakaramdam ako ng kaunting pagsisisi. Binitawan niya ako at saka dumistansiya sa akin. Kasunod noon ay ang biglang pagbukas ng pinto ng kuwarto.
"What's happening?" gulat na tanong ni Gael. Nahagip ng kanyang tingin ang unan at mga stuffed toy niyang nakakalat sa sahig. Isa-isa niyang dinampot ang mga iyon. "Nag-aaway ba kayo?"
Hindi pa rin inaalis ni Robert ang tingin sa akin. Sinalubong ko ang tingin niya. Ilang segundo kaming nanatili sa ganoong ayos bago siya tumalikod at tinungo ang pintuan. "Ikaw na ang kumausap diyan, Gael. Ang hirap kumausap ng taong sarado ang isipan. Tumulong ka na nga, ikaw pa ang masama," nagmamaktol niyang saad at saka pabagsak na isinara ang pinto.
Napapikit ako. Hindi dahil sa lakas ng pagkakabagsak ng pinto kundi dahil sa mga salitang binitawan niya na parang isang matalim na kutsilyong itinarak sa dibdib ko. I feel guilty. Napayuko ako at kusang bumuhos ang luha sa mga mata ko.
Marahang naupo si Gael sa tabi ko. "Ate, okay ka lang ba?"
Pinunasan ko ang luha ko at tumingin sa kanya. Pilit akong ngumiti at tumango. "Okay lang ako, Gael."
Hinaplos niya ako sa likod. "Was it about last night?"
Hindi ako sumagot at yumuko lamang.
"Do you want to know. . . what really happened?"
Natigilan ako't mataman na napatingin sa kanya.
"It was passed 2:00 am when kuya called me. He said he's coming home na and he instructed me to prepare clothes for you and warm water para panghilamos. He said you're too drunk and kahit siya medyo groggy na rin. Inihatid kayo rito ng mga katrabaho niyo. Wala ka nang malay noon, ate, kaya binuhat ka ni kuya sa kuwarto ko. And after that, he made his way to his room. Ako na ang nag-asikaso sa iyo."
Nanakit ang lalamunan ko at pakiramdam ko'y maiiyak na naman ako. Ano ba'ng ginawa ko? Bakit ako nagpadala sa galit? Ngayon ay nasaktan ko si Robert. Galit na siya sa akin. Hindi ko alam kung ano ang dapat gawin para mabawi ang ginawa ko.
BINABASA MO ANG
The Policewoman: Book II
Genel KurguSi Winona, isang matapang na babae-- walang sinasanto, walang inuurungan, at handang lumaban ng patayan para sa mga taong mahal niya at sa bansang kanyang pinagsisilbihan. Ngunit para sa sarili, hindi niya magawang lumaban. Minsan na siyang nagpara...