Part 14: Si Jace at si Rusty

6.7K 107 10
                                    

Alas-onse na ng gabi, pero mukhang wala pa ring balak tumigil sa pagpapaksaya ang mga bisita. Kanina pa naglaho ang bagong kasal at wala na rin ang mga kapatid ni Gabe. Pinagmasdan ni Rusty ang paligid. Wala na siyang nakikitang kakilala. Mukhang magno-Noche Buena na naman siyang mag-isa.

Itinaas ni Rusty ang kanang kamay; tinawag ang bartender. Naka-upo siya sa gilid ng bar at kakaubos lang ng ika-pitong bote ng beer. Mag-i-isa pa siya bago matulog. Sana naman makatulog siya bago mag-alas-dose. Sabi nila panahon ang Pasko para maging masaya. Pero bakit lahat na yata ng Paskong nagdaan palagi siyang malungkot at nag-iisa?

'Beer pa?' tanong ng barternder. Tumango si Rusty. Matangkad ang lalaki, slim at chinito. Naka-bun ang buhok na kagaya sa kanya. Mukhang Korean celebrity, parang si Park Go Bum. Sigurado kung nasa Korea pa rin siya, mata-typan niya ang lalaking ito, lalo't kanina pa hinuhuli ang kanyang tingin, umiiwas lang siya. Ewan ba niya, para siyang nasa lamay kaysa nasa reception ng kasal.

Bilog ang buwan. Malakas ang hangin mula sa dagat, malamig sa balat. Nagsasayaw ang makukulay na ilaw sa indayog ng tugtog ng DJ. Pawisan ang mga katawang walang tigil sa paggiling, pagtalon, pagyugyog.

Malalim ang paglagok ni Rusty sa bote ng Red Horse. Kailangan niya ng katahimikan. Sa kaliwa ang daan papunta sa hotel. Kumanan siya. Papunta sa dagat.

May mga sulo na nakasindi malapit sa tubig upang maliwanagan ang mga gusto pang lumangoy. Pero sa lamig ng panahon, walang ni isang lumapit sa dagat maliban sa kanya. Kung hindi nagsasayaw ang mga bisita ay natutulog na. O malamang nasa restaurant, naghihintay ng Pasko.

Ngayong gabi, galit na naman siya sa mundo.

Pumusisyon siya na parang baseball pitcher para itapon nang pagka-layo-layo ang bote sa maitim na tubig, nang may magsalita sa 'di kalayuan.

'Huwag kang magkalat.'

Muntik na siyang mapalundag sa gulat. Nabitawan niya ang bote at tumalbog ito malapit sa kanyang paa.

'Tangina naman, huwag kang manggulat!' bulyaw ni Rusty.

Gumalaw ang anino sa ilalim ng palm tree at dinampian ng liwanag ang mukha nito.

'Sorry,' sabi ni Jace.

Para namang biglang lumiwanag ang kalangitan para kay Rusty. Akala niya'y kung nasaang sex party na si Jace dahil kanina pa pinapanood yung mga lalaking hula dancers, enjoy na enjoy ang walangya sa pagsasayaw ni Alaka'i Lastimado, tapos bigla nalang naglaho.

'Bakit nandito ka?' tanong niya habang mabilis ang paghakbang palapit sa lalaki. Umupo siya sa buhangin. Napakaganda ng kanyang pakiramdam; salamat sa beer na magaling tumunaw ng kaba.

'Wala lang,' saad ni Jace. Bumalik ito sa pagkakahiga at nakatitig sa kalangitan.

Napakaraming bituin. Sa pwestong ito ay bahagyang maririnig ang musika mula sa reception, na love songs naman ang pinapatugtog ngayon. Sinabayan ni Rusty ang chorus ng awit ni Adele:

"All I ask is

If this is my last night with you

Hold me like I'm more than just a friend

Give me a memory I can use

Take me by the hand while we do what lovers do

It matters how this ends

'Cause what if I never love again?"

Napakatagal na pala niyang hindi umaawit. Nalungkot siya sa reyalisasyon. Mula yata nang bumalik ng Pilipinas ay hindi pa siya kumakanta. Ganito ba talaga kapag wala ka nang ganang mabuhay? Kahit ang sayang dulot ng kanta ay nakakalimutan mo na?

Ang Boss at ang Driver [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon