~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
Mga Pangunahing Pangkat ng Lahing Kayumanggi
Ang lahat ng pangkat sa kapuluan ng Lahing Kayumanggi ay sumusunod sa Kodigo, at may malakas na paniniwala sa Tableta ng Katotohanan. Pinamumunuan ang bawat pangkat ng isang Datu, at sinusundan ng tatlong pinakamalalakas at pinakamatatalas ang kaisipan, sumunod sa kanilang pinuno. Ang Daranganan, o ang punong mandirigma ng pangkat, ay ang pinakamalakas na nilalang kung pagbabasehan ang dami ng kaniyang napatumba sa labanan. Hawak niya ang lahat ng mandirigma at alipin sa kanilang nasasakupan at labis siyang kinatatakutan ng lahat ng nakatira rito dahil sa angkin niyang lakas at kakayahan. Ang Babaylan, na kabahagi rin ng mga Diwata, ay ang pinakamahusay at pinakamalakas na babae sa pangkat. Nakakubli lamang ang babaylan sa loob ng kubo ng anito upang dasalan ito ng walang tigil subalit isa siya sa mga tinatawagan sa tuwing magkakaroon ng matinding pagkasira sa kaayusan ng pangkat. Ang Umalohokan, o ang punong tagapamalita, ay ang may pinakamaraming nalalaman ukol sa kasaysayan, sa kodigo at sa nilalaman ng Tableta ng Katotohanan. Trabaho niya ang paghahatid at pagkalap ng tamang kaalaman sa buong pangkat at minsan, maging sa buong kapuluan. Ang lahat ng sumusunod sa angking kapangyarihan ng mga pinunong ito ay nagmimistulang payak na timawa lamang at hamak na alipin sa loob ng kanilang tribo.
Mangyan
Bagama't mga dayo mula sa Borneo, sila ang itinuturing na pamantayan ng lahat ng katutubo sa kapuluan. Kilala man sila noon bilang mga "Malay", sa kasalukuyan ay niyapos na nila ang ngalang Mangyan, pinaiksing "Marangyang Mamamayan". Sinusundan sila hindi lamang sa anyo (ang pagkakaroon ng kayumangging balat, tuwid at itim na buhok at katanamang taas), kundi maging ang pagiging matuwid sa anumang nasusulat sa Kodigo. Naninirahan din sila sa sentro ng kalakalan sa buong kapuluan, ang Mindoro. Hindi man sila ang pinakamayamang pangkat sa kapuluan, itinuturing silang marangya dahil sa kanilang dunong at lakas ng puwersa ng kanilang mga mandirigma. Sa Agta nagmula ang Kodigo ngunit mas naging mahigpit ang mga Mangyan sa pagpapalakad ng mga nasusulat dito. Hindi na kataka-takang sa kanila umusbong ang unang soberanya.
Agta
Mga kinikilalang Anak ng Austronesya, ang mga Agta ay bantog bilang isa sa mga tribong pinaka-unang nanirahan sa kapuluan. Sa katunaya'y sila ang angkang namuhay sa lupain kasunod ng mga namamahay sa Kweba ng Tabon sa Paraguwa. Nasa kanila ang pinakamahahalagang tala ng kasaysayan, ang mga Tableta ng Katotohanan. Sa mga malalaking tipak na bato na ito iniukit ang mga mahahalagang pagbubunyag ukol sa pamumuhay ng mga katutubo sa buong kapuluan kung kaya't marami ang nagbubuwis ng buhay upang pangalagaan ang mga batong ito at maging yaong mga nagnanais na makuha ang mga bato. Ito ang dahilan kung bakit hindi na natinag ang pagtira ng mga Agta sa nakagigimbal na Bulkang Pinatubo.
Ang pinakamatandang Agta ay kilala bilang si Keral, na siyang tumanda na ng husto kung kaya ipinamana na niya ang trono ng pagiging pinuno ng Sambales sa kaisa-isa niyang anak na si Barak. Kakaiba ang kaayusan ng mga pinuno ng Agta. Si Datu Barak ang siyang pinuno ng mga Agta sa Sambales, at ikakasal siya sa pinakamahusay na mandirigma sa buong pangkat—at itinuturing na rin nilang babaylan—si Haraya. Ang kanilang umalohokan at ikalawang pinuno ng hukbo ay si Irok na isang tubong Sambales naman.
Pintados
Sa paglaganap ng mga nanghahasik-lagim o mga Kampon sa buong kapuluan, nilipon ni Bathala ang mga pinakamahuhusay at pinakamagigiting na mga mandirigma at mangangaso sa kanyang nasasakupan at saka binigyang-tahanan sa mga kakahuyan sa kabundukan sa Panay, na noo'y lumiligid sa dating Lambak ng Hamtik. Ang mga nilalang na ito ay biniyayaan ni Bathala ng naiibang kakayahan at tungkulin, kaakibat ang mga Diwata (na siya namang mababanggit sa paglaon ng bahaging ito). Ang mga katutubong nalipon ay binalutan ng malilikhaing mga larawan sa buong katawan, na ayon sa alamat ay iginuhit mismo ng mga palad ng Kataas-taasang Pinuno ng Kalikasan na ang tanging layunin ay ang ibaba ang antas ng kapangyarihan ng Kampong maliligid sa kanila upang mas madaling bunuin at sa wakas, iwaksi ng tuluyan. Ang mga katutubong magigiting, di naglaon, ay binansagang mga Pintados—mga Pinturado ng Diyos.
BINABASA MO ANG
Kayumanggi
Fantasy"Pagharap, hindi ang pagbabalik-oras, ang wawaksi sa kabuktutang sumibol mula sa tiwaling pagpili..." Andito na sila, Iba't ibang pinagmulan Iba't ibang adhikain Iba't ibang patutunguhan Ngunit iisang dugo Isang lupain Isang lahi K...