Title: DELA MUERE DRIVE
Author: Ayana Wright
Genre: Phantasm
Date Submitted: September 1, 2016
Word Count: 1,685STORY
●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●
Isang taon na halos ang nakalipas magmula ng pangyayaring nagpabago sa buhay ko. Ang insidente sa Dela Muere Drive ay marahil tapos na...sa pagkakaalam ng mga kakilala ko at mahal sa buhay pero para sa akin...nagsisimula pa lang ang kakaibang pakiramdam na paulit-ulit nitong ibinabalik sa nakaraang tila nanunumbalik at hindi ako binibigyan ng katahimikan.
"Gab...tulala ka naman..." Napukaw ang aking pagmumuni nang may kung sinong pumatong ng kanyang kamay sa balikat ko.
"Jean..." Kapagkuwa'y ngumiti ako para tumugon sa masayahin niyang aura.
"May problema ba?" Napakunot naman ito ng noo at pinisil ng marahan ang pisngi ko.
"Alam mo na 'yun..." Seryoso kong sabi at nilingon siya sa gilid ko. Naintindihan naman niya siguro ang ibig kong ipahiwatig kaya nawala na rin ng paunti-unti ang ngiti niya.
"Hindi ka pa rin pinapatahimik ng gabing iyon? Tapos na 'yun di'ba?"
"N-natatakot pa rin ako...ikaw lang ang nakakaalam ng lahat...at hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may mangyayaring masama pati sa'yo."
"Huwag kang mag-alala Gab...I'll be alright." Marahil ay hindi na nakaisip ng magandang magpapagaan ng pakiramdam ang kaibigan ko kaya naramdaman ko na lamang ang dalawang braso niyang nakayapos sa beywang ko habang nakaupo siya sa likod ko.
Hindi ko naman maiwasang isipin ang mga posibleng mangyari. Hindi maaari...dapat matahimik na rin ako sa gumugulo sa akin kaya bumuo ako ng isang pasya. Bahala na.
***
Sa isang entablado...nakangiti si Jean habang kumakanta, nasa harapan ako at nakaupo, kabilang sa mga nanunuod...hindi ko maiwasang mapapikit ng mariin habang ninanamnam ang kantang pinili niya.
"I've seen this place a thousand times
I've felt this all before..."The Corrs...inasahan ko na ang magiging kanta...pamilyar na nga ako sa lyrics nang biglang nakaramdam ako ng matinding pagkahilo habang pinapanuod siya.
...and though it feels so great,
I'm still afraid
That you'll be leaving anytime...Ang huling dalawang salita ay tila paulit-ulit na umuugong sa isipan ko...tila ba ang napakagandang boses ni Jean ay napapalitan ng hindi kaaya-ayang manipis na tinig na tila ba nananaghoy at humihingi ng tulong...ng pansin ng kung sino.
Napapikit ako ng bahagya at iniangat ko ulit ang tingin sa kanya...
Ang pagkakahawak ni Jean ng mikropono ay parang napahigpit at habang nakangiti ay unti-unti namang tumutulo ang dugo sa ilong niya pero nakakapagtatakang parang hindi naman niya ito nararamdaman o napapansin.
Bigla akong binundol ng kaba nang may makita akong kung sinong babae sa likod niya na niyayakap siya habang nakatutok ang patalim sa leeg niya habang kumakanta.
Gusgusin ang manipis na puting damit ng babae. Halatang gula-gulanit ito at may bahid pa ng dumi ng putik. Gulong gulo ang alun-alon niyang buhok. Nakangiti ito na kita ang halos bulok na ngipin at nanlilisik ang mga mata niya sa poot.
"Jean!" Pasigaw kong wika na bumulabog sa halos lahat ng tao sa paligid ko at sa isang kisap ng mata ay nawala rin sa paningin ko ang babae sa likod niya.