-1- Pagbubukas
Kagimbal-gimbal na karimlan.
Isang yungib na nagmimistulang kulungan, ang nagsisilbing luklukan ng kasamaan sa buong kapuluan o ang Piitan ng Kampon ay naipinid sa loob ng ilang dantaon. Ang yungib na ito ay matatagpuan sa isla ng Panay, isang islang napapagitnaan ng dalawang higanteng pulo: Luson at Mindanaw, kasama ang iba pang pulo sa buong Kabisayaan. Ang kuwebang ito ay masugid na binabantayan ng siyang nagpinid dito, ang mga katutubong Pintados at ang mga kababaihang isinugo ni Bathala, ang mga Diwata.
Sa paglaganap ng mga nanghahasik-lagim o mga Kampon sa buong kapuluan, nilipon ni Bathala ang mga pinakamahuhusay at pinakamagigiting na mga mandirigma at mangangaso sa kanyang nasasakupan at saka binigyang-tahanan sa mga kakahuyan sa kabundukan sa Panay, na noo'y lumiligid sa dating Lambak ng Hamtik. Ang mga nilalang na ito ay biniyayaan ni Bathala ng naiibang kakayahan at tungkulin, kaakibat ang mga Diwata (na siya namang mababanggit sa paglaon ng bahaging ito). Ang mga katutubong nalipon ay binalutan ng malilikhaing mga larawan sa buong katawan, na ayon sa alamat ay iginuhit mismo ng mga palad ng Kataas-taasang Pinuno ng Kalikasan na ang tanging layunin ay ang ibaba ang antas ng kapangyarihan ng Kampong maliligid sa kanila upang mas madaling bunuin at sa wakas, iwaksi ng tuluyan. Ang mga katutubong magigiting, di naglaon, ay binansagang mga Pintados-mga Pinturado ng Diyos. Ang kanilang tungkulin ay ang iwaksi ang lahat ng Kampon, kasangga ang mga Diwata ng Bathala.
Ayon sa mga Tableta ng Katotohanan na itinala ng mga Agta, mga kinikilalang Anak ng Austronesya, mayroong apat na uri ng Diwata sa buong kapuluan. Dalawa rito ay may taglay na kapangyarihang naaayon sa kagustuhan ni Bathala, ang isa'y walang kapangyarihan kundi labis na kaalaman at ang huli'y matagal nang itinakwil ng Pinuno ng Kalikasan at ng buong sangkatauhan subalit mayroong napakalakas na uri ng salamangka. Ang mga Nimpa ang pinakamataas na uri ng mga Diwata na may sariling pinagkukunan ng salamangka-Salamangkang Puti-na maaring gamitin kahit saan, kahit kailan, basta't naaayon sa kagustuhan ni Bathala. Mga Musa naman ang bansag sa mga Diwatang instrumental. Sila ay ang mga kinakailangang gumamit ng anumang uri ng tulay para maisakatuparan ang kanilang mga layunin, ang paggamit ng Salamangkang Puti. Ikatlo ang mga Babaylan, hindi halos itinuturing na Diwata dahil sa kawalan ng imortalidad tulad ng unang dalawang pangkat, subalit kinikilala na rin sapagkat ang pagkakaroon nila ng labis na kaalaman ukol sa iba't ibang penomena sa buong kapuluan ay kanila namang ginagamit sa kapakanan ng kalikasan at ng buong sangkatauhan. Di man sila sing-makapangyarihan ng unang dalawang grupo, sila ay may tuwirang paraan ng pakikipag-usap sa mga Nimpa gamit lamang ang kanilang mga kaisipan. Sa lahat ng mga Babaylan sa kapuluan, mayroong ilan na may kakaibang kakayahan gaya ng pag-iiba ng anyo. At ang huli, ang mga Manggagaway na tuluyan nang hindi itinuturing na kabahagi ng salinhali kundi iwinawaksi na rin sila gaya ng mga Kampon (ang totoo'y Kampon na rin ang pagkakilala sa kanila ng buong kapuluan). Isang kasunduan sa pagitan ng mga lapastangang Diwata at mga Kampon ang tuluyang nagwakas sa pagkilala ng buong kapuluan sa kanila. Naging palalo naman ang mga Manggagaway dahil di-maitatangging sinlakas nila ang mga Nimpa, kung kaya't di na sila nagmakaawang magbalik-loob kailanman. Sila na ngayon ang mga bihasa sa Salamangkang Itim, ang kanilang pansalungat sa mabuting kapangyarihan ng mga makakalikasan.
Kapwa sinagupa ng mga Diwata (ang unang tatlong uri) at ng mga Pintados ang mga Kampon sa loob ng maraming dantaon. Subalit ang karamihan sa mga Kampon (ngayo'y kabahagi na ang mga Manggagaway) ay mayroong higit na kakayahan, hindi man imortal ngunit mistulang hindi tinatablan ng anumang salamangka sapagkat pambihira ang kanilang pantanggol sa kanilang sarili at sa kanilang mga kauri. Ito ang dahilan ng balak na pagpiit sa lahat ng mga halang ang kaluluwa. Ang kalaliman ng noo'y lambak sa Hamtik ang naging dahilan ng pagpili dito bilang pagkakulungan ng mga Kampon. Nang mga panahong yaon, lumikha si Bathala ng isang kuweba sa kanlurang bundok ng lambak kung saan mayroong lagusan patungo sa kaibuturan ng maalimuom na lambak. Isinara Niya ang lambak at sa huli'y nagmistulang patag na kagubatang may kuweba sa marami.
BINABASA MO ANG
Kayumanggi
Fantasy"Pagharap, hindi ang pagbabalik-oras, ang wawaksi sa kabuktutang sumibol mula sa tiwaling pagpili..." Andito na sila, Iba't ibang pinagmulan Iba't ibang adhikain Iba't ibang patutunguhan Ngunit iisang dugo Isang lupain Isang lahi K...