-10- Dalampasigan
Hirap na naman ang dibdib ni Serapin nang magbalik sila sa kabihasnan. Dinig na naman niya ang sumamo ng mga hayop sa kabilang kalsada, maging ang mumunting siyap ng mga kinulayang sisiw. Dinaan niya sa pakikipag-usap ang bigat ng kanyang puso, at naging magiliw naman si Pirela upang ilayo sa kanyang isip ang pagsugod sa pamilihan ng hayop.
Matapos tumawa sa mga ikinukwento ni Pirela ukol sa kanyang gawain bilang Babaylan, tumingin si Serapin kay Binhi, "Kanina ka pa tahimik, bakit?"
Mahina ang naging tugon ni Binhi, may bakas ng takot ang kanyang malumanay na tinig, "Hindi maganda ang pakiramdam ko sa nilalang na sinasabi mo." Pakiramdam niya'y masusuka siya sa taas ng kanyang kaba.
"Bakit naman? Hangal nga ang isang iyan ngunit nagawa ko na siyang pabagsakin. Ang takot mo sa kanya'y maliit lang kumpara sa pangamba niya na muli akong makaharap." Humalakhak si Serapin, pilit tinatakpan ng kanyang tinig ang iyak ng mga hayop sa kabilang kalsada.
Umikot ang mga mata ni Pirela, "Umiral na naman ang pagkapalalo ng isang ito."
May nginig sa tinig ng butihing Magsasaka. "Ngunit ang aking mga ugat. Pinatay niya ang mga ito. Hindi ko alam kung paano, ngunit sa oras na masalat siya ng aking mga ugat, nanuyo na lamang sila ng walang pakundangan."
Ngumiti si Serapin nang matagpuan ang kubo sa dulo ng kabihasnan. "May dahilan ka para mabigla, ngunit walang dahilan upang mangamba ka. Payo ko lang na ihanda mo ang mga baging na kayang magtagal sa disyerto." Sadyang tumigil si Damulag sa tapat ng nasabing kubo.
"Ha?" Nagulumihanan si Binhi. Bumaba siya ng kalabaw. Yumukod siya at sinalat ang lupa sa kanyang mga palad. Nanlaki ang kanyang mga mata sa mabilis na pagkapawi ng mistulang buhangin sa kanyang nanginginig na kamay. "Patay na lupa."
Yumukod si Serapin kay Binhi sabay tapik sa balikat nito, nagpapakita ng malaking tiwala sa kakayahan ng Magsasaka. Napatingin na rin si Serapin sa itaas. Mapula ang langit. Ilang oras na lamang ay magtatakipsilim na. Sumisilip na ang pinagmumulan ng kanyang kakayahan sa likod ng makakapal na ulap ng kalangitan.
Muli niyang ibinalik ang mga mata sa baybaying karatula sa labas ng sinadya nilang tahanan.
Katotohanan Ng Hinaharap. Hula Sa Murang Halaga Lang.
Bigla na namang nayamot ang kanina pa tumatawang Babaylan. "Nagbalik tayo sa kabihasnan para sa isang pipitsuging manghuhula? Nahihibang ka na ba talaga, Bakulaw?"
Umirit ang pintuan ng tahanan. Ang nakakairitang tinig ng Agta ang bumasag ng katahimikan. "Hindi ko inisip na sasadyain mo ako dito, Balawis."
"Nagpapatawa ka. Pihadong alam mo na rin ang sadya ko."
Inis na napahalukipkip si Pirela. "Hindi ako makapaniwalang naniniwala ka sa isang manghuhula."
Tumingin si Irok sa direksyon ng hikaw at ngumisi kay Serapin. "Nakakatuwa ang kapalpakan ng Manggagaway. Nakakairita sigurong magkaroon ng makulit na katunggali sa tapat ng iyong tainga, maghapo't magdamag."
Natahimik ang lahat sa malakas na tinig na yumanig sa loob ng tahanan. Lalong nagimbal ang mga bisita nang lumabas ng tahanan ang pinagmumulan ng tinig. Nakapamaywang ito at walang singkad na nagwika, "Ano ba Huwan, kanina pa kita tinatawag..." Nagpatuloy siya sa pagwika. Tuloy-tuloy na sinabayan pa ng taas ng kanyang mataray na kilay.
"A—ang ganda niya." Si Pirela ang bumulong.
Napalunok si Binhi. "Bakit ba mas kinakabahan ako sa kanya kaysa sa Kalasag ni Pesa?' Hindi niya mailayo ang mga mata sa braso ng Paraguwana.
BINABASA MO ANG
Kayumanggi
Fantasía"Pagharap, hindi ang pagbabalik-oras, ang wawaksi sa kabuktutang sumibol mula sa tiwaling pagpili..." Andito na sila, Iba't ibang pinagmulan Iba't ibang adhikain Iba't ibang patutunguhan Ngunit iisang dugo Isang lupain Isang lahi K...