Part 4: Pagsubok

11.9K 183 8
                                    

Pinawi ni Gabe ang bula ng shampoo sa noo ng nobyo. Pareho silang nasa ilalim ng shower head, dumadaloy ang mainit na tubig sa mga pagod na katawan. Ilang araw na silang namamasyal sa mga tourist spots ng Hong Kong, kagaya ng Victoria Peak, Ngong Ping, at Tian Tan Buddha. Kanina lamang ay pumunta sila sa Disneyland para habulin ang fireworks display. Dahil siguro sa pagod at panginginig sa ginaw ay naging emosyonal siya nang maabutan ang mga presentasyon ng gabing iyon.

Madilim na nang makarating sila sa lugar, at naabutan na pinapapunta ang mga bisita sa main avenue, kung saan may magaganap na parada. Nang makapagtipon ang mga tao ay biglang namatay ang lahat ng ilaw sa paligid. Nakaakbay siya kay Daniel habang hinihintay kung anong mangyayari—nang biglang bumukas ang mga bumbilya, kasabay ang pagpatak ng nyebe at ang pagtugtog ng When You Wish Upon a Star. Hiyawan ang mga tao sa tuwa. Si Gabe naman ay nangingilid ang mga luha. Nakangiting sinulyapan siya ni Daniel at saka hinalikan sa pisngi. Bata pa lamang ay gusto na niyang makarating ng Disneyland. Masayang malungkot. Malungkot dahil wala sa tabi ang mga kapatid; masaya dahil kasama niya ang lalaking minamahal.

'Talikod, love,' sabi ni Gabe, 'sabunin ko likod mo.'

Pikit matang sumunod si Daniel habang hinahayaan ang kasintahan na linisin ang katawan. Kanina pa ito antok na antok kaya't binilisan na ni Gabe ang pagsasabon. Siguradong pagbagsak nito sa kama ay tulog na kaagad at hindi na nila maaabutan ang New Year countdown. 'Di bale, sulit naman ang fireworks kanina. Pwede na itong itatak na isa sa mga pinakamagandang bagay na kanyang nakita.

Matapos magbanlaw ay pinunasan niya ng malaking puting tuwalya ang nobyo at hinila ito papuntang kama. Tama nga ang hinala niya; pagbagsak pa lamang ng higaan ay pumuwesto na ito sa isang tabi at bumaluktot. Pinatay lamang ni Gabe ang ilaw at humiga; ipinatong ang comforter sa hubad nilang katawan. Nakatalikod ito sa kanya kaya't idinantay niya ang braso't binti para magsilbing big spoon ang katawan. Simula nang maging sila, ilang araw na ang nakararaan, ay ganito na palagi ang kanilang pwesto pagtulog.

Lubus-lubos ang pasasalamat ni Gabe sa Maykapal para sa lahat ng biyayang tinatamasa, at shempre, para sa pagmamahal ng lalaking kayakap. Ngayon ay wala na siyang pangamba dahil kanyang-kanya na si Daniel, at walang nang sino pa man ang makakaagaw nito sa kanya.

Kinabukasan ay tanghali nang nagising ang magnobyo. Binuksan ni Gabe ang heater dahil sa sobrang lamig ng kwarto. Hindi pa rin siya makapaniwala kung gaano kalamig sa Hong Kong kapag ganitong panahon, dahil kapag salitang "winter" ang usapan, Amerika lang palagi ang kanyang naiisip. Matapos magtanghalian sa kwarto ay natulog silang muli, kaya't nang bumangon kinahapunan ay gising na gising ang kanilang diwa.

Ang sabi ni Daniel ay mag-ba-bar daw sila. Hindi naman siya mahilig magsayaw at malamang ay tatayo lang siya sa isang tabi, kaya't nagsuot lamang sila ng plain na gray t-shirt at tight na itim na pantalon. Si Daniel naman, akala mo'y aattend ng red carpet event—pormang porma, mula sa asul na long-sleeved shirt hanggang sa Prada na sapatos. Umiling lang ito nang makita ang suot niya, subalit wala nang sinabing iba.

Inihatid sila ng kotse ng hotel papunta sa club. Habang umaandar ang Mercedes ay nakatanaw naman si Gabe sa labas at pinapanood ang makukulay na ilaw ng lansangan, ang magagandang sasakyan sa daan, ang mga taong kaybibilis maglakad, parang lahat ng pupuntahan importante.

Hindi mawala ang mangha ni Gabe sa lugar. Magaganda ang suot ng mga tao, kahit karamihan ay itim na coat at jacket. 'Yung mga kargador sa tabi-tabi mukhang hindi mahirap, palibhasa'y maputi ang balat. Bawat kanto may traffic lights, at 'yung mga bus, ang mga nakapaskil na patalastas ay mga mamahaling bag at relo. Sa Pilipinas, ang mga nakalagay sa labas ng bus, puro advertisement ng ballpen, chichirya, at mumurahing cell phone. Hindi naman sa pangmamaliit sa kanyang bansa, subalit hindi maiwasang mainggit ni Gabe. Na sana, sa Pilipinas, ganito rin kaganda, kaayos, at karangya. Siguro pwede na rin niyang ipagpasalamat na si Duterte ang nanalo sa eleksyon dahil nabawasan ng adik sa kanilang baranggay. Siguro susunod na ang pagbawas ng traffic sa EDSA. Ito pa naman ang ayaw na ayaw ng mga driver na kagaya niya.

Ang Boss at ang Driver [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon