Part 3: Kung Tayo'y Magkakalayo

16.8K 273 34
                                    


Malakas ang ulan nang makarating sila sa tapat ng bahay. Limang minuto nang nakaparada ang sasakyan, subalit hindi pa rin bumababa si Gabe; nakapikit ang mga mata habang nakasandal ang ulo sa bintana. Magulong-magulo ang utak.

Sa restaurant ay niyaya siyang makipag-usap ni Daniel ng pribado. Hindi naman siya makatanggi; hindi niya ipapahiya sa harap ng ibang tao ang amo. Pero lalo lang gumulo ang sitwasyon. Kung anu-anong tinanong ni Daniel tungkol sa relasyon niya kay Rusty kaya't nagalit siya at nasigawan ito, na nauwi naman sa pag-wo-walk-out ng huli.

'Ano ba kasing pinagtalunan nyo?' tanong ni Rusty.

Umiling lang si Gabe.

'Nagselos 'yon, no?'

Hindi siya sumagot.

'Bakit hindi ka masaya? Hindi ba katunayan 'yon na gusto ka rin nya?'

'Eh 'pano, pagsasabayin niya kaming dalawa ni Brandon?'

Inabot ni Rusty ang kanyang kamay at saka ito pinisil. Nang tingnan ni Gabe ang dating nobyo ay kitang-kita niya ang lungkot sa mga mata nito. 'Sana hindi nalang ako umalis ng Pilipinas.'

Parang may punyal na tumarak sa dibdib ni Gabe. 'Rusty—'

'Masaya ako para sa 'yo, kahit mahal pa rin kita. Pero okay lang, huwag mo akong alalahanin. Malaki na 'ko, kaya ko na sarili ko.' Pinipilit ng lalaking ngumiti, subalit sadyang bumabagsak ang kanto ng mga labi.

Kasabay ng pagpatak ng ulan ang pagdaloy ng mga luha ni Gabe. Nasa harap niya ang lalaking kahit kailan ay hindi tumigil magmahal sa kanya; ang taong kahit kailan ay hindi siya sinaktan.

'Kung ano mang problemang kinakaharap nyo ni Daniel, malalampasan 'nyo rin yan.' Bumitaw si Rusty. 'Sa isang linggo, babalik na 'ko ng Korea. Dadalawin ko muna sina nanay sa Davao kaya hindi na kita mababalikan. Siguro ilang taon pa ulit bago tayo magkita, pero kung may kailangan ka, alam mo naman kung papano ako kontakin. Gusto ko sanang sabihin na hihintayin kita... kaso oras na yata talaga para maghanap ng iba. Ayoko namang tumandag binata.'

Hinila ni Gabe ng yakap ang lalaki. 'Sorry...' bulong niya.

----------------

Ilang buwan na ang nakalipas simula nang umalis si Rusty ng Pilipinas, pero sa dami ng nangyari sa buhay ni Gabe ay parang isang dekada ang dumaan.

At hindi niya inakala ang tuluyang paglayo ni Daniel sa kanya.

Simula kasi ng kanilang pagtatalo ay nagbago na ang pakikitungo nito sa kanya. Hindi ito bumalik sa pagiging magagalitin, subalit kung ano mang init ng pagmamahal na ipinaramdam nito sa kanya dati ay naglaho na parang bula.

Pinagbawalan na siyang umakyat sa penthouse; sa lobby na lamang niya maaaring hintayin si Daniel. Sa opisina naman ay ginawa siyang miyembro ng Facilities, kaya't bukod sa pagmamaneho para sa amo ay kung ano-ano na ang iniuutos sa kanya sa opisina, parang noong bagong simula pa lamang siya sa trabaho. Wala namang problema, mas okay nga siya ng maraming ginagawa PERO, heto na naman ang puso nya, hindi na naman mapigilang ma-miss 'yung isa.

Tutok sa trabaho at sa tuwing magkikita sila ay blangko palagi ang mukha. Walang galit, walang ngiti, walang saya, walang pagmamahal. Pakiramdam ni Gabe ay naging hangin siya—nararamdaman pero hindi nakikita. Kinalimutan na ni Daniel na minsan ay mayroon silang pinagsamahan, at ito ang pinaka-masakit sa lahat.

Ang motto ni Gabe: move on. Pero ganon pa man, hindi na siya nakipagkita pa sa ibang lalaki. Lalo lamang silang magapagulo sa kanyang isipan. Siguro kapag handa na ulit siyang magmahal (o masaktan), saka siya susubok ulit.

Ang Boss at ang Driver [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon