-11- Pagpapalit Ng Puso
Humikab at nag-inat si Legana nang madama ang bukang-liwayway na gumuguhit mula sa bintana ng silid. Itinupi niya ng maayos ang ginamit niyang kumot at saka tuluyang bumangon. Agad niyang nadama ang kalam ng kanyang sikmura, lalo't naaamoy na niya ang dinaing na tawilis sa lamesa ng munting silid. Ang malawak na tahanan ng mga Mandaragat sa dalampasigan ay mayroong magkakahiwalay na kubo na mistulang mga silid na rin para sa mga dayo. Isa sa mga silid na yun ang pansamantalang naging tirahan ng Manggagaway.
"Magandang umaga. Nakahanda ka na ba?" Si Aling Alona pala ang siyang may dala ng ulam. May magiliw siyang ngiti nang masalubong niya ang pupungas-pungas na dalaga.
"Magandang umaga po. Nakahanda para saan?"
May pagtataka sa mukha ng ale. "Ang sabi ni Alon ay lilisan kayo matapos mong mag-agahan. Aakyatin niyo na raw ang bundok. Tamang-tama, aabutin kayo ng gabi doon at yaon ang nararapat na oras para sa iyong pakay."
"Sinabi niya yaon?" Lumabas si Legana ng kubo at hinanap ang Taga-Ilog. Naalala rin niya sa wakas ang sinabi ng binata bago sila maghiwalay kinagabihan. Oo nga, halos isang buong araw daw ang magiging paglalakbay nila patungo sa bundok. Binilinan pa siya nito na huwag na huwag siyang paghihintayin ng matagal.
Pinigil siya ng ale. "Wala pa siya riyan. Natutulog pa siya. Kumain ka na muna at siya'y gigisingin kong muli."
Natigilan si Legana at ngayon ay may ngising namutawi sa kanyang labi. "Maaga pala ha."
Natatawang naupo ang Mangagaway. Bukod sa dinaing na tawilis, mayroon pang nakahandang mainit na sabaw ng halaan. Sabik na kumain ang dalaga, lalo't walang masyadong lamang-dagat sa lupaing kanyang kinalakhan. Minsan ay nakakakain siya ng malalaking dalagambukid, kapag nagdadala sina Akgi mula sa kanilang paglalakbay at pakikidigma.
Hindi niya sinasadyang mabitiwan ang hawong habang napukol ang kanyang mga mata sa hapag—sa kawalan. Mistulang hinahatak ng lupa ang kanyang dibdib sa bigat, at hindi na niya namalayan ang pangingilid ng kanyang mga luha.
Kahit paano nama'y naging mabuti sa kanya ng ilan sa mga Pintados, lalo na ang kanyang ama. Lumapat ang kanyang mga paa sa Hamtik noong unang panahon ng walang kamuwang-muwang lalo na sa pakikipagkapwa sa kabihasnan. Napakaraming mahahalagang batis ang kanyang natutunan mula sa mga maharlika doon. Nagtiyaga kasi ang datu noon na paturuan siya. Inatasan ng datu ang ilang timawang Pintados na bigyan siya ng sapat na pagsasanay upang mamuhay bilang isang maharlika at sa huli'y maging ganap na babaylan ng kanilang nasasakupan
Sadyang nahirapan ang karamihan sa kanyang pagkamusmos. Mapaglaro siya at nabigyang-kulay ng kanyang mga biro ang mga katutubong abala sa araw-araw. Hindi niya malilimutan—at pinanghihinayangan—kung paano niya pinaglalaruan ang mga mandirigma noon, lalo na iyang si Akgi nung ito'y nagbibinata pa lamang. Matanda si Akgi sa kanya ng limang taon at kahit hindi sila magkasundo'y pinipilit ng datu noon na ituring niyang kuya ang mandirigma. Sa halip na makipagkasundo, alaga pa niyang gamitan ng mga munting salamangka—ang ilan sa mga Muktas—ang maguguluhang binatilyo at mapipikon ito dahil hindi niya mapapansing nilinlang lamang siya ng isang ilusyon. Lalong ikinaiinis ni Akgi na hindi niya matagpuan ang siyang may sala. Natawa siya nang dumaan sa isip niya ang mukha ng daranganan nang minsan niyang pakitaan ng muktas berangi ito habang nasa loob ng kasilyas.
Subalit nawala ang ngiti ng Manggagaway nang maisip na maaaring nakikita na siya ng kanyang ama-amahan nang mga panahong yaon, subalit naging matiisin ito at nagawa nitong itago ang kanyang mga paglalaro ng salamangkang itim.
BINABASA MO ANG
Kayumanggi
Fantasy"Pagharap, hindi ang pagbabalik-oras, ang wawaksi sa kabuktutang sumibol mula sa tiwaling pagpili..." Andito na sila, Iba't ibang pinagmulan Iba't ibang adhikain Iba't ibang patutunguhan Ngunit iisang dugo Isang lupain Isang lahi K...