-9- Mistulang Dilag
Maliwanag na ang langit nang matapos ni Irok ang ginagawang mapa. Humikab siya at nag-inat at saka inilabas ang pinintang mapa sa labas ng bahay upang patuyuin. Nakatulog na si Legana sa kanilang papag, habang ikinukumot ang balabal ni Haraya. Pupungas-pungas pa si Haraya nang mapansin ang bisita sa papag.
"Naku ka talaga, Huwan, hindi mo lamang dinala itong si Legana sa aking silid." Nag-unat si Haraya ng kanyang butu-buto at saka lumuhod sabay buhat sa dalagang nahihimlay sa papag. Hindi naman nabigla o nagising itong si Legana. Walang kahirap-hirap na dinala ni Haraya ang babae sa loob ng kanyang silid, kinumutan ito at saka nag-umpisang maghanda ng agahan.
"Ano itong nakabilad sa labas?" Usisa ni Haraya.
Si Irok ang tumugon, habang humihigop ng mainit na kakaw. "Isang mapa. Maglalakbay si Legana at iginawa ko siya ng mapa kagabi."
"Saan naman siya magtutungo?" Hindi natahimik si Haraya.
Pagod na si Irok upang magsalita pa kaya parang tamad niyang winika ang, "Pauwi sa kanila."
"Ang akala ko ba'y ulila na siyang lubos?"
"Mahabang kuwento. Inaantok na ako, Haraya. Hindi pa ako natutulog simula nung manguha ako ng gulay sa kakahuyan." Dumiretso si Irok sa sarili nitong silid.
"Wala ka namang nabitbit na gulay eh. Bukod doon, wasak pa ang karitela nang iuwi mo dito." Sinundan siya ni Haraya. Humiga si Irok at naupo naman ang babae sa may dulo ng papag.
Ngumiti ang dalaga sa kanya at sinabing, "Samahan na lamang natin siya, Irok. Gusto ko ring maglakbay."
Nakapikit na ang binata ngunit tumugon pa rin ito, "Tatawid siya ng dagat, Haraya. Hindi magiging madali ang lahat. Naaalala mo pa naman siguro ang pinagdaanan natin patungo rito."
Napatingin si Haraya sa labas. Ngumiti siya habang pinapalutong ang kanyang mga kamao. "Yun nga e. Mas naaaliw ako ng gayon. Sawa na ako sa buhay sa kabihasnan. Gusto ko ng magbalik sa pakikipagsapalaran."
"Hindi mo gugustuhin ang lalakarin niyang si Legana. Masyadong masalimuot. Maging siya ay hindi tiyak sa kanyang tatahakin." Bumangon na si Irok. Umiling naman si Haraya, "Hala, lalong kailangan natin siyang samahan. Mga mandirigma tayo, hindi naman yata gayon kalakas iyang si Legana. Kailangan niya ang ating lakas." Hindi pa rin matigil si Haraya.
"Hay, huwag ka na ngang maurat. Malakas si Legana, higit pa sa iyong inaasahan. Saka hayaan mo, magkikita-kita rin tayo balang araw. Sa ngayon, pabayaan mo na siyang maglakbay mag-isa." Saad ni Irok.
"Sandali." Natigilan sa wakas ni Haraya. Subalit tila ba may pangamba sa kanyang mukha. Mabilis siyang tumakbo patungo sa kanyang silid. Tama nga ang kanyang hinala. Si Legana, maging ang mapang nakabilad, ay hindi man lamang nag-iwan ng bakas sa kanilang tahanan sa kabihasnan.
"Ni hindi ko nadinig na napinid ang pintuan. Anong klaseng nilalang ba ang iyong bisita, Irok?" Ani Haraya nang maramdaman si Irok na nakatayo sa kanyang likuran.
"Isang malakas na manlalakbay." Lumabas si Irok ng tahanan at inilapat ang kanyang palad sa lupa. "Madaya, inasahan ko pa namang kakalyuhin ng matindi ang kanyang mga paa." At saka niya tinanaw ang nagsasayawang mga ulap sa kalangitan.
NAALIMPUNGATAN si Serapin nang maramdaman ang kalabit ni Haring Araw sa kanyang pisngi. Marahan siyang bumangon at inunat ang mahahabang niyang binti. Naroon pa rin ang kirot ng nakaraang tunggalian at mahaba-habang paglalakbay. Nangangapal na ang kanyang talampakan at dama na niya ang namumugad na alikabok sa kanyang mukha. Agad siyang humanap ng isang malinis na sapa. Nang madinig ang malakas na agos ng tubig sa di-kalayuan, mabilis niyang tinakbo ang patungo doon at napangiti nang matagpuan ang mala-salaming sapa.
BINABASA MO ANG
Kayumanggi
Fantasy"Pagharap, hindi ang pagbabalik-oras, ang wawaksi sa kabuktutang sumibol mula sa tiwaling pagpili..." Andito na sila, Iba't ibang pinagmulan Iba't ibang adhikain Iba't ibang patutunguhan Ngunit iisang dugo Isang lupain Isang lahi K...