Chapter 5: Aminan

72 2 0
                                    

"Llegana? Legana!" Hiyaw ni Serapin. Iginala ng binatang Kampon ang kanyang mga mata sa paligid. Walang sinuman ang naroroon ngunit batid niyang hindi maglalaon at maaabutan din sila ng Anak-Araw. Paulit-ulit niyang tinapik at niyugyog ang dalaga ngunit hindi pa rin ito nagmumulat ng mga mata.

"Pakiusap, Legana, gumising ka!"

Hindi pa rin natinag ang dalaga. Humihinga siya at malakas pa rin ang tibok ng kanyang puso subalit hindi siya tumutugon sa anumang pagpilit ng binatang Kampon. Tumayo si Serapin upang subukin ang paghanap ng tulong subalit naalala niyang walang sinuman ang maghahangad ng kanilang kaligtasan. Naupo siyang muli sa tabi ng nakahimlay na dalaga at nagwika, "Pisilin mo ang aking kamay kung naririnig mo ako, pakiusap. Buksan mo ang iyong mga mata!"

Mangiyak-ngiyak na ang binata. Sa pagkakataong ito'y hindi niya nalalaman ang dapat gawin. Ang pagnanais niyang mabuhay si Legana ay mukhang gaya ng pagnanais niyang mabuhay sa mundong ibabaw.

Hindi, hindi ako magiging mag-isa muli. Ayoko.

"Hindi ko inisip na ganito ang magaganap. Patawad. Dahil sa pagiging walang silbi ko sa umaga'y ikaw naman ang napahamak. Mahalaga ka sa akin, sana'y sapat na yaon upang gumising ka." Pabulong niyang saad habang pinipigil ang pagpatak ng sariling luha. Itinuring na niyang kasangga ang dalaga sa kapuluang hindi niya kilala. Ganoon na kalaki ang kaniyang tiwala dito, sa kabila ng maiksi nilang pagsasama bilang magkaibigan.

Tanging lawiswis ng kawayan ang tumugon sa kanyang pagsusumamo. Ngayon nama'y binuhat niya si Legana, pinatibay ang kaniyang mga bisig upang kayanin ang paghahanap ng tulong habang karga ang dalagang walang malay. Ang inakala niyang lawiswis kanina lamang ay kaluskos pala.

Batid na niya ngayon na may nagmamasid sa kanila, "Alam kong nariyan ka." Nilaksan ng binata ang kaniyang tinig. "Hindi ko alam kung paano kita haharapin sa kalagayan naming ito," inilapag niya ng marahan ang dalaga sa buhangin at tumindig sa gitna ng dalampasigan.

Huminga ng malalim si Serapin at nagwikang muli. "Ang nalalaman ko lamang ay hindi kita mapapatawad sa ginawa mo sa kaniya."

"Isa kang Lagalag, walang tuwid na landas. Anong mapapala sa iyo ng itinatanging babaylan?" Si Liyab, nananatiling lisik ang mga mata habang nagwiwika. Sinundan niya ang pangungusap ng malutong na halakhak. "Nasisiyahan ako, dahil malamig ang simoy ng hangin sa banda rito."

Napaigtad si Serapin nang sugurin siya ng nagbabagang apoy mula sa kamay ng Anak-Araw. Kinabahan siya, lalo't baka mahagip ang natutulog niyang kasangga.

Gumising ka na, Legana, utang na loob.

Nag-isip ng malalim ang binata.

Kung gayon, lumalakas ang apoy sa tuwing nag-iisip siya ng malamig.

"Malamig sa banda rito?" Anang binata.

Tumugon si Liyab, "Nakapanginginig." Lalong lumakas ang apoy. Napangiti ang binatang Kampon. Maya-maya'y humagikhik na siya. Nagtaka naman si Liyab sa biglang asal ni Serapin.

"Bakit ka tumatawa?" Nagtatakang usisa ng Kalasag ni Ayo.

"Wala." Lalo pang lumakas ang tawa ng binatang Kampon.

"Dahil ba sa ikinukubli mong kakayahan pagsapit ng gabi? Tanghali pa lamang, binata." Hula ni Liyab.

Tumawang muli ang kausap. Halos hindi niya mabuo ang "hindi" dahil sa katatawa.

"Kung gayon, ano?!" Nagalit si Liyab. Maya-maya'y pinagpapawisan na siya.

"Ang iyong kaanyuan, ang iyong naisin, lahat yaon ay nakakatawa." Paliwanag ni Serapin na halos maubusan ng hininga sa paghalakhak.

KayumanggiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon