Chapter 2: Liwanag ng Buwan

240 6 0
                                    


-2- Liwanag ng Buwan

Minsan nang sinubok ng mga Diwata na tuluyang iwaksi ang mga bilanggong Kampon sa loob ng piitan subalit hindi sila naging matagumpay. Nagsitalbugang pabalik lamang ang salamangkang nagmula as mga sagradong palad ng mala-Diyosang mga Nimpa, nandahil sa isang matibay na kalasag ng limang elemental na espiritu ng kadiliman, ang Kuta ng Kampon. Ang Kuta ay binubuo ng limang malalakas na mga Kampon, ang limang binuo ng nasira nilang pinuno, ang kauna-unahang Balawis. Ang maalamat na Balawis na yaon lamang ang may kakayahang mas higit ang antas kaysa sa limang ninuno, alinsunod na rin sa mitong (mito: myth) siya ang naghirang sa kutang ito. Subalit dumating ang panahong nalipon ang lahat ng Kampon sa loob ng piitan, at doon tuluyang naging abo ang magiting na halimaw. Ang kuta ay binubuo nina Hora, Bita, Ayo, Yabu at Pesa, na kumakatawan sa hangin, tubig, apoy, buhay na lupa at patay na lupa. Sa pagdaan ng mahabang panahon, sila ang nagsilbing hadlang sa magkabilang-panig, naghihintay at nag-aabang lamang ng nilalang na maaring pumaibabaw sa kanila, bago sila tuluyang kumawala. Ang posibleng kalayaan ng limang ito ang higit na pinangangambahang panganib ni Radha nang maisakatuparan niya ang kanyang planong pagtakas.

SA HARAP NG GUMUGUHONG LAGUSAN. Nanatiling gulat ang walang muwang na binatang Kampon habang nakatitig sa kakaibang liwanag sa kabilang bahagi ng gumuguhong bato. Sa loob ng kuweba'y mistulang tipak ng lupa lamang ang kahoy na pintuang yaon.

"Radha? Sandali! Ako'y hintayin mo! Hindi ka maaaring mawala! Hindi ngayon!" Napangiti si Radha sa pagdapo ng tinig ng binata sa kanyang tainga. Napagpasyahan niyang hintayin ito subalit nang maramdaman niya ang pagyanig ng lupa na nagbabadya ng paglusob ng mga katutubo, nagbago ang kanyang pasya. Pinangunahan siya ng pangamba, at saka kumaripas ng takbo palayo sa piitan. Nakipagsiksikan si Serapin sa di-mahulugang karayom na lagusan, kasabay ng mga halang ang kaluluwa na buong sugapang nagsilabas na piitan, habang nilalasap ang linamnam ng kalayaan. Ngayo'y hayok na hayok sila sa mabibiktima at ito na ang mitsa ng nagbabadyang kabuktutan sa bawat sulok ng kapuluan.

Sumalubong kay Serapin ang isang nakasisilaw na hadlang sa lagusan. Pilit binubunggo't winawasak ito ng mga Kampon ngunit ni isa man sa mga masasamang loob ay hindi nagawang makalusot dito. Minasdan niya ang tila kristales na harang. Makulay. Mainit. Idinampi ng binatang Kampon ang kanyang putikang daliri sa liwanag. Napaigtad siyang bigla nang maramdaman ang labis na nakapapasong dingding. Pinansin niya ang kanyang daliri. Bagama't ramdam niya ang init, hindi man lamang nagalusan ang kaniyang daliri. Mahapdi, ngunit hindi niya masipat ang sugat kung mayroon man. Naging bingi na siya sa hiyaw ng mga kapwa Kampon. Patuloy na umiikot sa kanyang kamalayan ang pagkapawi ng napakarikit na imahe ni Radha sa kanyang paningin. At hindi na niya naalintana ang kirot na bumalot sa kanyang buong katawan nang tahakin niya ng walang alinlangan ang kabilang bahagi ng pader, ang lupain ng Lahing Kayumanggi.

Walang kaabog-abog na nilagpasan ng binatang Kampon ang makulay na pader at tila naghahalakhakan pa ang limang bahagi ng kuta sa kanilang pagkalas. Inaasahan na rin ang pagsabog ng kalasag at ang paglipana ng limang elemento sa buong Perlas ng Silanganan. Kagimbal-gimbal ang mga maaaring maidulot ng pagkakamaling ito ng napiit na Musa ngunit abut-abot ang kanyang paghingi ng tawad sa kinikilalang Bathala.

Matapos ang pader, dalawang uri ng liwanag ang nagpasulo sa binatang Kampon. Ang isa ay kumikinang ng puti, na nagmumula sa sagradong tisa ng pinakamataas na pinuno ng mga Pintados, siyang hinulma ng mga mahihiwagang palad ng mga Nimpa. Ang pagdating ng mga Pintados ay naglalayong maisarang muli ang yungib at mapigilan ang patuloy na pagtakas ng mga Kampon. Ang isa pang liwanag ay nagmula sa Bilog na Buwan at tila gintong kayamanang nagpapalamuti sa kalangitan. Ang Buringkantada at ang Nuno ay napabilang sa mga muling napiit sa bilangguan, kapwa buong gulat na masaksihan na ang kanilang hinala ay tunay at nagaganap.

KayumanggiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon