Chapter 6: Tsambahan Lang

61 2 0
                                    


-6- Tsambahan Lang

"Handa ka na ba? Mabilis lamang naman tayo dahil dadaan tayo sa himpapawid, hindi ba?" Si Serapin, matapos mag-ipon ng ilang mga prutas at halamang pagkain na ibinalot niya sa isa sa mga tapis na bigay ni Mariposa.

"Sa palagay ko'y hindi naman ako magiging handang-handa. Alam mo namang hindi ako bihasa." Tugon ni Legana na bahagyang naaasiwa sa mga dalang pagkain ng kaibigan, palibhasa'y nais niyang kumain ng karne.

"At ano, babagsak na lang tayo sa kung saan hanggang sa makarating sa Pinatubo?" Biro ni Serapin.

"Oo. Sana lang hindi tayo mahulog sa bunganga ng bulkan." Seryosong tugon ng Manggagaway. Nanlamig bigla ang Lagalag.

"H—hindi ka nagbibiro?"

Sa halip na tumugon ay nagtanong si Legana, "Sabihin mo nga, marunong ka bang lumangoy?"

"Hindi pa ako nakakalangoy sa tanang buhay ko, Legana. Inuulit ko, nagbibiro ka ba? Tsambahan na naman ba ang lakad nating ito?!" Hiyaw ni Serapin. Namula lang si Legana at mahiyaing yumukod ng pagsang-ayon.

Napakibit-balikat si Serapin at saka idinugtong, "Ganun ba? Sige lang. Mabubuhay pa naman siguro tayo."

"Hindi namamatay kaagad ang masasamang damo." Bulong ni Legana kasabay ng isang ngiti.

"Hindi naman tayo mga damo." Nagtaka ang binatang Kampon.

Napakunot ang noo ni Legana, "Minsan sobrang dunong mo. Minsan naman nakakatawa ka. Tena't mag-uumaga na." Tumayo si Legana sa may pampang. "Naipalabas ko na ito nang nakaraan e. Hindi naman siguro ako bibiguin ngayon." Pumikit siya. Napaatras si Serapin, lalo't nakaramdam siya ng bahagyang panghihina ng mga kalamnan, habang nag-uumpisang magdilim ang paligid ng Manggagaway. Lumakas ang ihip ng hangin. Muling lumalim ang kaniyang mga mata. Wangis na rin ng mga munting punyal ang kanyang mga kuko. Nag-umpisa ng mangamba si Serapin at para bang nanlalambot, wari'y hinuhugot ni Legana ang kanyang angking lakas sa hindi maipaliwanag na paraan.

Ang tawang yaon. Ang kanyang nakaririnding hagikhik. Ang hindi maunawaang bulong mula sa mga labi ng nagising na Manggagaway na unti-unting bumuo ng mga salitang, "Ang walis ng paglalakbay." Namulat si Legana.

Ang totoo'y hindi isang walis ang lumabas sa kanyang mga palad kung isang tungkod na may palamuting pangil at ilang matutulis na bato. Iwinasiwas ito ni Legana at saka sinakyan. "Halika na. Hindi ko maipaliwanag, ngunit sa palagay ko'y mas lumalakas ako habang nandyan ka."

Bumangon si Serapin mula sa pagkakaluhod. "Marahil ay pinaghahatian natin ang kakarampot na liwanag mula sa buwan, dahil nga hindi bilog ito. Ngayong kapwa pala tayong Kampon, sa palagay ko'y dapat ng umigting ang pagiging magkasangga natin sa bawat pakikipagsapalaran dito sa kapuluan." Sumakay siya sa likuran ng Manggagaway at muling nagwika, "Mas matino naman ang anyo nito kaysa sa isang walis."

"Madaldal ka rin pala." Mabilis ang mga pangyayari. Para bang hinatak sila ng kamay ng langit, napakatulin, at tuluy-tuloy na ang kanilang paglalayag sa madilim na himpapawid.

SA MINDORO. Madilim pa ay nakabihis na si Pirela, ang Dakilang Babaylan ng mga Mangyan. Nang makuntento sa pagkakataas ng kanyang buhok gamit ang ilang sanga ng makikintab na kahoy, maingat niyang ipinutong ang huling palamuting pinagdugtong-dugtong na makukulay na piraso ng kahoy at bato sa kanyang noo, na siya namang lumalaylay ng masining sa kanyang pisngi at leeg. Tumayo siya at inayos ang pagkakatupi ng kanyang hinabing tapis, hinigpitan ang taling kumakapit sa kanyang baywang bilang sinturon. Nagtungo siya sa kanyang higaan at kinapa sa ilalim ng kanyang papag ang isang pinagtiklop-tiklop na tela. Napangiti siya nang buklatin ang tela, at kuminang ang isang pares ng hikaw, yaong yari sa ginto at ilang brilyante at perlas. Kapansin-pansin ang nangaglawit na malalaking batong resin na magkaparehas ang sukat, lalong kumikinang sa dilaw kapag nadaraanan ng ilaw ng gasera. Ikinabit niya ng maingat ang mga hikaw sa kanyang tainga at muling nasiyahan nang malamang bagay sa kanya ang maharlikang pares. Isinakbat niya ang kanyang arnis—dalawang matibay na patpat na kapwa nababalot ng isang telang sisidlan—at saka hinipan ang gasera at lumabas ng kanilang kubo.

KayumanggiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon