-8- Makulay Na Balahibo
Maliwanag na ang langit subalit hindi pa rin nakakabalik si Pirela. Pinilit pa rin ni Ayman na pataasin ang kanyang tiwala sa minamahal. Pihadong hindi niya sinukuan ang halimaw at hindi tinantanan kahit pa umabot ng umaga.
Ngunit labis na. Ilang oras na lamang ay magluluto nang muli ng almusal ang matandang alipin ng liwasan. Maging ang datu ay hindi na mapakali sa matagal na pagkawala ng kanyang anak na dalaga.
Hindi na nakatiis si Ayman. Habang nahihimbing ang kapatid ay lumapit siya sa datu at naglahad ng kanyang mungkahi. "Mahal na Datu, kung inyong mamarapatin, hahanapin muna namin ang Babaylan bago kami umuwi ng Magindanaw. Ituring niyo na lamang itong paraan ng pagpapasalamat sa pagdiriwang ng nakaraang gabi."
Napagaralgal ang datu bago ito tuluyang magwika, "Mayroon kaming mga mandirigmang nakalaan upang hanapin siya. Hindi niyo na kailangang magpagod para dito."
"Ngunit—"
Kapwa sila natahimik sa loob ng ilang saglit. Bakas na bakas sa mukha ni Ayman ang pag-aalala. Kung wala lamang ang datu sa kanyang harapa'y kanina pa siguro tumulo ang luha nito.
Maya-maya'y nagulantang ang mga mandirigma sa malagong na tinig ng datu, "Magsilabas muna kayo. Prinsipe Ayman, maiwan ka at mayroon tayong pag-uusapan."
Nang malinis ang maharlikang tahanan ng datu, naupo siyang muli habang nanatiling nakayukod ang binatang Moro sa kanyang harapan.
Inumpisahan ng datu ang malalim na usapan. "Hindi mo na kailangang magkubli. Matagal ko ng alam."
Umiling si Ayman. "Hindi ko po maunawaan ang inyong sinasabi."
"Kahit pa pagbawalan kitang hanapin ang aking anak, alam kong ibubuwis mo ang iyong buhay para lamang mahanap siya." Malalim ang hugot ng datu sa bawat katagang binibitiwan niya sa harapan ng binatang Moro. "Inuulit ko, matagal ko ng alam. Hinihintay ko lamang ang pagkakataong handa na kayong sabihin sa akin ang katotohanan."
"Ngunit—Paanong—?"
Ikinaatras ni Ayman ang biglang pagtindig ng datu mula sa kanyang kinauupuan. "Prinsipe Ayman ng Magindanaw, pakiusap, hanapin mo ang aking anak. Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang mapaliwanagan ang iyong maharlikang Sultan." May tila ba guhit ng ngiti at pagtitiwala sa mga labi ng datu ng mga Mangyan.
Maluha-luhang nabuhayan ng loob si Ayman. Hinugot niya ang kanyang kalis at magalang na lumuhod sa harap ng datu. "Isinusuko ko ang aking kalis upang mailaan lamang sa kaligtasan ng inyong anak, Mahal na Datu. Gagawin ko ang lahat upang matagpuan si Pirela—ang inyong Dakilang Babaylan."
"MADALI, GUMISING KA Sari, mayroon tayong mahalagang tungkuling dapat gampanan." Inugoy-ugoy ni Ayman ang kapatid na napasarap ang himbing sa inilaang silid para sa mga bisita.
"Manok~ Halika dito, halika~" Sabay hagikhik habang patuloy na ngumingiti si Sari sa kanyang pagtulog.
"Anak ng pitumpung manok, gumising ka na nga!" Hiyaw ni Ayman. Pupungas-pungas na napabalikwas si Sari nang marinig ang sigaw. Agad na sinabi ni Ayman ang naganap kanina sa tahanan ng datu.
Kusot ng mata sabay tanong, "Anong gagawin natin?"
Ngumiti si Ayman, "Basta't magmadali ka."
Nagtatakbo ang magkapatid palabas ng tahanan ng datu at nang marating ang pusod ng gubat, humarap si Sari sa kalangitan, niyakap ang kanyang sarili at saka pumikit.
BINABASA MO ANG
Kayumanggi
Fantasy"Pagharap, hindi ang pagbabalik-oras, ang wawaksi sa kabuktutang sumibol mula sa tiwaling pagpili..." Andito na sila, Iba't ibang pinagmulan Iba't ibang adhikain Iba't ibang patutunguhan Ngunit iisang dugo Isang lupain Isang lahi K...