Part 19: Walang Kasiguraduhan

4.8K 111 9
                                    

'Hon, gising na.'

'Hmmm?' Naalimpungatan si Rusty. Gusto pa niyang bumalik ng tulog; napakalamig ng panahon.

Muling inuga ni Jace ang kanyang balikat. 'Mag-a-alas-tres na. Alis na tayo kasi baka abutan pa tayo ng putukan sa daan.'

Tatakluban sana ni Rusty ng unan ang mukha, pero hinablot ito ni Jace. 'Dito nalang tayo mag-Bagong Taon...' pagmamakaawa nya.

Tumihaya si Rusty, at dumapa naman sa kanyang ibabaw si Jace. 'Hindi pwede kasi nangako tayo na sa kanila mag-new-New Year, diba?'

'Dito nalang kasi...' Unti-unti niyang iminulat ang mga mata. Nakakasilaw ang liwanag na hindi maharangan ng kurtina.

Hinalikan siya ni Jace sa ilong. 'Okay,' sabi ng nobyo, 'kita nalang tayo bukas. Aagahan ko nalang ang balik.' Agad na tumayo si Jace at naglakad papunta ng pinto.

Balikwas naman sa kama si Rusty. 'Oo na, susunod na po.' Tangka niyang itatali ang buhok pero wala na siyang mahawakan. Ipinagupit na nga pala niya ito kaninang umaga. Nabanggit kasi ni Jace na masyado na itong humahaba. Ewan ba niya. Maraming taon nang ganoon kahaba ang kanyang buhok; tapos, sa isang komento lang mula sa lalaking kanyang sinusundan, walang pag-aalinlangan niya itong ipinaputol. Hindi pa siya sanay at parang medyo awkward, pero sa kislap ng mga mata ni Jace, alam niyang tama ang naging desisyon.

Nilingon siya ng nobyo. Nakatayo sila sa taas ng hagdan. 'Oh, kala ko ba, dito ka magba-Bagong Taon?'

Wala pa siya sa huwisyo at medyo nahihilo pa sa biglang pagtayo kaya't hindi siya agad nakasagot. Nakatayo lamang siya na parang tuod.

Ngumiti si Jace. 'Joke lang, pogi. Hindi talaga kita iiwanan dito.' Lumapit ito at yumapos sa kanyang leeg, sabay halik sa labi. Automatikong pumulupot ang mga braso niya sa baywang ng boyfriend. Pumikit siya at inugoy-ugoy si Jace sa kanyang mga bisig. Niyakap ito nang pagkahigpit-higpit, hanggang sa humahagikgik na kumawala si Jace.

'Aha, gumaganti ka na ngayon, ha?' Pinisil siya nito sa pisngi.

Ngumiti si Rusty. 'Pwede ba muna magmeryenda bago umalis?'

'Gutom ka pa? Ang dami mong nakain nung lunch ah?'

Lumakad na pababa si Rusty. 'Sasabihin ko kay nanay ginugutom mo 'ko.'

'Naku talaga ikaw, kaya tayo palaging nale-late eh.'

Mag-a-alas- singko na nang nakaalis silang dalawa ng bahay. Pagkatapos kumain ay naligo pa si Rusty. Si Jace naman ay nanood muna ng Sense8 habang hinihintay ang nobyo. Marami pa sanang ipapadalang pagkain ang nanay ni Jace, pero tinanggihan lahat ito ng anak. Sigurado raw kasing maraming pagkain kina Gabe.

'Sorry, sorry!' Nagmamadaling pumasok si Rusty sa sasakyan, kung saan nakaupo na si Jace at halatang konti nalang ang natitirang pagtitimpi. 'Bibilisan ko nalang pagda-drive.'

'Huwag na, baka madisgrasya pa tayo.' Bumuntong hininga ito.

Habang binabagtas ang daan papuntang Santa Cruz, hindi na nakatiis sa katahimikan si Rusty. 'Huy, sorry na. Galit ka pa ba?'

Tinapik ni Jace ang kanyang hita at sinabing, 'Hindi na 'ko galit. May iniisip lang ako.'

'Ano?' Nagsimulang kumabog ang dibdib ni Rusty. Mula kasi ang "joke" tungkol kay Steve nung birthday niya, palagi na niyang naiisip ang misteryosong karibal.

'Na... ano. Na hindi ko alam where to go from here.'

'Teka, teka—ano?' Ito ang hirap minsan 'pag kausap niya si Jace. Andaming katanungan sa buhay na hindi niya alam kung paano sagutin.

Nakatingin si Jace sa gilid ng daan, subalit nakapatong pa rin ang kamay sa kanyang hita. 'Ang ibig kong sabihin... first time kong magka-boyfriend. Ano ba namang alam ko sa pagiging boyfriend? Pano kung magkamali ako? O ikaw, pano kung makakita ka ng iba?'

'Tsk. Ano ka ba, Jace? Huwag mo ngang sinasabi yang mga ganyan.'

'I mean, seriously. Natatakot ako... minsan. Okay tayo ngayon, pero papano kung may mangyari? Minsan nga naiisip ko pa na darating yung panahon na wala na tayong nararamdaman na kahit ano para sa isa't isa. Alam mo yung mag-asawang wala nang natitirang pagmamahalan?'

'Hindi 'yun mangyayari.' Napapailing si Rusty. 'Ako ang nagugulat sa mga sinasabi mo. Sa tingin ko kasi napaka-confident mo na tao. Parang sa lahat ng bagay alam mo ang dapat gawin. Alam ko kung kailan mo gustong magpatuloy, umiwas, tumigil, o lumayo. Alam mo kung papano lumaban. Kaya san nanggagaling yang mga isipin mo na 'yan? May ginawa ba 'ko na ipinag-aalala mo?' Siya man ay nagugulat sa mga sinasabi niya. Yung mga ganitong usapan kasi, sa ulo pa lang yata niya nagaganap. Wala siyang matandaang mga pagkakataon na nagkaroon ng ganito kalalim na usapan kasama ang isang tao.

Kahit noong bata pa lamang siya, alam na niyang hindi basta pinag-uusapan ang damdamin. Kaya nga napalayas ng papa nila ang kanyang kuya, diba? Kapag sinabi mo ang laman ng puso mo, pwede itong gamiting alas para ma-control ang buhay mo. Kaya't kahit hanggang sa pagtanda ay isinasarili nalang niya ang mga problema, o di kaya'y hahanap ng paraan upang ma-express ang nararamdaman nang hindi kailangang gumamit ng salita.

Hanggang sa dumating si Jace.

Ngayon nalang siya natututong bigkasin ng malakas ang mga nararamdaman.

'Eh papano kung may desisyon ako na hindi mo gusto?' tanong ni Jace.

'Kagaya ng?'

'Kung... gusto ko nang bumalik ng Makati para magtrabaho?'

Napakunot ng noo si Rusty. 'Akala ko ba gusto mong gumawa ng art? Pero... kung gusto mong bumalik sa corporate world, eh 'di hahanap tayo ng apartment malapit sa trabaho. Kahit saan naman pwede akong tumira.

'Sasama ka?'

'Bakit hindi?'

'Kasi... bago pa lang tayo mag-boyfriend tapos live-in agad?'

Mabilis na ipinarada ni Rusty ang sasakyan sa gilid ng kalsada. Tinanggal ang seatbelt, at hinarap ang nobyo.

----------------

Author's note:

Dear readers,

Sorry dahil antagal nasundan ang istorya at less than 1,000 words lang ang chapter na ito. Life got in the way kasi. LOL. Have patience, my friends. Magkakaron din ako ng enough time to write... eventually. Anyway, sana matapos na ang summer dahil sobrang init na talaga. 'Till next time! <3

Ang Boss at ang Driver [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon