LAHING KAYUMANGGI. Perlas ng Silanganan. Duyan ng magigiting. Napakabantog na bansag sa kapuluang lulutang-lutang sa pagitan ng nag-uumpugang alon ng mga karagatan. Pitong libo, isandaan at pitong isla ang umaaming kabahagi sila ng lahing ito, bagama't hindi lahat ay kayumanggi ang bahid ng balat, at hindi iisang wika o kultura ang nakagisnan. Kagila-gilalas nga na sa kabila ng labis na pagkakaiba sa maraming aspeto ng pamumuhay ay matatawag pa ring "Lahing Kayumanggi" ang kapuluang ito na may iisang dugo at iisang lahi.
Sinong mag-aakalang ang isang halos yumaong tipak sa nakaraan ay magiging hitik sa likas na kayamanan sa kasalukuyan? Sundan ang mga tagpo sa maikling nobelang ito na nagtatampok ng iba't ibang pangyayaring hindi man tunay na naganap sa kasaysayan (o yaong mga hindi napatunayan), ay nabubuhay pa rin ang tema ng pagiging sinauna at kultural. Tunghayan ang mga sumusunod na tagpo sa natatanging kuwento ng buhay; pag-asa at kabiguan, pag-ibig at pakikipaglaban, at pagtatangi sa lupang tinubuan, na siyang pinamagatang Kayumanggi.
Ang pagsilang ng sibilisasyon sa kapuluan ay pinasinayaan ng mga unang Lagalag na dumating sa pamamagitan ng mga matitibay na tulay ng yelo. Noong panahong yaon, ang kapuluan ay isa pang malaking tipak ng lupa na nababalutan ng yelo, kung kaya't kakaunti pa lamang ang nabubuhay na halaman at hayop na maaring magsilbing pagkukunan ng ikabubuhay. Maigi at naging masinop ang mga unang Lagalag at sa kabila ng matinding pagkasalat sa makakain ay nagawa nilang mabuhay sa loob ng maraming dantaon.
Namalagi sila sa isang tangway, ang pinakamalaking tangway sa buong hugis-tatsulok na lupain, na noon ay binansagang Paraguwa, ipinangalan sa unang naging pinuno ng pangkat at nang naglao'y tinuring nilang anito. Nanirahan sila sa mga kuwebang tinatawag na Tabon, dahilan kung bakit sa kasaysaya'y naging bantog sila sa titulong "Taong-Tabon". Nailarawan sila bilang mga nilalang na kasimbahid ng lupa ang balat, may kulot at mamula-mulang buhok, may katamtamang tangos ng ilong at may likas na kahusayan sa pagtataguyod ng isang sambayanan, kalakip na rito ang pamumuhay, pakikidigma para sa nasasakupan at pagkakaroon ng kodigo o ang kasalukuyang inihahayag bilang batas.
Ilang dantaon pa ang lumipas, nag-umpisang mapalapit ang daigdig sa haring araw, siyang pinaniniwalaang dahilan ng pagkatunaw ng mga tipak ng yelo sa iba't ibang bahagi ng mundo. Isa rin ito sa mga dahilan kumbakit nagsiusog ang ilang mga pulo, nabasag at nakabuo ng panibagong topograpiya ng mga anyong lupa sa katubigan ng buong daigdig.
Humabol naman sa huling pakikinabang sa tulay na yelo ang mga Anak ng Austronesya, isang malaking kontinente na nalalapit sa ekwador, ang guhit na pahalang sa gitna ng daigdig na siyang kinikilala bilang guhit ng labis na init. Sila ay mayroong sariling wika at pamamaraan ng pagsulat at pagtala ng kanilang sariling kasaysayan. At dahil malapit sa ekwador, hindi maitatangging tatak ng sinag ng araw ang kaalimuoman ng panlabas nilang kaanyuan. Kulot at kulay mais ang kanilang buhok, bilog na bilog at itim na itim ang kanilang mga mata, mapula ang kanilang mga labi at halos limang talampakan lamang ang tangkad ng pinakamataas sa kanilang pangkat. Hindi sila ang mga uring namamahay kung kaya't walang tigil ang kanilang paglalakbay sa kabila ng sunud-sunod na sakunang tinatamo ng tatsulok na pulo.
Gayundin naman ang naging pamumuhay ng mga Taong-Tabon ng Paraguwa nang mga panahong natutunaw ang yelo sa buong lupain. Nagkaroon ng pagkasalat sa ikabubuhay ang Paraguwa, kung kaya't ang ilan sa mga unang Lagalag ay naglakbay patungo sa matabang lupa, kung saan mainit dahil nagkakaroon ng balanse ang init ng ilalim ng lupa at lamig ng natutunaw na yelo. Doon namalagi ang ilang mga Taong-Tabon sa panahon ng sakuna.
Nagpatuloy ang mga kagimbal-gimbal sa kasaklapan sa buong lupain. Ang paglikot ng mga pulo ay nagdulot ng lindol. Ang siyang pagyugyog ng mga tipak na lupa ay nagpapainit ng labis sa ilalim ng lupa na siyang naging sanhi ng pagbulwak ng mga nagbabagang elemento mula sa kaibuturan ng daigdig. Isinilang ang mga bulkan, nagkaroon ng itaas at ibabang bahagi ang mga anyong lupa at nabasag ang kabuuan ng tatsulok nang matunaw ang bumabalot ditong yelo. Hindi naglaon, muling nanahimik ang buong daigdig at isang walang hanggang kayamanan ang unti-unting namukadkad—ang sinag ng bukangliwayway.
Sumibol ang kauna-unahang binhi sa tuktok ng tatsulok na lupain. Saka rin lamang napagtanto ng mga nananatiling nabubuhay ang malawakang pagbabagong naganap sa loob ng halos isang dantaon. Basag na ang tatsulok. Ang natunaw na yelo ay naging tubig na tila matatagpuan na kahit saan ka man lumingon. Ang mga Taong-Tabon na naglakbay sa gitna ng dating tatsulok ay nanatiling buhay kasabay ng mga alaala ng pangyayari bago ang itinuring nilang simula. Ang mga Anak ng Austronesya ay nakarating na sa itaas ng dating tatsulok nang matapos ang sakuna at naitala rin naman ang kanilang mga nasaksihan. Sa kasamaang palad, nang humiwalay ang tangway ng Paraguwa at naging isang makitid at mahabang pulo, nasawi ang mga Lagalag na naiwan sa Tabon.
Hindi rin nalayong nagkatagpo ang dalawang pangkat na kapwa makatao't naghahanap ng kasangga sa pagtataguyod ng unti-unting gumagarang paraiso. Nang maipagniig nila ang kanilang mga naitala, doon na nagsimula ang paglago ng soberanya at pag-usbong ng sibilisasyon ng Lahing Kayumanggi, bansag sa kulay ng lupa—lupang pagmumulan ng isang makasaysayang hinaharap.
~...~
BINABASA MO ANG
Kayumanggi
Fantasy"Pagharap, hindi ang pagbabalik-oras, ang wawaksi sa kabuktutang sumibol mula sa tiwaling pagpili..." Andito na sila, Iba't ibang pinagmulan Iba't ibang adhikain Iba't ibang patutunguhan Ngunit iisang dugo Isang lupain Isang lahi K...