UMIKOT ako't kumapa sa tabi ko. Nang makapang wala roon si Robert, inangat ko ang aking ulo ko at inilibot ang tingin. Nasilaw ako sa liwanag na nagmumula sa bukas na bintana ng kuwarto. Ginamit kong pansalag ang aking mga kamay. Mula sa pagitan ng mga daliri ko, napansin ko ang anino ng lalaki na nakaupo sa bintana. Umupo ako at sinipat kung sino iyon.
"Good morning, beautiful!" sabi nito sa malambing na tinig na nakilala kong si Robert.
"A-ano'ng ginagawa mo diyan?"
Tumayo siya at naglakad palapit sa akin. Naharangan niya ang nakasisilaw na liwanag kaya't nakita ko na ang nakangiti niyang mukha. "Wala. Pinapanood lang kita."
"Pinapanood ako? Pinapanood akong matulog?"
Naupo siya sa kama. "Bakit? Hindi ba puwede?"
Hindi ako sumagot.
"Alam mo, sabi nila, kapag kayang matulog nang mahimbing ng isang tao sa tabi mo, ibig sabihin. . . may tiwala siya sa iyo." Itinukod niya ang kaliwang kamay. Hinawi niya ang buhok ko at pinaipit sa tainga ko. "You are really something, Nona. You amazed me-- every single day!"
Natawa ako at hinawakan ang ilong ko. "Huwag mo nga akong ini-English sa umaga! Baka magdugo ang ilong ko."
Tumawa siya't hinila akong palapit sa kanya. Mula sa likod ay niyapos niya ako at sinundan iyon ng isang halik sa ulo ko. "Pwera biro, Nona. Gusto kong gumising araw-araw nang ganito-- kasama ka. . . katabi ka. Hinding-hinding-hindi ako magsasawa kahit araw-araw, paggising ko, ang maganda mong mukha ang una kong masisilayan." Hinigpitan pa niyang lalo ang yakap sa akin at ang baba niya'y ipinatong niya sa balikat ko. Huminga siya nang malalim. "Balang araw, Nona. . . pakakasalan kita!"
"Nangagako ka ba?" natatawang tanong ko at nilingon siya.
Sinalubong niya ang tingin ko. "Gusto mo ba?"
Nagkibit-balikat ako pero sa loob-loob ko'y kinikilig ako. At ngayon lang ata ako kinilig nang ganito sa isang lalaki.
"So. . . ayaw mo?"
"Hindi. Gusto ko," nangingiting sabi ko at yumuko. "Gustong-gusto."
Kiniliti niya ako sa tagiliran. Sa pagkakaalam ko, wala akong kiliti rito pero sa tuwing hahawakan niya ang tagiliran ko'y napapaigtad ako't natatawa. Hindi niya ako tinigilan sa pagkiliti hanggang sa mapahiga na ako sa katatawa. Bigla siyang natigilan. Ang ngiti sa labi niya'y unti-unting nawala. Napatitig siya sa mga mata ko. Unti-unti rin akong nahinto sa pagtawa. Yumuko siya at inilapat ang labi niya sa labi ko kasabay ng kanyang pagpikit.
Napalunok ako at naramdaman ang mabilis na pagtibok ng puso ko. Pakiramdam ko'y hindi ako makagalaw nang mga sandaling iyon. Binawi na niya ang halik at ipinatong sandali ang noo niya sa noo ko. Huminga muna siya nang malalim bago nagmulat ng mga mata. "S-sorry. Masyado akong mabilis."
Siguro ay naramdaman niya ang kaba ko. Umikot siya at naupo sa gilid ng kama, patalikod sa akin. "Halika na sa baba? Nagluto na ako ng almusal."
Tumikhim muna ako at sinubukang alisin ang pagkailang. "S-sige."
Tumayo na siya't lumabas ng kuwarto. Paglabas niya'y napahawak ako sa dibdib at nagpakawala nang malalim na paghinga. Para akong nalunod sa kaba. Tumayo na ako at nagligpit ng hinigaan. Pagkatapos ay bumaba na ako't nagtungo sa kusina.
"Gusto mo ng kape?" salubong niya sa akin. Nakita kong nakahain na ang almusal sa mesa.
Tumango ako. "Salamat."
Pagkatapos magtimpla ng kape ay naupo na siya sa harap ko. Tahimik kaming kumain. Pagkatapos kumain ay tinulungan ko na siyang magligpit. Tutulungan ko rin sana siyang maghugas subalit ayaw niya at pinaupo na lamang ako.
BINABASA MO ANG
The Policewoman: Book II
General FictionSi Winona, isang matapang na babae-- walang sinasanto, walang inuurungan, at handang lumaban ng patayan para sa mga taong mahal niya at sa bansang kanyang pinagsisilbihan. Ngunit para sa sarili, hindi niya magawang lumaban. Minsan na siyang nagpara...