-12- Muling Pagkikita
Napawi ng tuluyan ang nakabubulag na liwanag. Nag-iwan ito ng mistulang hamog sa paligid ng latian. Gaya pa rin ng nakaraang sandali'y walang anumang ingay ang bumasag sa mahaba-habang katahimikan.
Sa wakas, nag-umpisa ng sumutsot ang mga siit sa paligid. Nagsayawan na ang mga kawayan sa di-kalayuan habang sumisipol ang hanging amihan.
Mahinang umungol si Alon, ang kanyang mga talukap ay labis ang bigat upang masaksihan niya ang naganap matapos ang kumalat na liwanag. Nang tuluyang mabuksan ang kanyang mga mata, sinubok naman niyang iunat ang kanyang mga kalamnan hanggang sa tuluyan siyang makaupo sa nanuyong bahagi ng latian. Tumingin siya sa kanyang paligid habang pinipispis ang mga natuyong dahon sa kanyang buhok at balikat, ang gabok sa kanyang tuhod at mga siko.
"Legana? Minana?" Aniya sa paos niyang tinig. Hindi niya maalala kung nagsisigaw ba siya ng nakaraang sandali upang maubusan ng kanyang tinig. Napansin niyang nasa labas na pala siya ng kubo. Lalong dumilim sa paligid. Latag na latag na pala ang gabi.
"Legana? Minana?" Pag-uulit niya. Umalingawngaw lamang sa kawalan ang kanyang tinig. Maging ang kanyang pamingwit ay hindi niya masipat sa masukal na lapag. Nanuyo rin ang kanyang lalamunan nang mapansing walang laman ang kanyang sisidlan ng tubig.
Kinakabahan na siya. Sa loob ng mahabang panahon ng kanyang pagiging mandrigma at manlalakbay ay ngayon lamang siya nakadama ng gayon katinding kaba. Wala siyang pinanghahawakang sandata sa kasalukuyan at takot na rin siya sa kung anumang naganap kina Legana at Minana. Kinakabahan siya subalit hindi siya pinagpapawisan. Lalo tuloy nawala ang kumpiyansa niya sa kanyang sarili.
Hindi na siya sumigaw pang muli. Sa halip ay sinuyod niya ang masukal na latian. Maging ang mga uwak ay naglahong parang bula.
Anong nangyari? Pilit niyang pinipiga ang kanyang isipan. Inilapat ni Legana ang kanyang mga palad sa aklat at kumalat ang nakabubulag na liwanag. Yaon lamang ang kanyang naaalala. Yaon lamang naman talaga ang naganap bago siya tuluyang nawalan ng malay.
Ngunit nasaan na sila?
Nagpanting ang kanyang mga tainga. Urok. Tama, isang urok ng uwak. Subalit hindi na ito naulit pa. Pilit niyang hinanap ang pinagmulan ng nasabing urok. Nakatulong ng kaunti ang alingawngaw nito subalit itinuro lamang siya sa kawalan habang nagpaikut-ikot siya sa buong latian.
Naiiyak na siya. Ngayon naman ay idiniin niya sa sarili ang pagsisisi. Nakasalalay sa kanya ang kaligtasan ng dalawang kababaihan. Isinuko siya ang kanyang kakayahan upang matulungan si Legana sa pagtupad sa kanyang hangarin. Hindi niya rin mapapatawad ang kanyang sarili kung may mangyaring masama kay Minana. At sa nagbabadyang kabiguan, hindi na rin niya matutupad ang kanyang hangarin kaugnay kay Radha—ang siyang talagang nagbukas ng Piitan ng Kampon.
Naupo siya sa isang malapad na bato sa tabi ng puno ng bakawan. Ibinagsak niya ang kanyang ulo sa nanginginig niyang mga palad.
Wala na siyang kalaban-laban.
Napabalikwas siya nang maulinigan ang isa na namang urok. Sa pagkakataon ito, hindi na tumigil sa pag-iingay ang itim na ibon. Nahuli niya ng tingin ang uwak sa ibabaw ng isang puno at agad siyang nagtatakbo upang habulin ang pagpagaspas nito.
Tumigil muli ang urok ng uwak. Nanigas ang buo niyang katawan ng marating ang pusod ng latian.
At binigla siya ng mas maraming ingay ng mga itim na ibon na nagmumula sa kanyang likuran.
Nanginginig siya at tuluyang umurong ang kanyang dila. Mabilis ang kabog ng kanyang dibdib at pigil na pigil ang likaw ng kanyang leeg na lingunin ang nilalang sa kanyang likuran.
BINABASA MO ANG
Kayumanggi
Fantasy"Pagharap, hindi ang pagbabalik-oras, ang wawaksi sa kabuktutang sumibol mula sa tiwaling pagpili..." Andito na sila, Iba't ibang pinagmulan Iba't ibang adhikain Iba't ibang patutunguhan Ngunit iisang dugo Isang lupain Isang lahi K...