Kabanata 18 - Tampuhan

2.9K 83 10
                                    

"Okay na," sabi ni Robert matapos ayusin ang gripo. Ang puting sando na suot niya'y basang-basa na at dumidikit na sa kanyang balat. "May parte lang na lumuwag. Siguro ay natamaan lang ng kung ano. Sinikipan ko lang."

Matipid na ngumiti si Glenda. "Salamat, Robby."

Tumango lang si Robert at lumapit na sa akin. Nakita ko ang pagsunod ng tingin ni Glenda rito. Ngumiti sa akin si Robert at hinawakan ako sa kamay. "Tara na?"

Tumango ako.

Nauna nang maglakad si Glenda sa amin patungo sa pinto ng bahay. At sa tuwing lilingunin niya kami, hindi niya maiwasang mapatingin sa kamay naming magkahawak. "Pasensiya na sa istorbo, Robby, ha? Ikaw lang kasi ang maaasahan ko pagdating sa mga ganitong problema."

"Wala namang kaso sa akin 'yon," matipid na sagot ni Robert.

Ngumiti si Glenda subalit tila may lungkot pa rin sa kanyang mga mata. Hindi ko alam kung dahil ba sa akin iyon o dahil sa kawalan ng interes sa kanya ni Robert. Pagkalabas ng bahay ay hindi na nilingon ni Robert si Glenda. Diretso lang kaming naglakad pabalik sa bahay nila. Pinakiramdaman ko siya. Para bang balewala lang sa kanya ang mga kinikilos ni Glenda o sadyang manhid lang siya?

Kung sa bagay, hindi nga niya napansin noon na nahuhulog na rin ako sa kanya. Marahan kong pinisil ang kamay niya. Tumingin siya sa akin at ngumiti. Sa mga sandaling iyon, tinanong ko sa sarili, do I really deserve this guy? Kasi parang napaka-perpekto niya para sa akin. Nasa kanya na ata ang lahat ng katangiang hinahanap ng isang babae sa lalaki. He's too good to be true. Sa tingin ko, hindi lang si Glenda ang maaaring makaribal ko sa kanya. Marami pang iba. Mas bata siya sa akin. Baka dumating iyong araw na makahanap pa siya nang mas bata sa akin. Mas seksi. Mas maganda. Mas malambing.

Hinakbayan niya ako. Ang basa niyang sando ay humahawa na sa damit ko. Hinayaan ko lang. Bumabagay naman sa init ng umaga ang lamig na dulot ng basang saplot. Hinalikan niya ako sa noo at saka bumulong. "Mahal na mahal kita."

Sa sinabi niya'y nawalang bigla ang lahat ng mga negatibong bagay na naiisip ko. Nanuot sa balat ko ang mga katagang binitawan niya at naghatid ng kiliti sa buo kong pagkatao. Ang sarap palang pakinggan. Ang sarap pala sa pakiramdam na may taong nagmamahal sa iyo, hindi lang mahal kundi mahal na mahal. Yumuko ako at patagong ngumiti.

"Wala bang mahal na mahal din kita?" nakangiting tanong niya.

"Tanong ba iyon na nangangailangan ng sagot?" balik-tanong ko. Sa buong buhay ko, hindi ko pa nababanggit ang mga katagang iyon. Hindi naman kasi ako sa salita nagpapakita ng pagmamahal, kundi ay sa gawa. Hindi naman kasi ako mahusay sa paglalahad ng nararamdaman.

"Masarap lang kasi sa pakiramdam kung may sagot," aniya. Inalis na niya ang kamay sa balikat ko at binuksan ang gate ng kanilang bahay. Pumasok na kami. Muli niyang isinara ang gate. Pagharap niya sa akin ay tumingkayad ako't hinalikan siya sa pisngi.

Natigilan siya at gulat na napatingin sa akin. "Ano 'yun?"

Ngumiti ako. "Sagot ko."

"Ano 'ko bata?" natatawang sabi niya. "Sa pisngi lang?"

"Anong gusto mo?" kunot-noong tanong ko.

"Sa labi," tahasang sagot niya at itinuon ang tingin sa labi ko. Unti-unti siyang humakbang palapit sa akin. Bawat hakbang niya'y umaatras naman ako hanggang sa masandal ako sa pinto ng kanilang bahay. Gumuhit ang pilyong ngiti sa kanyang labi.

Kumabog ng mabilis ang dibdib ko at para bang hindi ako makakilos. Hindi ko alam ang gagawin. Bigla niyang binuksan ang pinto at sinalo ako sa baywang. Sa isang kisapmata, napunta kami sa loob ng kanilang bahay. Muli akong napasandal sa pinto. Napapikit ako sa gulat. Narinig kong pinindot niya ang lock ng doorknob.

The Policewoman: Book IITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon