Kabanata 30 - Maligayang Pasko

3.3K 86 26
                                    

Dumaan ang mga araw. . . linggo. . . buwan. . . na tila nakalimutan na ni Gael ang daan pauwi at ang nakatatandang kapatid na walang araw at gabing hindi siya naiisip. Natunghayan ko kung gaano kahirap para kay Robert na tanggapin ang naging desisyon ni Gael, kung paano siya nilalamon ng lungkot sa tuwing daratnan ang bahay na walang laman, walang sumasalubong na kapatid, yumayapos, at nangungulit. Nakita ko kung paanong nadudurog ang puso niya sa tuwing kakain na hindi man lang alam kung kumain na rin ba ito o. . . may nakakain pa ba ito?

Ngunit kahit gaano kahirap na tanggapin, sinubukan pa rin ni Robert na unawain kung bakit kinailangan ni Gael ng kalayaan, kung bakit sila nauwi sa ganito na hindi man lamang nagkaroon ng maayos na paghihiwalay ng landas. Siguro nga'y sa sobrang pagmamahal natin sa isang tao, hindi natin namamalayan na ginagawa na natin silang lumpo. . . at darating ang panahon na hihilingin nila ang pagbitaw mo, ang hindi mo pag-alalay upang matututo silang tumayo sa sariling mga paa at maglakbay nang mag-isa. Mas mabuti na siguro iyon kaysa piliing maging lumpo na lang habambuhay.

Ipinagdarasal na lang ni Robert na sana'y gabayan ng Panginoon ang kapatid at huwag hayaang mapariwara ang buhay nitong tulad ng ibang kabataan. At kahit saan man dalhin si Gael ng kalayaang hiningi niya, magkamali man ito sa kanyang desisyon ay sana, sana magkaroon pa ito ng pagkakataong makabangon. Hindi naman isinasara ni Robert ang pinto para sa kanyang kapatid. Araw-araw pa rin siyang umaasa at naghihintay sa pagbabalik nito.

"Halika, lumabas tayo!" anyaya sa akin ni Robert pagkatapos ng aming trabaho.

"Linggu-linggo na lang tayong lumalabas, hindi ba nauubos ang pera mo?"

Tumawa siya. "Nauubos. Pero. . . pera lang 'yan, kikitain ko rin naman 'yan."

Natahimik ako. Alam ko namang ginagawa niya lang ito dahil ayaw niyang maramdaman na mag-isa siya.

"Ayaw mo ba?"

Tumingin ako sa kanya. "Napanood na natin lahat ng bagong pelikula sa sinehan. Napasyalan na rin natin lahat ng mall dito sa Metro Manila, lahat ng park at pasyalan napuntahan na rin natin. Saan mo naman balak pumunta ngayon?"

Yumuko siya. "Ikaw. . . may alam ka ba?"

Sandaling namagitan ang katahimikan sa amin. Nagpakawala ako nang malalim na paghinga at saka tumingin sa kanya. "Tara!"

Sinalubong niya ang tingin ko. "Saan?"

"Basta," sagot ko at hindi na siya nagtanong. Sumakay kami ng bus papuntang Mabitac at habang pasakay kami ay pinisil niya ang kamay ko. Nakita ko ang malaking ngiti sa labi niya. Sa isang taon na naging kami ay hindi ko pa siya naipapakilala sa pamilya ko. Kilala lang niya ang mga ito base sa mga kuwento ko. Alam na rin naman ng mga magulang ko ang tungkol kay Robert. Nabanggit ko sa kanila ang tungkol dito nang minsang umuwi ako.

Dahil magpapasko na ay pahirapan na sa pag-uwi. Umalis kami ng alas dos ng hapon sa Maynila at dumating kami sa bahay ng alas nuwebe ng gabi. Noo'y nagsasara na ng bakery si papa. Napahinto ito nang masulyapan akong nakatayo sa labas ng bakery.

"Merry Christmas, papa!" nakangiting bati ko.

Gumuhit ang matamis na ngiti sa mga labi ni papa at lumingon sa kanyang likuran, "Feling! Andito si Nona!"

Dali-daling lumabas si papa sa bakery na sinundan ng nagmamadali ring si nanay. Niyapos ako ni papa. At nang kumalas siya sa pagkakayakap ay tinanong sa akin, "Sino naman itong guwapong binata na kasama mo, anak?"

"Ahh. . . Magandang gabi ho," nakangiting bati ni Robert. Kinuha niya ang kamay ni papa at nagmano.

"Ahh, pa, si Robert po!"

"Ikaw na pala 'yan, Robert? Ang masuwerteng lalaki."

"Papa," suway ko.

Tumawa si Robert. "Naku, napaka-suwerte ko po talaga sa anak niyo."

The Policewoman: Book IITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon