Chapter 13: Digmaan

96 3 6
                                    


Disclaimer: A few parts separated by character headings were written in first person.

-13- Digmaan

Pirela, Ang Babaylan

Madilim na ang paligid at pihadong ito na ang sinasabi nilang Piitan ng mga Kampon. Doon dinala ng mga tunog ng yabag ang Kuta ng Kampon sa pangunguna ni Serapin, ngayon sa anyo niyang Balawis. Makapal ang usok sa paligid at halos hindi sila magkakitaan, maigi't sadyang malinaw ang aking mga mata upang maaninag ang ilan. Hindi na nabigla si Alon sa kanyang nakita nang magpatuloy siya lampas ng makapal na usok. Basag na ang kalahati ng pintuan ng yungib. Natitiyak niyang may mga nilalang ng nakalabas mula rito. Hindi man siya nagulat, tumagaktak pa rin ang pawis sa kanyang sentido, sa wari ko'y kinakabahan. Sa kanyang paglingon ay mas ikinabigla niya ang anino ng Balawis sa kanyang likuran. Kumaway ako, subalit hindi niya ako nakita.

Hindi pa rin ako makatingin ng tuwid kay Legana, pakiramdam ko kasi'y nakatingin ako sa salamin, o kaya nama'y nakatagpo ng kakambal kong hindi ko nakita simula kapanganakan. Kaya nga ba hindi ko magawang tumanggi sa kanyang pasyang ipagpaliban muna ang aking kalayaan.

Napangisi ako kasabay ng pag-angat ng kanyang maputlang labi. Agad siyang tumayo ng tuwid at dumipa, sabay pinagsalubong ang kanyang mga bisig hanggang sa palibutan siya ng malakas na uri ng ipuipo. Sa isang iglap, luminis ang buong kagubatan at nawala ang makapal na usok sa may pintuan ng piitan. Kagila-gilalas. Mabilis namang tinapalan ni Irok ng kanyang pinakamatigas na luwad ang basag na bahagi ng pintuan. Tiniyak nilang ang tatlong ito na lamang ang kanilang nalalabing katunggali matapos nilang mapabagsak ng pangilan-ngilan ang mga mahihinang Kampon nitong mga nakaraang araw.

"Magaling." Ungol ng Balawis.

Napatingin ako sa mukha ni Binhi. Sa wari ko, imbis na makaramdam ng pagpupunyagi, kinabahan siya sa kanyang nakita. Sa bagay, siya talaga ang siyang pinaka-emosyonal sa pangkat. Nais ko siyang batiin, palakasin sa salita, subalit mukhang hindi na kinakailangan. May mistulang ngiti kasi sa labi ng Bakulaw na ito sa tabi ko, na nang mapagmasdan ni Binhi ay agad niyang binitiwan ang kanyang takot at pinanghawakan ang kumpiyansa sa kanyang sarili.

Buo na ang sanggaan. Ang Balawis, kasama ng mga kalasag ng hangin, tubig, apoy, buhay at kamatayan. Kinakailangang malampasan nila ito ng nananatiling buo ang Kuta. Hindi na ako makapaghintay sa kanilang tagumpay.

Nakatindig sa kanilang harapan ang kanilang pinangangambahan, at ang tatlong nasasaad ay walang bahid takot sa kanilang mga budhi. Pagkasabik, yaon ang nangingibabaw sa mukha ng mga halang na Kampon, ang mga Engkanto.

"Lalabanan niyo kami?" Ang Kapre ang unang nagwika. Natitiyak kong sa kanya nagmula ang makapal na usok.

"Kung hindi kayo aayon sa aming kagustuhan."

"Masyado ka pang bata, Dakilang Pinuno. Hindi mo pa nalalaman ang iyong ginagawa." Mapagmataas na saad ng Tikbalang.

"Nasa matino akong pag-iisip, Tikbalang." Garalgal na ungol ng Balawis.

"Tiyak na nasa katinuan, hindi kaya?" Nakakarinding halakhak na palibak ng Aswang.

"Akin ang nakakarinding 'yan." Yamot na bulong ng Manggagaway. Kung ako rin ang nasa lugar niya, pupugutan ko ng ulo ang maingay na iyan. Yumukod si Alon kay Legana.

Nanguna ang Balawis habang nananatili ang Kuta sa kanyang paligid. Nagliliwanag ang kani-kanilang mga mata at nagbigay ito ng nakakagiliw na kulay sa karimlan ng gabi. Gaya ng kanilang hiling kay Ayman, maliwanag pa rin ang Bilog na Buwan. Sinasabi ko na nga ba at may isa siyang salita.

KayumanggiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon