Chapter 14: Pagpipinid

90 2 0
                                    

-14- Pagpipinid

Kiniliti ng agos ng ilog ang tainga ng binatang Mandaragat. Ito ang pinaka-nakakahumaling na musika ng kalikasan para sa kanya, halos langit kung tutuusin. Kaya madalas siyang tahimik, nakapagpaluwag ng kanyang kalooban ang pagsasayaw ng tubig.

Nakangiti si Alon sa kanyang pagkamulat, kaiba sa anyong nakakapangilabot nang siya'y pinamamahayan pa ng ik-ik nang gabing nagdaan. Sumalubong sa kanya ang liwanag ng umaga, at nang aninagin niya ang mga kulay ay sumalubong sa kanya ang isang magandang hubog ng kalikasan.

"Gising ka na pala. Inakala kong ikaw ang huling magigising, sa tindi ng pinsalang iyong natamo." Mataas ang kanyang tinig at may tono ng pagiging isang pinuno. Hindi napigilan ni Alon ang pagngiti.

Bumangon ang binata at sinubok na ilapat ang kanyang mga paa sa lapag. Pinigilan siya ng dalaga, "Huwag mong pilitin ang iyong sarili. Wala namang dapat ipagmadali. Tapos na ang suliranin sa ating kapuluan."

Natawa si Alon. Agad niyang inabot ang salakot mula sa kanyang ulunan at muling sinuubukang tumayo. "Alam ko. Hindi magiging ganyan kaligaya ang ilog kung may suliranin pa ang kalikasan. Sayang at hindi ko nasaksihan ang wakas."

"Hindi pa tayo nagkakakilala ng pormal." Iniabot ng dalaga ang kanyang kamay sa nakangiting Taga-Ilog. "Ako nga pala si Haraya."

"Ang binibining mandirigma ng Sambales. Sa tinig pa lamang ay puno na ng tapang. Kaya naman pala. Alon." At nagdaop ang kanilang mga palad bilang paggalang.

"Haraya." Binasag ng tinig mula sa labas ang musika ng Ilog Irong-Irong. Kapwa lumabas ng kasko sina Haraya at Alon. Namangha ang Taga-Ilog sa kanyang nakita, at napangiting tama ang kanyang hinala, na siya'y nagbalik na sa kanyang paraiso.

Pinagmasdan niya ang ilog at ang mga sumasayaw na karpa sa paligid. Sinanghap niya ang hangin, at malakas ang samyo ng waling-waling sa paligid. "Mahalimuyak ang paligid."

"Mabuti't gising ka na." Saad ni Irok, at tumayo sa kanyang tabi si Haraya. Agad na inilibot ni Irok ang kanyang braso sa balikat ng dalaga.

May kung anong gumusot sa dibdib ni Alon. Nawala ang kanyang ngiti at muli siyang yumukod sa likod ng kanyang salakot. "Salamat."

"Walang anuman. Ngayong magaling ka na, maaari na kaming magbalik sa aming tirahan. Batid kong mas masaya kang mamuhay ng mag-isa." Saad ni Irok.

"Malaki ang aking utang na loob sa inyong dalawa, kung gayon." Yumukod ng pasasalamat ang binatang Mandaragat.

Napayuko sa hiya si Haraya. "Naku, hindi, Alon. Ang totoo'y pinababa lamang ng aking pagpupunas ang iyong lagnat subalit si Mariposa ang siyang gumawa ng paraan. Hinintay lamang namin ang iyong paggaling at nagpapasalamat kaming dumating ito ngayon."

"Nag-uumapaw pa rin ang aking pasasalamat."

"Lilisan na kami. Kung sapat na ang iyong lakas, dumalo ka sa pagtitipon bukas ng gabi." Lumapit si Irok kay Alon upang himasin ang balikat nito bilang pagpapakita ng pagiging magkasangga. "Yaon ay isang parangal para sa mga bayani ng digmaan. Ikatutuwa ng sangkababaihan—ng sangkatauhan—ang iyong pagdalo."

Sa dalagang Paraguwana nakapukol ang mga mata ni Alon. "Magkikita pa pala tayo."

Kapwa yumukod ang magkatipan bago nila tuluyang lisan ang paraiso ng tinaguriang Taga-Ilog.

Nang makalayo at nang madama ni Irok na wala ng mauulinigan pa ang Taga-Ilog sa kanilang pinag-uusapan, nagwika siya, "Mukhang may ligaya na sa katauhan ng mandaragat."

Hindi napigil ni Haraya ang kanyang pagngiti. "Natutuwa akong makita siyang gayon. Ilang araw na nating ipinag-aalala ang kanyang kalagayan. At isa pa, wari'y wala siyang naaalala ukol sa Musa."

KayumanggiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon