Part 13: Araw ng Kasal

5.9K 126 13
                                    



'Sigurado ka?'

'Oo naman!'

May nakakalokong kunot sa noo ni Jace habang ibinubuhol ang necktie ni Gabe. Nakatayo silang dalawa sa loob ng kwarto; tanaw mula sa bintana ang mga bisitang palakad-lakad sa resort. 'Eh bakit parang nangangatog ka?' tanong nito.

'Ikaw kaya, subukan mong magpakasal!' sagot naman ni Gabe. Para siyang maiihi na hindi mo maintindihan.

Dumating na ang araw ng kasal nina Gabe at Daniel.

December 24, 2017.

Ito ang araw na parang mamamatay si Gabe nang dahil sa kaba.

'Bakit kasi ang daming bisita?' ang mahina niyang sabi.

Napatawa si Jace. 'Grabe, no? Imbitado ang international community. Lahat yata ng kamag-anak ni Daniel mula probinsya at ibang bansa dumating. Yung kasabay namin mag-check-in kagabi mga taga Hawaii at Paris. Yung mga humabol kanina, taga Brazil yata o Venezuela. Tinanong ko nga biyenan mo bakit ganon, eh ang sabi kasi excited silang lahat na makasal si Daniel dahil akala nila tatandang binata.'

Pinunasan ni Jace ng face towel ang pawis sa noo ni Gabe. Malamig ang air conditioner sa kwarto at mahangin naman sa labas. Pero si Gabe, akala mo nag-marathon sa disyerto.

Napakabilis ng mga pangyayari. Mula noong December 16, nang pumayag si Gabe na makasal ngayong Pasko, gumulong na ang makinarya ni Daniel. Na-book ang buong resort sa Zambales, na-order ang mga pagkain, nabili ang mga give-aways, naimbitahan ang mga bisita, at natapos ang isang libo't isang preparasyon na kinakailangan para sa kasal. Nahilo si Gabe sa dami ng mga pangyayari. At ang pinaka-masaklap sa lahat, walang sex. Lumipat pa ng hotel si Daniel para iwas daw sa tukso. Ewan ba niya kung bakit pa siya pumayag—nakalimutan na nga rin niya ang dahilan kung bakit kailangan itong gawin. Hindi naman niya agad natanto kung gaano pala kahirap ang tumupad sa usapan.

'Umupo ka kaya muna?' paanyaya ni Jace.

Hindi na sumagot si Gabe at basta na lamang sumalampak patihaya sa kama. Naka-dipa ang mga braso. Bumuntong hininga ng pagkalalim-lalim.

Humiga si Jace sa kanyang tabi.

Dalawang lalaking naka-Amerkana, naghihintay magsimula ang kasal.

Ideya ni Gabe na ganapin sa isang white-sand beach resort ang kasal. Ang hindi lang nya inakala ay ang buhos ng mga bisitang darating. Palibhasa puro may mga pera kaya walang pakundangan sa pag-book ng flight.

'Kinakabahan talaga ako, kuya,' ungot ni Gabe.

'Ano, itigil na natin ang kasal? May getaway car dyan sa labas, pwede ka nang umalis. Ako nalang ang pupunta mamaya para magpaliwanag sa mga bisita,' sabi ni Jace, sabay tawa.

'Sira.'

'Bakit ka kaya kinakabahan, no? Sigurado ka naman na nagmamahalan kayo. Wala naman kayong puprublemahin sa pera. Wala namang problema sa mga pamilya. Nagsama na naman kayo... so anong kinakatakot mo?'

'Ewan ko ba. Pano kung gusto ko na namang mapag-isa? Kung kailangan ko ng oras para sa sarili ko?'

'Sus, ito naman. Kung si Carrie Bradshaw nga kelangan ng alone time, ikaw pa kaya. Sa tingin ko natural lang 'yon. Lalo na siguro kung may mga anak na at maraming nangyayari sa buhay nyo. Sa tingin ko minsan kailangan mo rin talagang magkaroon ng oras para sa sarili mo para maging aligned ka ulit sa iyong center. Gets?'

'Oo nga tama ka. Lahat naman siguro ganon...'

'Pero huwag ka masyado maniwala sa akin, ha? Alam mo namang forever sigle ako. Hahahahaha... So, theoretical lang ang lahat.'

Ang Boss at ang Driver [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon