Part 5: Ancestral House

11.4K 174 32
                                    

Agad bumalik ng Pilipinas ang mag-nobyo matapos matanggap ni Daniel ang tawag ng tiyuhin. Nang makalapag sa airport ay lumipat lamang sila ng private jet na magdadala sa kanila sa lugar kung saan lumaki si Daniel, kung saan nadoon ang ancestral home ng mga Vitturini.

Nakasandal si Gabe sa upuan habang pinapanood ang mala-bulak na ulap na umaagos sa ilalim ng maliit na eroplano. Kakadaan lamang ng stewardess upang alukin siya ng inumin. Tumanggi si Gabe dahil natutulog si Daniel sa kanyang dibdib at ayaw niya itong maabala. Malakas ang pakiramdam niya na gising ang nobyo at nakapikit lamang ang mga mata nito. Gayunpaman, gusto niyang makapagpahinga si Daniel; dahil sa kanilang dalawa, ito ang mas kinakabahan sa pagbisita sa Guimaras. Hindi maintindihan ni Gabe kung bakit ang lakas ng tibok ng puso ng kasintahan. May kinatatakutan ba ito sa pag-uwi?

Mayroon siyang konting kabang nararamdaman, dahil first time niyang makakasalamuha ang ama ng nobyo, pero sabi naman ay mabait si Mr. Vitturini, parang si Sir Manny nya, kaya't wala siyang masyadong pag-aalala. At isa pa, basta't kasama niya si Daniel, hindi pwedeng hindi niya makaya ang kung anu mang pagsubok na daraanan.

Pinaghalong cinnamon at mint ang amoy ng buhok ni Daniel. Kaysarap sa pakiramdam. Nakayakap si Daniel sa kanya at dama ni Gabe ang init ng katawan nito. Mahal niya si Daniel. Mahal na mahal. Hindi niya alam kung papaano siya nabuhay nang mga nakaraang taon na hindi nararamdaman ang ganitong emosyon. Mabilis ang mga pangyayari—nakakahilo—subalit ganoon yata talaga ang tadhana. Bigla ka nalang gugulatin.

Ang dasal niya palagi ay sana'y hindi ito matapos; bagama't sa likod ng kanyang isip ay naroon ang takot na baka isang araw, mawala na lamang ang pagmamahal ni Daniel sa kanya. Naiisip pa lang niya kung paano siya nasaktan bago mag-Pasko ay parang gusto na niyang manghina. Ganoon siguro ang pakiramdam araw-araw kapag dumating na ang panahon na... Hindi. Hindi sila magagaya sa kaniyang mga magulang. May pag-asa sila ni Daniel. Lalaban siya.

Nakaakbay si Gabe sa kasintahan, at ngayon ay binalot niya ito ng dalawang braso para lalong maglapit ang kanilang katawan. Ibinaon niya ang ilong sa mabangong buhok ng lalaking kayakap at saka huminga ng malalim. Sana ganito nalang araw-araw.

'Okay ka lang ba, Dan?' Hindi mapigilan ni Gabe na mag-usisa. Kahit dati pa, kapag problemado si Daniel, problemado din siya. 'Bakit kanina ka pa...' Hindi mapakali. Kinakabahan. Akala mo dadalhin sa principal's office.

'Kasi...' mahinang sagot ni Daniel. Hindi pa rin ito kumikibo mula sa pwesto.

'Kasi ano?'

Humugot ng malalim na hininga ang kanyang nobyo, kasing lalim ng problemang dinadala. Hindi muna ito sumagot.

'May sakit ang papa mo, kaya tayo uuwi, diba? Sabi naman ni tito Manny, hindi naman malubha... Diba?'

'Isa lang 'yon sa mga dahilan. I think... ano kasi... siguro paghahatian na 'yung mga ari-arian namin. Sobrang malaking halaga. Naisip siguro nila na bago mamatay—matatanda na kasi sila—so bago sila lumisan eh maayos na ang mga dokumento ng kumpanya at mga lupain. Si papa ang panganay sa mga magkakapatid, at si uncle Manny lang ang pinaka-mabait sa lahat, wala akong puprublemahin doon, pero 'yung iba naming kamag-anak, ewan ko ba kung bwitre o pating.' Bumuntong hininga ulit si Daniel.

Hinagod ni Gabe ang likod ng kasintahan. Alam niyang may iba pang hindi sinasabi si Daniel. Kung business ang pag-uusapan, alam niyang kayang-kaya itong harapin ng nobyo. THE BEST ang boyfriend niya pagdating sa mga ganitong bagay, kaya't hindi pwedeng ganito kaliit na sitwasyon lamang ang inaalala nito. 'May iba ka pa bang gustong sabihin?' tanong ni Gabe.

Humigpit ang yakap ni Daniel.

'Ano ba 'yon? Hindi ako magagalit, pangako.'

Kita ni Gabe na nanginginig si Daniel. 'Teka, umiiyak ka ba?'

Ang Boss at ang Driver [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon