CHAPTER 2
PAGOD NA ibinagsak ni Annette ang katawan sa kanyang kama na ilang langaw na lang ang pipirma, masisira na. Tatlong oras din ang biyahe mula sa lungsod pabalik dito sa probinsiya kung saan siya nakatira. At nagsayang lang siya ng oras at pera dahil hindi naman siya natanggap sa dalawang trabahong in-apply-yan niya para sa araw na 'to.
Paano na siya mabubuhay? Nagpakawala siya ng buntong-hininga.
Paano ba naman siya tatanggapin sa mga trabahong in-apply-yan, eh, wala nga siyang maipakitang credentials kung saan siya nagtapos ng pag-aaral. Palagi lang sinasabi ng lola niya na nakapagtapos siya ng kolehiyo, pero tuwing tinatanong niya kung nasaan ang katibayan, wala naman itong ipinapakita. Palagi nitong sinasabi na inanod sa baha dahil bahain ang bahay nila. Pero nasisiguro naman niya na may pinag-aralan siya, nakakapagsalita kasi siya ng English. Ang problema, wala naman siyang ma-apply-ang trabaho sa probinsiya nila kasi wala namang mapagtatrabahuan dito maliban sa bukid. At wala siyang alam sa pagtatanim.
"Hay... buhay." Bumangon si Annette sa pagkakahiga, saka nagtungo sa kusina para magsaing.
Habang inaayos ang panggatong na gagamitin sa pagsasaing, lumabas si Edelyn, ang kapitbahay niya, na may dalang panggatong.
Magkatabi lang ang bahay nila kaya madali siya nitong nakita at nginitian. Si Edelyn ang tanging kaibigan niya sa bayan nila. Siguro dahil kapitbahay niya ito at naging malapit sila sa isa't isa dahil palagi silang nagkukuwentuhan. Panggabi kasi ang trabaho nito sa bar kaya may oras ito sa umaga.
"O, Annette, kumusta naman ang pag-apply mo ng trabaho sa lungsod?" tanong ni Edelyn habang isinasalansan ang mga panggatong sa lupa para maarawan.
"Wala akong napala." Nakasimangot siya habang ikinukuwento ang nangyari sa interview niya sa Royal Cruise Manufacturing Company. "Dito na lang siguro ako sa bukid," sabi niya pagkatapos magkuwento. "O kaya doon sa bar na pinagtatrabahuhan mo."
Humarap sa kanya si Edelyn at tinaasan siya ng kilay. "Annette, kaya nga pinapautang kita ng pamasahe patungong lungsod kasi hindi ka nababagay dito sa ating magtrabaho. Masisira iyang makinis at maputi mong kutis. At saka may pinag-aralan ka naman, eh. Hindi ka bagay sa bukid. At lalong hindi ka bagay sa bar! Ano ka ba naman!"
Mas humaba ang nguso niya. "Edelyn, hindi naman ganoon kadaling maghanap ng trabaho sa lungsod. Kailangan ng mga credentials at wala ako n'on."
Namaywang ito. "Hay naku, Annette, mga sosyal naman kasi iyang ina-apply-yan mo. Mag-apply ka kaya bilang katulong?"
Napalabi siya. Katulong? Hindi niya naisip 'yon. Masyado kasi siyang nag-focus sa ideyang nakapag-aral naman siya. Natitiyak niyang matatanggap siya bilang katulong kasi hindi 'yon nangangailangan ng kahit ano pa man.
"Oo nga, 'no..."
"Mag-ingat ka nga lang," biglang babala sa kanya ni Edelyn. "Maraming manyak na amo ngayon sa lungsod. Dapat humanap ka ng amo na babae at mabait ang asawang lalaki."
Napabuntong-hininga si Annette. "Paano ko gagawin 'yon? At saka, bilang lang ang kaya kong gawin na gawaing-bahay."
Inungusan siya nito. "Hay naku naman, Annette. Ano ba kasing klaseng buhay mayroon ka noon at hindi ka marunong ng mga gawaing-bahay."
Natahamik siya bigla na agad namang napansin ni Edelyn.
"Pasensiya na," hingi nito ng paumanhin sa kanya. "Alam kong ayaw mong pinag-uusapan ang nangyari sa 'yo noon."
Pilit siyang ngumiti. "Ayos lang. Anyway, magsasaing na muna ako."
"Sige." Akmang aalis na ito nang may maalala. "Ay, teka lang, may ulam ka na ba?"
BINABASA MO ANG
POSSESSIVE 12: Cali Sudalga
General FictionCali Sudalga got everything. Limited edition luxury cars. Wealth. Money. Yachts. And a very huge mansion that anyone would dream of. Women will do everything to get his attention or even just a minute of his precious time. But no woman had ever succ...