Kakalas na sana ako sa pagkakayakap subalit muli akong kinabig ni Robert palapit sa kanya. Muling nagdikit ang mga katawan namin at naramdaman ko ang unti-unting paghigpit ng yakap niya. "Sandali lang, babe. Hinahanap ko pa."
Hinayaan ko lang siya at binigyan pa ng oras para hanapin ito, baka kasi natakpan ang tinutukoy ko sa dami ba naman ng tao sa loob ng disco'ng ito. Maya-maya ay napahagikgik siya at kumalas na sa pagkakayakap. "Okay na, babe. Nakita ko na."
Ngumiti ako pero pasimple siyang sinipa sa binti. Napaigtad siya at napangiwi. Pasimple niyang hinimas ang binting tinamaan. Dinampot ko ang baso ko't uminom. Nawala sa isip ko na margarita ang laman nito pero nagustuhan ko ang mainit na hagod noon sa lalamunan ko. Naka-dalawang lagok ako bago ibinaba ang baso. Napapikit ako sa pait na naiwan nito sa bibig ko. Muli akong lumingon at hinanap ng tingin si Martha. Ngayon ay may dalawang lalaking customer na itong kausap na tila umo-order ng inumin sa kanya. Naglabas siya ng papel at nagsulat doon. Pagkatapos ay muli na siyang bumalik sa bar bitbit pa rin ang tray na wala nang laman.
Hinanap naman ng tingin ko si Ferrer at nakita itong sumasayaw kasama ng mga dalagang kausap kanina ngunit panaka-naka rin itong sumusulyap kay Martha. Napangiti ako. Nakita na rin pala nito si Martha kaya't hindi ko na ito kailangan pang senyasan.
"Want to dance?" tanong ni Robert.
Nilingon ko siya. At kahit parehong kaliwa ang paa ko'y buong tapang akong tumango. "Sure, babe!"
Tumayo si Robert at hiningi ang kamay ko. Muli akong lumagok ng margarita saka humawak sa kamay niya't tumayo. Magkahawak-kamay kaming naglakad patungo sa gitna at nakipagsiksikan sa mga babae't lalaking nagpi-freestyle sa pagsayaw roon. Kanina ko pa inoobserbahan ang istilo ng sayaw nila. Napansin ko na napakasimple lang nito at ang karaniwang galaw ng mga babae ay ikinikembot lang pakaliwa't kanan ang baywang habang ang mga kamay ay nakataas at ang ulo'y palinga-linga.
Sinalubong ko ang tingin ni Robert at pilyang ngumiti. Ngumiti rin siya at ang lakas ng epekto ng ngiting iyon sa akin. Hinaplos ko siya sa dibdib. Ngayong gabi, hindi si Winona ang makikita niya kundi ay si Arah. Inumpisahan ko nang itaas ang mga kamay ko't ikinembot ang baywang.
"Woah!" sabi ni Robert at abot-taingang napangiti. Inumpisahan na rin niyang sumayaw sa harap ko. "I didn't know you can dance, babe!" pasigaw niyang sabi.
"I'm a fast learner, you know?" pasigaw ko ring sagot.
Tumawa siya. "I like that!"
In-enjoy ko lang ang tugtog at kusa nang sumasabay ang katawan ko rito. Inikutan ako ni Robert. Naramdaman ko ang katawan niyang dumidikit sa likod ko. Sinabayan niya ang pag-indayog ng katawan ko hanggang sa iisa na lang ang galaw namin. Mula sa kanan ay hinawi niyang palikod ang buhok ko at isinampay sa kaliwang balikat. Naramdaman ko ang paghinga niya malapit sa kanang tainga ko. Muntik na akong matunaw rito.
"3 o' clock, target two," sabi niya na nagbalik sa akin sa katinuan. Lumingon ako sa kanan at nakita ang isang binata na tumutugma sa deskripsiyon ni alias Dwin. Sumasayaw rin itong kasama namin subalit habang ginagawa iyon ay nakita kong patago nitong inabot sa lalaking katabi ang isang maliit na plastik subalit dahil sa madilim ay hindi ko makumpirma ang laman noon. Ibinulsa ng lalaki ang iniabot ni alias Dwin at saka nag-abot ng pera rito. Nang makuha iyon ay agad nang tumalilis si alias Dwin. Sinundan namin siya ni Robert habang kunwari ay patuloy na sumasayaw.
Ang problema lang, masyado kaming napagitna sa mga tao kaya't hindi na namin nakontrol ang direksiyon ng pupuntahan namin. Nawala sa tingin namin si alias Dwin at hindi na namin nakita kung saan siya pumunta. Umalis na kami sa gitna at bumalik sa table namin. Muling nagbukas ng isang bote si Robert at isinalin iyon sa baso. Ako nama'y itinungga na ang margarita.
BINABASA MO ANG
The Policewoman: Book II
General FictionSi Winona, isang matapang na babae-- walang sinasanto, walang inuurungan, at handang lumaban ng patayan para sa mga taong mahal niya at sa bansang kanyang pinagsisilbihan. Ngunit para sa sarili, hindi niya magawang lumaban. Minsan na siyang nagpara...