ALA una ng hapon, umalis na kami ng mall ni Robert. Sinamahan niya akong sandali sa dormitoryo ko upang makapagpalit ng uniporme. Pagkatapos noon, nagtungo na kami sa Hall of Justice upang dumalo sa bista ng mga kasong isinampa namin laban sa aming mga naaresto. Alas singko na ng hapon nang matapos iyon. Nagtungo na kami sa istasyon. Pagsapit ng alas sais ng gabi, isang importante ang personal na nagtungo sa aming opisina. Nagbigay ito ng impormasyon sa aming hepe tungkol sa pot session na umano'y kasalukuyang nagaganap sa bahay ng isang alyas Paniki.
Agad namang nagsagawa ng maikling pagpaplano ang aming opisina para sa gagawing operasyon. Inatasan ng aming hepe sina PO2 Delgado, SPO2 Dela Cruz, PO3 Castro, at PO3 Santiago na magtungo sa lugar upang kumpirmahin ang nasabing impormasyon. Naghanda na ang aming mga kasamahan para sa kanilang gagawing pagsabak. Habang kaming dalawa naman ni PO1 Ferrer ay naghihintay lamang sa utos ng aming hepe. Hindi kami kasama sa nasabing operasyon dahil mamayang alas otso, magsasagawa ng test buy si Ferrer sa tatlong naunang target na sina alyas Martha Pokpok, Dwin, at Komang. Ako ang naatasan ng aming hepe na magsilbing back-up ni Ferrer. Hindi naman kailangan ng maraming back-up dahil hindi naman magiging mabigat ang misyon niya ngayong gabi. Wala namang panghuhuli ang magaganap at ang kailangan lang niya ay makabili ng droga sa target.
Habang wala pa namang ginagawa, kumain muna ako ng biskwit. Nang mauhaw ay tumayo ako at kumuha ng tubig sa water dispenser. Naramdaman kong may taong sumunod sa akin at tumayo lamang sa likuran ko. Pinakiramdaman ko lang ito.
"Aalis na kami," narinig kong sabi nito na nakilala ko agad kung sino. Ininom ko muna ang isinaling tubig sa baso at pagkatapos ay pinunasan ang nabasang labi gamit ang braso. Nilingon ko na siya. Sandali kong pinagmasdan ang kabuuan niya bago mataman na pinagmasdan ang mukha niya. Napakakisig niyang pagmasdan sa kumpletong uniporme.
Matipid akong ngumiti sa kanya at tumango. "Mag-ingat ka, Bert."
"Ikaw rin," aniya. Humakbang siyang palapit sa akin at dinampi ang labi niya sa noo ko. Alam ko na nag-aalala siya para sa akin dahil ngayon lang kami magkakahiwalay sa operasyon, lalo pa na alam niyang ako lang mag-isa ang back-up ni Ferrer.
Nginitian ko siya at mahinang sinuntok sa dibdib. "Ako pa ba? Sila ang dapat na mag-ingat sa akin."
Matipid lang siyang ngumiti at sinalo ang kamay ko na sinuntok sa kanya. Mataman niya akong pinagmasdan.
"Para naman akong mamamatay diyan sa mga titig mo," pagbibiro ko upang alisin ang pag-alala sa dibdib niya.
"Ahemm. . . Ahemm. . ." Sabay kaming napalingon ni Robert at nakita si Castro na may hawak na tumbler. "Excuse me lang, ha? Pwede ba? Doon na lang kayo banda maglambingan. Kukuha lang ako ng tubig."
Sabay kaming natawa ni Robert at hinila niya akong palayo sa water dispenser. Maya-maya'y lumapit si Dela Cruz kay Castro at tinapik ito sa balikat. "Ikaw naman, pre! Istorbo ka sa dalawang pusong nagmamahalan."
Nilingon ito ni Castro. "Eh sa. . . nauuhaw ako eh, ano'ng gagawin natin? Hindi naman ako humahadlang sa pagmamahalan nila. Ang gusto ko lang naman eh makainom."
Natawa si Dela Cruz at humarap sa amin. "Pag-pasensiyahan niyo na itong kuya niyo."
Itinaas ni Robert ang kanang kamay. "Hindi. Okey lang. Nakaharang naman talaga kami."
Tinuro ni Dela Cruz si Robert at pagkatapos ay itinuro rin ako. "Kayo na ba?"
Sabay kaming natawa ni Robert at napayuko. Mahina niya akong siniko. Siniko ko rin siyang pabalik.
"Ahh. . . alam na," nakangiting sabi ni Dela Cruz. Lumapit ito kay Delgado at nag-abot ng pera. "Oh! Panalo ka na!"
"Sabi sa iyo eh," huma-hagalpak sa tawang sabi ni Delgado. Binilang pa niya ang inabot na pera ni Dela Cruz at saka inilagay sa bulsa. At pagkatapos ay tinapik-tapik pa ang kanyang bulsa.
BINABASA MO ANG
The Policewoman: Book II
General FictionSi Winona, isang matapang na babae-- walang sinasanto, walang inuurungan, at handang lumaban ng patayan para sa mga taong mahal niya at sa bansang kanyang pinagsisilbihan. Ngunit para sa sarili, hindi niya magawang lumaban. Minsan na siyang nagpara...