Pagkalipas ng tatlong taon, maraming bagay na ang nabago. Na-promote na bilang station commander si Robert sa isa sa mga presinto ng Las Piñas habang ako naman ay naging imbestigador at operatiba na sa District Anti Illegal Drugs ng Southern Police District. Sa pagtaas ng mga posisyon namin, naging mas abala kami sa trabaho ngunit naisisingit pa rin naman ang oras para sa isa't isa.
Isang araw, paglabas ko ng istasyon ay nakita ko si Robert sa labas, sakay ng isang pulang motorsiklo. Sa kanyang kaliwang braso ay nakaipit ang isang pulang helmet na may disenyong kawangis ng kanyang motor. Ngumiti siya at kumaway sa akin. "Babe!"
"Uy. . ." tanging nasambit ko dahil wala naman kaming usapan na magkikita ngayon. Lumapit ako sa kanya. "Ano'ng ginagawa mo rito?"
"Sinusundo ka." Bumaba siya sa motor at isinuot sa akin ang isa pang helmet. Pagkatapos noo'y muli siyang sumakay sa motor at isinuot ang helmet niya. Lumingon siya sa akin at tinapik ang upuan sa likuran niya. "Sakay na!"
"Saan tayo pupunta?"
Ngumiti siya. "Mamasyal lang tayo."
Pagsakay ko ay kinuha niya ang magkabilang kamay ko at inilagay sa tiyan niya. Pinaandar na niya ang motorsiklo at dinala ako sa isang simbahan sa Tagaytay. Dahil nagsisimula pa lamang sumikat ang araw ay napakalamig sa lugar. Wala akong dalang jacket kaya't pinahiram niya sa akin ang jacket niya.
"Magsisimba tayo?" tanong ko. "Huwebes pa lang ngayon, ah?"
Ngumiti siya at hinawakan ang kamay ko. "Ito ang Our Lady of Lourdes Parish Church. Dito ikinasal sina mommy at daddy."
"Oh?" Inilibot ko ang tingin at namangha sa ganda ng lugar.
"At dito rin kita pakakasalan," dugtong nito.
Natigilan ako at napatingin sa kanya.
"Halika, pasok tayo!" wika niya. Naglakad kami papasok ng simbahan. "Alam mo ba'ng sabi nila. . . kapag unang beses mo pa lang na makarating sa isang simbahan, kahit anong hilingin mo, matutupad. Naniniwala ka ba roon?"
Nagkibit-balikat ako. "Hindi ko pa nasusubukan."
Ngumiti siya. "Gusto mong subukan?"
"Sige," sagot ko.
Pagpasok namin sa simbahan, sabay kaming nanalangin. Pagkatapos ay tumayo na kami at sabay na nag-bow sa harap ng altar. Nang patalikod na ako, bigla akong hinawakan ni Robert sa kamay na waring pinipigilan ako sa pag-alis. Huminto ako at tumingin sa kanya. Napansin ko na kinakabahan siya.
"Babe. . . may sasabihin ako," seryosong sabi niya. Napakunot ang noo ko. Ano ba'ng sasabihin niya at kailangan pa talagang nasa harap kami ng altar?
Nagsimula nang pumatak ang pawis mula sa sentido niya. Hindi naman mainit ngunit pawis na pawis siya. Lumuhod siya sa harap ko at may dinukot sa kanyang bulsa. Nagsimula nang kumabog ang dibdib ko pero nanatili pa rin akong kalmado.
Inilabas niya mula sa kanyang bulsa ang isang asul na kahon at nanginginig ang mga kamay na binuksan iyon. Bumungad ang isang gintong singsing. "Babe. . . gusto ko nang palitan ang apelyido mo. Marry me!"
"U-utos ba 'yan?" natatawang sabi ko.
Ngumiti siya. "Hiling?"
Kani-kanina lang ay hiniling ko sa Panginoon na sana ay si Robert na talaga ang lalaking para sa akin. Ang bilis naman ng sagot niya. Naiyak ako sa sobrang saya. "Okay. . . tumayo ka na diyan. Pakakasalan na kita!"
Gumuhit ang malaking ngiti sa labi niya. Nanginginig ang mga kamay na isinuot niya sa akin ang singsing at niyapos ako. Nilapit niya ang labi niya sa tainga ko at bumulong, "I love you so much!"
Pagkalipas ng limang buwan, ika-29 ng Hunyo, naganap na ang aming pag-iisang dibdib. Dumalo ang mga kasamahan namin sa trabaho, mga kaibigan, at ang pamilya ko. Isang simpleng pagsasalo lang ang naganap at pagkatapos noo'y nag-honeymoon kami sa isang resort doon din sa Tagaytay.
"Babe, ready na ako!" nangingiting sabi ni Robert paglabas ng banyo. Bagong shower siya at nakatapis na lang ng tuwalya. Akala ko'y handa na ako pero nang makita siya, pakiramdam ko'y umikot bigla ang tiyan ko.
Abot-tainga ang ngiti niya habang naglalakad palapit sa akin. "Heto na 'ko, babe! Rawr!"
Tumawa ako ngunit may halo pa ring kaba. Nang makalapit si Robert ay itinukod ko sa dibdib niya ang kamay ko. "Babe, bukas na lang kaya. Inaantok na 'ko eh."
Sumimangot siya. "Babe naman!"
"Please. . ."
Nawala ang ngiti sa mga labi niya. Naupo siya sa tabi ko at sandaling natahimik. Maya-maya'y nahiga na sa tabi ko.
Umayos na rin ako ng higa at pumikit pero. . . hindi ako makatulog. Parang nakokonsensiya ako na hindi ko siya pinagbigyan. Pakiramdam ko'y kakulangan ko iyon bilang asawa na niya. Hindi ko matiis na nalulungkot siya kaya't umikot ako't hinarap siya. "Babe, sige na nga."
Bigla siyang nagmulat at nakangiting tumingin sa akin. Kinabig niya akong palapit sa kanya at siniil ng halik.
- - - -
Isang buwan makalipas ang aming kasal, naisipan ko na ipagluto naman ng masarap na ulam ang asawa ko upang ipagdiwang ang isang buwan naming pagsasama. Pumunta ako sa isang mall upang mamili ng mga ingredients. At habang naglalakad sa mall, bitbit ang mga napamili ko, may narinig akong maliit na tinig na tumatawag sa akin. Nang lingunin ko ito ay nakita ko ang isang batang babae na sa tingin ko'y nasa apat o limang taong gulang pa lamang. Nagpalinga-linga ako ngunit wala akong nakitang kasama nito.
Nakangiti nitong inabot sa akin ang isang pamilyar na coin purse. "Nahulog mo po, ate."
"Thank you!" nakangiting sabi ko at kinuha ang coin purse. Lumuhod ako upang pumantay sa kanya. "Ang bait mo namang bata. Kaso. . . bakit mag-isa ka? Nasaan ang mommy at daddy mo?"
"Onay!"
Napalingon ang bata sa pinanggalingan ng tinig. At sa 'di kalayuan ay nakatayo ang isang pamilyar na lalaki. Sinenyasan nito ang bata at tumakbo ang batang palapit dito.
"Rogin. . ." bulong ko sa sarili at marahang napatayo. Pinagmasdan kong sandali ang dalawa at saka humakbang palapit sa mga ito. "Anak mo ba s'ya?"
Napalingon sa akin ang lalaki at unti-unting bumilog ang mga mata. "M-mansanas?"
Ngumiti ako. "Kumusta na. . . unggoy?"
Natawa siya.
"Siya na ba ang baby mo? Ang laki na," sabi ko at tumingin sa batang karga niya. "What's your name, baby?"
"Same as yours. . ." sagot ni Rogin, "Winona!"
Napatingin ako sa kanya at napangiti. All this time, hindi niya pala ako nalimutan. Ngumiti rin siyang pabalik sa akin. Maya-maya'y dumating na si Claire, ang asawa niya.
Sinalubong ko ito at nagpakilala. Nakita na namin ang isa't isa noon pero hindi kami nagkaroon ng pormal na pagkakakilala. Inimbitahan nila akong maghapunan subalit tumanggi ako dahil nakabili na ako ng panghapunan. Sa halip ay sila na lang ang inimbitahan ko sa bahay at pumayag naman sila.
Pagdating sa bahay ay tulong kaming nagluto ni Claire. Dumating na rin noon si Robert na nakipagkuwentuhan naman kay Rogin. At si Onay naman, kalaro ni Gael sa sala. Matapos magluto ay sabay-sabay na kaming naghapunan.
Habang pinagmamasdan ko si Rogin at ang pamilya niya, naaalala ko iyong sinabi sa akin ni nanay apat na taon na ang nakalipas. "Hindi mo maiintidihan ang kahulugan ng tunay na pag-ibig kung hindi mo kayang magsakripisyo para sa taong mahal mo. Masakit man ang mapalayo sa kanya, balang araw, makikita mo ang kabutihan ng iyong nagawa."
At siguro nga, ito na ang sinasabi ni nanay. Hinawakan ako sa kamay ni Robert at pinisil iyon. Napatingin ako sa kanya at ngumiti. Totoo nga na lahat ng bagay ay nangyayari ayon sa kagustuhan ng Panginoon. At ngayon, alam ko na kung bakit hindi kami nag-work out ni Rogin noon. Iyon ay dahil sa guwapong lalaking ito na may hawak ng kamay ko.
BINABASA MO ANG
The Policewoman: Book II
General FictionSi Winona, isang matapang na babae-- walang sinasanto, walang inuurungan, at handang lumaban ng patayan para sa mga taong mahal niya at sa bansang kanyang pinagsisilbihan. Ngunit para sa sarili, hindi niya magawang lumaban. Minsan na siyang nagpara...