Kabanata 01 - Sa Bahay ng Estranghero

7.6K 143 18
                                    

LUMALALIM na ang gabi. Hindi na mabilang ang mga bituin sa langit. Madilim at tahimik na ang lugar. Tanging ang mga poste ng ilaw na lamang ang nagsisilbing tanglaw. Mula sa pinagtataguan ko'y natatanaw ang isang lalaki-- nakatayo sa bukana ng isang eskinita, naghihintay ng kung sino, at walang kamalay-malay sa mga matang nakamasid.

Tinatayang nasa trenta anyos o pataas na ang edad ng lalaki, maliit ngunit may kalakihan ang pangangatawan. Suot niya'y isang puting sando at maong na kupas. Ang kanang kamay niya ay nakadukot sa bulsa at ang kaliwa nama'y abalang kumakalikot ng cell phone. Sa bawat trenta minutong lumilipas, may paisa-isang lumalapit sa kanya. Walang usap-usap na nag-aabutan ng bagay na hindi ko mawari kung ano dahil sa liit nito at sa bilis ng kanilang mga kamay.

Kalaunan, isang bagitong pulis ang lumapit sa kanya-- nakasumbrero, itim na kamiseta, at maong na pantalon. Inosenteng tinanggap ng lalaki ang inaabot nitong isandaan, kapalit ng isang maliit na pakete ng hinihinalang ipinagbabawal na gamot. Tagumpay ang transaksiyon.

Nang alisin ng bagitong pulis ang sumbrerong suot, hudyat na ng aming paglapit. Mabilis na naglabasan sa kani-kaniyang estratehikong posisyon ang mga nagmamatyag na pulis at nagtungo sa kinaroroonan ng dalawa, ang mga kamay ay nakahawak sa tagiliran at hinahanda ang pagbunot ng baril.

Subalit bago pa man makalapit ay natunugan na ng lalaki ang aming presensiya. Hahawakan pa lamang ng bagitong pulis ang mga kamay nito upang arestuhin ay nagpakawala na ito ng isang suntok na tumama sa ilong ng bagitong pulis. Kapagkuwa'y kumaripas na ito ng takbo at pumasok sa isang bahay na may dalawang palapag.

"Habulin niyo!" sigaw ng pinuno ng aming kupunan.

Agad kaming tumalima sa utos nito at dali-daling nagtungo sa bahay. Nang makalapit rito ay sinenyasan ko ang aking mga kasamahan na sirain ang pinto. Magkakasabay nila itong sinipa. Nang tuluyang bumigay ang kandado ng pinto'y magkakasunod kaming pumasok sa loob. Ang mga baril nami'y hawak naming kapantay ng aming mukha.

Walang tao sa loob subalit nagkalat sa mesa ang mga tingi-tinging shabu at mga plastik na hindi pa nalalagyan ng laman. Sa tabi noo'y may nakita kaming mga gamit sa paghithit at pagkonsumo ng ilegal na gamot, isang gaserang may sindi pa, at mga aluminum foils. Kinumpiska iyong lahat ni PO2 Delgado.

Kasama ko namang umakyat sa ikalawang palapag ng bahay si PO3 Santiago. Doo'y may dalawang kuwarto. Nagtig-isa kami ng kuwartong papasukin. Pagpasok ko sa isang kuwarto, may nakita akong nakakulubong ng kumot. Nakaupo ito at nakasandal sa ulunan ng kama habang nanginginig sa takot.

"Huwag kang kikilos. Pulis ako!" deklara ko.

Dahan-dahan akong humakbang palapit rito upang alamin kung ito ba ang taong pakay namin. Nang makalapit ay hinila ko ang kumot at tumambad sa akin ang nakangiting mukha ng lalaking pakay. Mabilis nitong sinipa ang kamay ko dahilan upang mabitawan ko ang baril at agad na napasakamay nito. Ngumiti ito at itinutok ang baril sa akin. Naghatid ng hilakbot sa buo kong pagkatao ang kanyang ngiti. Kasabay nito ay ang mabilis na pagkabog ng aking dibdib. Marahan akong humakbang paatras.

Sa isang kalabit lamang ng gatilyo, alam kong katapusan ko na. Pero ayaw ko pang mangyari iyon. Napalunok ako't isa-isa nang inalala ang mukha ng mga mahal ko sa buhay-- si nanay, si tatay, ang mga kapatid ko, at si Rogin. Hindi ko na ba sila muling makikita?

Maya-maya'y nakarinig ako ng mga yabag na umagaw sa atensiyon ko at ng lalaki. Sabay kaming napalingon sa pinanggagalingan noon at nakita si PO3 Santiago sa may pintuan. Nakatutok ang baril nito sa lalaki.

"Ibaba mo ang baril mo!" utos ni PO3 Santiago.

"Huli ka na," nakangiting sagot ng lalaki at ibinalik ang tingin sa akin.

The Policewoman: Book IITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon