Kabanata 29 - Ang Pagpapalaya

2.6K 86 10
                                    

"Oh, nasaan si Santiago?" bungad na tanong ni Dela Cruz pagpasok namin ni Ferrer sa headquarters, kasama ang mga naaresto. Si Dela Cruz ang itinalaga bilang officer-in-charge ng aming hepe habang nasa ospital pa ito at nagpapagamot dahil sa tama ng bala sa kanyang balikat.

"Sir, may emergency lang hong pinuntahan," tugon ni Ferrer nang hindi ako nakasagot.

"Emergency? May mas emergency pa ba rito?" kunot-noong wika ni Dela Cruz. "Babalik pa raw ba siya?"

"Iyon lang ho ang hindi namin alam, sir," muling sagot ni Ferrer.

Ibinaling ni Dela Cruz ang tingin sa akin. "Reyes, pakitawagan mo nga si Santiago!"

Tumango ako at pinakisuyo sa ibang pulis ang hawak kong naaresto. Lumabas ako ng istasyon at tinawagan ang numero ni Robert. At sa 'di malamang dahilan, naramdaman ko ang malakas na pagkabog ng dibdib ko na sumasabay sa bawat pagtunog ng cellphone niya sa kabilang linya. Hindi sinagot ni Robert ang tawag ko pero sinubukan ko pa rin ito nang paulit-ulit. Nag-text na rin ako, baka-sakaling mabasa niya iyon ngunit ilang minuto na akong naghihintay sa sagot niya pero wala pa rin akong natatanggap. Nainip na ako kaya't pumasok na ako sa istasyon.

"Hindi ko ma-contact," sabi ko kay Dela Cruz.

Napakamot ito sa ulo. "Hindi pwedeng wala siya rito, isa siya sa mga arresting officer. Paano natin makukumpleto ang mga dokumento niyan? Pare-pareho tayong hindi makakauwi niyan dahil sa paghihintay sa kanya."

"Ilang beses ko nang tinawagan pero hindi sinasagot eh," paliwanag ko.

"Paano na tayo ngayon niyan?"

"Baka pwede namang--"

Umiling siya. "Hindi. Hindi pwede iyon! Patay tayo kay chief niyan sa ginagawa niya eh. Ganito na lang. . . alam mo ba kung saan siya pumunta?"

Sandali akong napaisip at nagkibit-balikat.

"Ayon! Puntahan mo siya roon at huwag na huwag kang babalik nang hindi siya kasama!"

Nanlaki ang mga mata ko. "Hindi nga ako sigurado kung nasaan siya. . ."

Inabot niya sa akin ang susi ng mobile car at tinapik ako sa balikat. "Alam ko namang kayang-kaya mo 'yan, Reyes! Tatawagin ka bang Winona kung hindi ka winner sa lahat ng bagay?" Napakunot ang noo ko sa sinabi niya. Ngumiti siya at muli akong tinapik sa balikat. "Sige na. Lakad na!"

Sinunod ko na lang ang sinabi niya at padabog na hinablot sa kamay niya ang susi. Sumakay na ako sa mobile car na nakaparada lang sa labas ng istasyon. Nang simulan ko nang patakbuhin ito, may anino ng tao akong natanaw sa malayo. Dahil alas kwatro pa lamang ng madaling araw at madilim pa sa paligid ay hindi ko maaninag ang mukha nito. Naglalakad itong patungo sa direksyon ko at habang papalapit ito nang papalapit, unti-unting nabubuo ang anyo nito. Nang tumapat ito sa isang lamp post ay nakumpirma kong tama ang iniisip ko. Si Robert nga iyon.

"Robert!" sigaw ko. Sumilip ako sa bintana at kumaway. Sandali itong natigilan sa paglalakad at nang makilala ako'y nagpatuloy rin. Muli kong ipinarada ang sasakyan at bumaba na roon. Sinalubong ko si Robert at niyapos na para bang kay tagal naming hindi nagkita. "Susunduin na sana kita, utos ni Dela Cruz, buti na lang dumating ka. Bakit hindi ka sumasagot sa tawag ko?"

"Nakalimutan kong dalhin ang cellphone ko," tugon niya. Matipid siyang ngumiti at ipinatong ang kaliwang braso niya sa balikat ko. Naramdaman ko ang bigat ng katawan niya na tila kasing bigat ng problemang dinadala niya. Napatango na lang ako sa sinabi niya. Hindi na siya nagsalita kaya't nagpatuloy na kami sa paglalakad patungo sa istasyon. Maya-maya lang ay nagpakawala siya nang malalim na paghinga.

"Nakakapagod," sa wakas ay sabi niya. Napatingala ako sa kanya. Gustong-gusto ko siyang kumustahin at itanong kung ano'ng nangyari, kung nagkaayos na ba sila ni Gael pero. . . baka hindi pa siya handang magkuwento sa ngayon. Sinalubong niya ang tingin ko at hinaplos ang mukha ko. "Buti na lang. . . nandito ka."

The Policewoman: Book IITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon