HINAWAKAN ni Robert ang kamay ko at pinisil. At sa hindi malamang dahilan, nagustuhan ko ang ginawa niya. Para bang pinapahiwatig sa akin nito na hindi ako nag-iisa, na narito lang siya para sa akin. At sapat na iyon para mapalagay ang loob ko at maibsan ang lungkot na nadarama.
"Nagugutom ka na ba?" pag-iiba niya ng usapan.
"Hindi pa naman."
Pinagmasdan niya ako na waring tinitimbang kung nagsasabi ako ng totoo. "Halika, ipagluluto kita ng hapunan."
Naglakad siya patungong kusina. Sumunod ako sa kanya.
Hinila niya ang upuan na yari sa isang matibay na kahoy na noo'y nasa harap ng hapag-kainan. "Maupo ka muna."
Tumalima ako sa sinabi niya't naupo roon. Pinanood ko siya. Naglabas siya ng mga rekado mula sa refrigerator. Naglabas din siya ng isang lalagyan at ng buksan niya ito'y naglalaman ng mga hita ng manok. Hinugasan niya ang mga iyon at pinatuluan sa lababo. Pagkuwa'y kumuha siya ng kutsilyo't tadtaran, at nagsimula nang maghiwa ng bawang, sibuyas, at luya.
"Ano'ng lulutuin mo?"
"Tinola."
"Kailangan mo ng tulong?"
"Hindi na. Maupo ka lang diyan," aniya. "O. . . kung gusto mo, kuwentuhan mo na lang ako habang ginagawa ko ito."
"Ano namang ikukuwento ko?"
"Kuwentuhan mo ako ng mga masasayang alaala."
"Ang hirap naman noon."
"Mahirap ba iyon? Eh. . . every senses kaya natin may naaalalang bagay na nagpasaya sa'tin. Gusto mo subukan?" nakangiti niyang tanong na hindi naman naghihintay ng sagot. "Magbibigay ako ng isang sense tapos sasabihin mo lahat ng naaalala mo rito. Game?"
Sandali akong napaisip at saka marahang tumango. "Sige."
"Smell."
"Uhmm. . ." yumuko ako at sandaling nag-isip. "Ang humahalimuyak na amoy ng nilulutong pandesal ni papa sa umaga, ang bagong labang mga damit ni nanay na ginamitan niya ng fabric conditioner, ang preskong amoy ng hangin sa probinsiya at," bigla akong natawa, "ang maasim na amoy ng kilikili ni Coby, bunsong kapatid ko."
Tumawa siya. "Oh 'di ba? Ang dami mong naalala. Ito naman, taste."
"Pan de coco ni papa, bibimbap sa Southmall, suman ni nanay, at fishball sa may kanto ng munisipyo," nakangiti kong saad.
"Aha! Kumakain ka pala doon, ha?" natatawa niyang sabi. "Sight."
"Ngiti ng mga kapatid ko, ni nanay, ni tatay, ni papa—"
"Iba pa ang tatay mo sa papa mo?"
Tumango ako. "Mahabang kuwento."
"Sige. Ikukuwento mo sa'kin 'yan mamaya. Hearing."
"Iyong mga biruan at tawanan sa bahay," mabilis kong sagot.
Tumango-tango siya. "Oh! Last na. Touch."
Ngumiti ako. "Iyong mapipintog na pisngi ng mga kapatid ko na ang sarap pisilin, yakap ni nanay at haplos sa likod ko, ang matigas at magaspang na kamay ni tatay sa huling pagkakataong nakapagmano ako sa kanya, ang malambot na dough na dumidikit sa kamay ko habang tinuturuan ako ni papa magmasa, at. . ." yumuko ako kasabay ng pagkawala ng ngiti sa labi ko, "noong nakipagkamay ako kay Rogin sa araw na nagkakilala kami."
Natigilan siya sa pagbabalat ng papaya at tumingin sa akin. Binitawan niya ang kutsilyong hawak. "Bakit bigla ka atang nalungkot sa pagbanggit ng pangalan niya?"
![](https://img.wattpad.com/cover/63847925-288-k290299.jpg)
BINABASA MO ANG
The Policewoman: Book II
Ficción GeneralSi Winona, isang matapang na babae-- walang sinasanto, walang inuurungan, at handang lumaban ng patayan para sa mga taong mahal niya at sa bansang kanyang pinagsisilbihan. Ngunit para sa sarili, hindi niya magawang lumaban. Minsan na siyang nagpara...