Kabanata 26 - Ang Tagapagtanggol

2.5K 77 11
                                    

PINANOOD ko ang kilos ni Gael at ng mga kasamahan niyang binubuo ng tatlong babae at dalawang lalaki. Nagtatawanan sila at mukhang nagbibiruan habang papasok sa disco. Wala naman akong nakikitang masama sa ikinikilos nila, pawang nagkakasiyahan lang sila. Hindi naman siguro gagawin ni Gael sa kuya niya ang magrebelde dahil sa pagkakaalam ko, mahal na mahal niya ang kuya niya.

Ngunit hindi pa rin ako mapalagay dahil alam ko kung anong impluwensya ang maaaring makuha ni Gael pagpasok niya sa disco'ng iyon. Maaaring kay Gael may tiwala ako pero sa mga kasamahan niya o sa mga taong nasa loob ng disco'ng iyon ay wala. Hindi nababagay para sa isang tulad ni Gael ang environment na mayroon doon. At alam ko, hindi matutuwa si Robert kung malaman niya ang ginagawa ng kanyang kapatid. Sigurado akong walang ideya si Robert dito. Sa higpit ni Robert sa kapatid, alam ko na kahit magpaalam ito ay hindi niya pahihintulutan.

Napabuntong-hininga ako at ipinatong ang kaliwang siko sa may bintana. Naghalumbaba ako't napaisip. Dapat ko bang sabihin ito kay Robert? Kung sabihin ko, maaari itong pagmulan ng hindi pagkakaintindihan ng magkapatid. Maaari ring magalit sa akin si Gael. At kung hindi naman, uusigin naman ako ng aking konsensiya dahil para na rin akong naglihim nito kay Robert. At paano kung may mangyari kay Gael?

Humawak ako sa manibela at tinapik-tapik iyon ng aking hinlalaki. Ilang beses akong nagpakawala nang malalim na paghinga habang iniisip kung ano ang dapat gawin ngunit wala pa ring sagot na kumakawala sa aking isipan. Nagulat ako nang biglang gumalaw ang bukasan ng pinto sa passenger seat at sinundan ng katok sa bintana ng sasakyan. Si Ferrer. Sa lalim ng iniisip ko'y hindi ko napansin na lumabas na siya ng disco. Dali-dali kong binuksan ang pinto. Sumakay na siya.

"Kumusta? Positive ba?"

Tumango siya at mula sa kanyang bulsa ay inilabas niya ang mga pakete na naglalaman ng marijuana. Ipinakita niya iyon sa akin at pagkatapos ay muli na niyang isinilid sa kanyang bulsa. "Tara na?"

Sumandal ako sa upuan at muling nagbuntong-hininga.

"May problema ba?"

Sinalubong ko ang tingin niya at sandaling nag-isip kung paano ito sasabihin sa kanya. "Ganito kasi. . . halimbawa may matalik kang kaibigan na may alagang pusa. Tapos. . ."

"Tapos?"

"Tapos. . . nakita mo iyong pusa niya na pagala-gala. Sasabihin mo ba iyon sa kaibigan mo?"

Tumawa siya. "Nature na ng pusa ang magpagala-gala, ma'am."

Napangiwi ako. Bakit nga ba pusa ang naisip kong gawing halimbawa?

"Eh paano kung ganito. . . maligaw iyong pusa? Tapos. . . makita mo iyong kaibigan mo na may-ari ng pusa na nalulungkot at umiiyak dahil hindi na niya makita ang pusa niya. Siyempre, bilang kaibigan, ang bigat sa kalooban noon kasi wala kang ginawa. Nakita mo nang pagala-gala iyong pusa niya pero hindi mo dinampot, hindi mo sinabi sa kanya noong araw ring iyon. Eh 'di sana. . . kung sinabi mo. . . napuntahan niya iyong pusa niya at nasagip niya sa pagkaligaw, 'di ba?"

"Uhhm. . ." tanging nasambit ni Ferrer at pilit na ngumiti.

Mariin akong pumikit at napahawak sa ulo. Itinaas ko ang kanang kamay. "Pasensiya na, Ferrer. Hindi ko lang kasi malaman kung ano'ng gagawin."

Tulalang napasandal sa upuan si Ferrer.

"Uy! Huwag mo nang problemahin ang mga sinabi ko."

Seryoso niya akong nilingon. "Wala namang pusa na naliligaw, 'di ba?"

Nagkibit-balikat ako. "S-siguro. Oo. Ewan."

"Ang pusa kasi, ma'am, marunong silang bumalik sa bahay ng amo nila. May kapitbahay nga kami, itinapon na nila sa malayo iyong pusa nila pero tatlong araw lang, nakabalik iyong pusa. Sa tingin ko, kung sinadyang maglayas noong pusa, hindi na talaga siya makakabalik. Pero, hindi ba, kung wala namang problema sa amo niya, bakit siya maglalayas? May pagkatamad kasi ang mga pusa. Sanay silang pinagsisilbihan. Sanay silang nilalambing. May pagka-possessive rin ang mga pusa tulad ng aso. Siguro maglalayas lang sila kung. . . hindi na naibibigay iyong mga kailangan nila o gusto nila?"

The Policewoman: Book IITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon