Huling Silip

158 6 0
                                    


Madilim na ang langit nang pauwiin ni Irok ang kanyang mga kasama matapos ang buong araw na pagbabanat ng buto sa binubuong bayan ng Sambales. Balot man ng buhangin at luwad, hindi pa rin makapaniwala si Irok sa kanyang napagtanto. Matatapos na sila, hayan at halos hindi na mamasdan ang Bilog na Buwan sa taas ng kanilang nagawang gusali. Malayu-layo man sila sa Pinatubo sa pagkakataong ito, subalit tanaw na tanaw naman nila ang kinikilalang bantayog ng kanilang pangkat.

Nabigla siya sa biglang pag-init ng paligid.

"Hindi ko inaasahan ang iyong pagbisita." Bulong ni Irok. Nang tuluyang mabakante ang lugar, bumaba sa wakas ang mga paa ng Anak-Araw sa magabok na lupa. Humampas sa paligid ang mga abo at gabok dulot ng munting sulo na kanyang kamay.

"Nais ko lamang makasigurado." Ngisi ni Liyab. Mas humaba pa ang kanyang buhok, bagama't nagkukubli sa kanyang itim na talukbong.

Hindi na nagpatagal pa ng usapan si Irok. Inilapat niya ang kanyang tainga sa lupa at ipininid ang kanyang mga mata. Ngumiti siya. Huminga siya ng malalim at saka hinampas ng mabigat ang nasabing lapag.

Naging malakas ang yanig ng kanyang hampas. Gumapang ang yanig na ito hanggang sa pampang ng Lingayen. Nang yumapos sa tubig ang ipinahatid na hudyat, walang anu-ano'y nagpanting na ang tainga ng tahimik na nangingisdang Taga-Ilog habang sakay ng kanyang kasko sa baybayin ng Kagaian. "Akalain mo." Bulong nito kasabay ng malakas na hampas sa tubig na nagdulot ng malakas na agos.

Ubod ng lakas na halos hindi kapani-paniwalang umabot sa mga halaman sa ilalim ng karagatan. Nang maiahon sa dalampasigan ang mga halamang-dagat ay tiyak na ang pagkalat ng bulong ng mga dahon at siit sa kagubatan ng Kalapan. Bumaba si Binhi mula sa kanyang kalabaw at sinalat ang halamang mahiyaing sumasayaw-sayaw sa kaniyang talampakan. Isang puting waling-waling ang tumingala sa kaniya.

"Mistulang dilag na naman." Bulong ng Magsasaka.

Matapos ang munting dasal ay dinurog niya ang waling-waling hanggang sa pumatak sa isang malalim na sisidlang kawayan ang katas nito at kumawala naman sa malakas na hampas ng hanging amihan ang samyo ng bulaklak.

Palihim niyang iniwan ang munting sisidlan sa tarangkahan ng silid ng Dakilang Babaylan, nakabalot sa sedang pinagbalutan ng

maharilikang palamuting resin.

Nangagsabog na ang karimlan sa kapuluan. Himbing na himbing ang buong Maragundon habang patuloy na nagbibigay-kislap ang bilog na bilog na buwan sa madilim na gabi. Ang marahang ihip ng hanging amihan ay nakakakiliti, siyang yumayakap sa bawat nahihimbing. Pinatay ni Legana ang gasera ng kanyang dampa at saka muling sinamsam ang samyo ng waling-waling. Agad siyang nagsuot ng kanyang talukbong at pagkabukas ng kanyang tahanan ay sinalubong siya ng pagliwanag ng Bilog na Buwan.

Nilukob siya ng mga tinig ng nakaraan. Hindi isang pagbabagabag, kundi wari'y siyang niyayapos. Muli na naman siyang nawala sa kanyang sarili, halos maiwan na ang kanyang kaisipan sa mapait subalit mahalaga at maligaya niyang nakaraan.

Wari'y naalimpungatan si Legana nang marinig ang lawiswis ng kawayan sa di-kalayuan. Siya na ngayon ang kasalukuyang nangangalaga sa Maragundon, at doon na siya naninirahan sa munting kubo nila ng kanyang ina sa malawak na latian. Mas mahusay na siya gaya ng inaasahan, kung kaya't itinuturing ng sandigan ng kanyang lupang tinubuan.

Ang gabing ito ay nararapat na pagkakataon sana upang mamahinga matapos ang mahabang araw ng pagtupad sa tungkulin. Ilang katutubo na rin ang dumulog sa kanya na nilulukuban ng engkanto, bagama't alam niya sa kanyang sarili na siya na lang naman ang naiwang kalahating Kampon sa kapuluang ito.

KayumanggiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon