"Gael! Nandito na 'ko!" sigaw ni Robert pagpasok namin sa gate ng kanilang bahay. Isinara niya ang gate at pagkatapos ay yumuko't inangat ang kanang paa. Niluwagan niya ang sintas ng kanyang sapatos at saka hinubad. Ganoon din ang ginawa niya sa kaliwa at inilagay iyon sa isang tabi. Nakapaa niyang tinungo ang pinto ng bahay. Binuksan niya iyon at ipinasok ang kalahating katawan.
"Gael?" muli niyang sigaw. Nang wala pa ring sumasagot ay binuksan na niya nang tuluyan ang pinto at pumasok.
Naupo ako at sinimulan na ring hubarin ang aking sapatos. Maya-maya'y narinig ko ang mga yabag na bumababa sa hagdan. Sandali akong natigilan at napatingala. Mula sa pintuan ay natanaw ko si Gael na nagmamadaling bumaba mula sa ikalawang palapag-- nakangiti at kumikislap ang mga mata.
"Kuya! Why are you so early?" tanong niya sa tipikal niyang tono na masayahin.
"Anong ginagawa mo sa taas?" seryoso namang tanong ni Robert. "Bakit hindi ka sumasagot kanina?"
"Nothing. I'm just. . . reading," tugon ni Gael at nagawa pa ring ngumiti. "So, bakit nga maaga ka, kuya?"
"Kailangan ko lang magpalit ng damit," sagot ni Robert at ibinato ang kanyang bag sa sopa. "Babalik din ako sa opisina."
"Why?" May lungkot sa tono ni Gael. "May operasyon na naman kayo?"
Tumango si Robert. "May kasama nga pala 'ko."
Nang matapos kong hubarin ang sapatos ay inilagay ko iyon sa tabi ng sapatos ni Robert. Pagbaling ko ng tingin sa dalawa ay pareho na silang nakatingin sa akin. Natigilan ako. Nakita kong bumilog ang mga mata ni Gael na sinundan niya ng isang malakas na pagtili. Tila nanuot iyon sa tainga ko kaya't sinundot ko ito ng hintuturo. Patakbo siyang lumapit sa akin at yumakap.
"Ate, Winona!"
Hindi ako nakakibo dahil hindi ko inaasahan ang ganitong klase ng pagtanggap mula sa kanya.
"Na-miss kita! Bakit ngayon ka lang dumalaw, ate? Grabe! It's been a long time na hindi tayo nagkita."
Napangiti ako sa sinabi niya. Ngunit dahil ko alam ang dapat isagot o sabihin, tumugon na lamang ako sa yakap niya. Besides, hindi rin naman ako magaling sa paghahayag ng nararamdaman ko. At alam ko, isa iyon sa mga kahinaan ko.
"Ayaw kasi niyang maniwala sa akin na pinapupunta mo siya," sabi ni Robert at saka prenteng naupo sa sopa.
Kumalas sa pagkakayakap si Gael at nilingon ang kuya niya.
"Naku, hindi, Gael. Huwag kang maniwala diyan sa kuya mo. Naging busy lang talaga ako," palusot ko at saka tinapunan nang masamang tingin si Robert.
"Okay lang, ate!" malumanay na sabi ni Gael at muling tumingin sa akin. "Ang mahalaga, nandito ka na ngayon."
Muli akong napangiti. She's the sweetest person na nakilala ko. Magkaibang-magkaiba sila ng kuya niya dahil si Robert, ang alam lang ay ang inisin ako.
Napatingin si Gael sa paa ko. "Ay! Teka, kuha lang ako ng tsinelas. Maupo ka muna diyan, ate."
"Hindi na, Gael. Okay lang ako."
Umiling siya. "Nope. Bisita ka. At ang turo sa amin nila mommy, ang bisita ay itinuturing nang maayos." Hindi na niya hinintay ang sagot ko at tumalikod na.
"Ako rin, Gael, ha?" pahabol ni Robert.
"Ang turo nila mommy, bisita lang," natatawang sagot ni Gael.
"Eh ang turo ko, naalala mo? Sabi ko, 'di ba, lahat ng tao dapat ituring mo nang maayos, nang pantay-pantay?"
Lumingon si Gael. "Whatever, kuya!"
BINABASA MO ANG
The Policewoman: Book II
General FictionSi Winona, isang matapang na babae-- walang sinasanto, walang inuurungan, at handang lumaban ng patayan para sa mga taong mahal niya at sa bansang kanyang pinagsisilbihan. Ngunit para sa sarili, hindi niya magawang lumaban. Minsan na siyang nagpara...