Kabanata 19 - Ang Target

2.7K 81 11
                                    

"May problema ba kayo. . . ni Santiago?" tanong ni Dela Cruz habang kami'y magkasabay na kumakain ng tanghalian sa kantina. Sinulyapan ko siya't sinundan ang tinitingnan niya. Nakita ko si Robert na may dalang tray ng pagkain at naupo sa kabilang mesa kung saan naroon ang iba pang pulis Las Piñas.

Nagkibit-balikat lamang ako't itinuong muli ang atensyon sa pagkain.

"Kagabi lang. . . okay naman kayo, 'di ba?" muli niyang tanong. Nang mapansing hindi ako umiimik ay tumahimik na rin siya. Maya-maya'y muli niyang binuksan ang usapan. "Alam mo. . . hindi naman sa nanghihimasok ako, ha? Hindi ko kasi maintindihan kayong dalawa. Pareho kayong komplikado. Hindi niyo man aminin, nakikita ko na mayroong espesyal sa pagtitinginan ninyo pero nagtataka ako. Bakit. . . hindi niyo na totohanin 'yan? Ano? Hanggang tinginan na lang ba kayo?"

"Hindi naman kasi ganoon kadali iyon," sagot ko na sinundan ng malaking subo ng pagkain.

Nagsalubong ang kilay niya. "Bakit? Dalaga ka. Binata siya. Ano'ng problema doon?"

"Iba na kasi ngayon."

Tumawa siya. "Iyon na nga! Iba na nga pero. . . dapat nga'y mas napadali na para sa inyo, hindi ba? Kasi lahat na ng paraan para mapadali ang komunikasyon, nariyan na. Text. Facebook. Skype. Twitter. Ano pa ba iyong bago. . . viber?"

Natawa ako. "Hindi na bago iyon!"

"Hindi na ba? Bago pa para sa akin iyon," aniya at muling bumalik sa paksa. "Alam mo, noong kabataan ko nga, mas mahirap! Kapag may nililigawan ka, pupuntahan mo talaga sa bahay nila. At ang hirap kapag makikipagkita ka, kailangan alam niyo pareho ang oras, petsa, at lugar ng pagtatagpo ninyo," ngumiti siya at tumingin sa itaas. "Pero ang saya ng mga panahong iyon. Ang saya kapag magbibihis ka ng bagong plantsang damit at magpapahid ng pamada sa buhok para lang mangharana kasama ng tropa. . . at mangakyat ng ligaw. Ang saya mamitas ng mga bulaklak sa kapitbahay, huwag lang papahuli, at ialay sa nililigawan. Ang saya dahil lahat ng tao noon, suportado ang pag-ibig. Malaya mong maipapakita ang pagmamahal mo sa isang tao. Walang huhusga sa iyo. Kahit pa ang boses mo'y paos o ang gitara mo'y sintunado, pauunlakan pa rin nila ang pag-ibig na alay mo.

"Pero lahat ng bagay na ito, hindi na nararanasan ng mga kabataan ngayon. Nalulungkot ako para sa kanila. Kaya tuloy ngayon, hindi na nila alam kung paanong maghirap makuha lamang ang matamis na oo ng isang tao. Hindi na sila sanay mag-effort. Hindi na sila sanay maghintay. Kaunting hirap, suko na agad. Kaunting effort, pagod na agad. Kaunting paghihintay, naiinip na agad."

Napaisip ako sa sinabi niya. "Pero hindi ba, kung tutuusin, biktima lang ang mga kabataan ngayon ng maling desisyon ng henerasyon ninyo?"

Kumunot ang noo niya. "Bakit mo naman nasabi?"

"Maganda naman kasi ang buhay noon-- hindi madali pero masaya. Lahat ay gumagawa ng paraan para mag-reach out sa ibang tao. Kung naging kuntento lang sana kayo sa buhay noon at hindi na umimbento ng mga bagay na mas nagpapadali ng buhay, eh 'di sana ganoon pa rin ang mga kabataan ngayon. Masikap. Matiyaga. Marunong maghintay. Kayo rin naman ang gumawang tamad sa kanila."

Napaisip siya at natawa. "Oo nga, ano?"

Pareho na kaming natahimik. Maya-maya ay siniko niya ako. "Mabalik tayo. Kung sakali, may pag-asa ba si Santiago?"

"Kung sakaling?"

"Sabihin na nating. . . manligaw siya."

"Hindi ko naman isinasarado ang puso ko sa kahit sino," sagot ko at muling sumulyap kay Robert.

Pagsapit ng alas sais ng gabi, umuwi ako sa dormitoryo upang magpalit ng damit para sa pagpapatuloy ng aming misyon. Kay Franz na lamang ako humingi ng pabor tutal wala kami sa magandang kundisyon ni Robert at duda rin akong tutulungan pa ako ni Glenda. Nagkataon namang walang lakad si Franz at libreng-libre na tulungan ako. Inilabas niya agad ang lahat ng mga damit na tinatawag niyang "pang-awra". Napili niyang ipasuot sa akin ang isang royal blue na crop tops at isang fleeted mini skirt na itim.

The Policewoman: Book IITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon