NAGLALANDAS na ang pawis mula sa aking sentido. Basa na rin ang aking likuran at nararamdaman ko na ang unipormeng suot na malagkit nang dumidikit sa aking balat. Mabilis na kumakabog ang dibdib ko-- hindi dahil sa kaba o sa takot kundi dahil sa pagkahapo sa pagtakbo. Ganunpaman, sinusubukan ko pa ring magmukhang kalmado at huminga nang normal.
Humakbang ako nang isa paatras. Naglapat ang likod namin ni Robert. Bahagya ko siyang nilingon. "Ano'ng gagawin natin? Dumarami ang sibilyan."
"Magpalit tayo," sagot niya. "Ikaw ang umaresto at ako na ang magse-secure sa'yo hanggang sa makalabas tayo rito."
"Okay," pagsang-ayon ko. Mabilis kaming umikot at nagpalit ng puwesto.
Nagsalubong ang kilay ko nang makaharap ang lalaking ilang minuto rin kaming pinahirapan sa paghabol. Sandali ko itong sinuri ng tingin. Maliit lamang ang pangangatawan nito at sa tingin ko, nasa humigit-kumulang dalawampung taong gulang pa lamang ito kaya't napakaliksi pang kumilos. Nasa limang talampakan at tatlong pulgada lamang ang taas nito, sa aking tantiya, mababa ng tatlong pulgada kumpara sa akin.
"Hi, ma'am, chief, boss, amo," magiliw nitong bati habang nakataas pa rin ang dalawang kamay. Palagay ko'y nasa ilalim nga ito ng impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot. Muli kong isinuksok sa may tagiliran ang baril ko at saka lumapit sa kanya. Kinakapkapan ko siya simula sa katawan pababa upang malaman kung may tangan siyang kutsilyo, baril, o anumang bagay na maaaring makasakit o makapatay. Natigilan ako sa pagkapkap nang may makapang manipis na nakaumbok sa kaliwang unahang bulsa niya.
Napatingala ako sa kanya. Tumayo ako nang tuwid at humakbang nang isa paatras. "Paki-labas ng laman ng bulsa mo!"
Ngumiti ang lalaki at hindi binali ang tingin sa akin habang dinudukot ang laman ng kanyang bulsa. Mula roo'y inilabas niya ang tatlong maliliit na kuwadradong plastik na naglalaman ng puting pulbos na sa hinala ko'y shabu, isang ipinagbabawal na gamot.
Humakbang akong palapit sa kanya upang kunin iyon. Ngunit bago iyon mapasakamay ko'y tinangka niya iyong itapon sa sapang nasa kanyang likuran, bagay na inaasahan ko na kaya't agad kong nahawakan ang kaliwang kamay niya. Pinilipit ko iyong palikod at sinundan ng malakas na siko sa kanyang likod. Napasigaw siya sa sakit at napaluhod. At habang hawak pa ring palikod ang kamay niya'y itinukod ko ang tuhod ko sa likuran niya at pinuwersa iyong pababa hanggang sa lumapat ang katawan niya sa lupa. Mula sa kamay niya'y kinuha ko ang mga plastik at ibinulsa. Hinugot ko ang posas mula sa aking likuran.
"Inaaresto kita sa salang pag-iingat ng tatlong plastik ng ipinagbabawal na gamot nang walang pahintulot ng batas," mabilis kong bigkas at isinuot ang posas sa kaliwa niyang kamay. Hinila ko namang palikod ang kanang kamay niyang nakatukod sa lupa at isinuot din doon ang posas. Napasinghap siya at pilit na iniiwas ang mukhang dumikit sa lupa. Sinabihan ko na siya ng kanyang mga karapatan at pagkatapos ay tumayo na ako't hinila siya sa damit upang ibangon. Kusa naman niyang inihakbang paharap ang isang paa upang makabuwelo ng tayo. Idinura niya ang lupang dumikit sa kanyang labi. Nilingon niya ako at tumawa. Magsasalita pa sana ito ngunit inunahan ko na't itinulak. "Lakad!"
Habang binabagtas namin ang daan palabas ng lugar na iyon ay kusa namang nahawi ang mga taong nakikiusisa at isa-isa nang nagpasukan sa kani-kanilang mga bahay. Hindi naman kami nahirapang hanapin ang daan palabas dahil may mga Barangay Tanod na dumating at nagturo sa amin ng daan. Nang makalabas sa lugar na iyon ay narinig kong nagpakawala nang malalim na paghinga si Robert. Nilingon niya ako at sandaling sinuri ng tingin. Sinalubong na kami ng aming mga kasamahan.
"Akala namin, kailangan niyo na ng back-up," sabi ni Ferrer. "Buti hindi kayo na-corner ng mga kamag-anak niyan?"
"Muntik na," sagot ko.
BINABASA MO ANG
The Policewoman: Book II
Ficção GeralSi Winona, isang matapang na babae-- walang sinasanto, walang inuurungan, at handang lumaban ng patayan para sa mga taong mahal niya at sa bansang kanyang pinagsisilbihan. Ngunit para sa sarili, hindi niya magawang lumaban. Minsan na siyang nagpara...