KABANATA 2: Ang Bagong Saltang Paraluman

102 4 0
                                    


Nagsisimula na ang pagbubukang-liwayway. Tumilaok na ang mga tandang at sa kabilang bakuran ng bahay ay ang mga matatandang may hawak ng mga panabong na manok. Himas dito himas doon. Halik sa manok, hila ng paanan at pisil at haplos ng marahan sa tuka nito. Nagmamalaki ang isang matandang nagngangalang Berting.

"Kumpare, ano ba yang panabong ninyo? Aba, isang tuka lang sa panabong ko, tumba na! Hahaha!"

"Ikaw naman pareng Berting, isang tuka lang ng misis mo sa 'yo, para kang sisiw na lumilimlim sa inahing manok! Hahaha!" dugtong ni Kulas.

"Mabuting may nalilimliman 'di tulad nung Brenda nating kapitbahay, tandang at palos ang pinapatulan, nyahaha!" sagot ni Ka Berting.

"Eh Kulas, kala mo naman kung makapanlait ka ikaw na ang pinaka-gwapo dito sa barangay, palong pa lang ng tandang na ito, hawig na kayo, hehehe!"

"Aba, Ka Berting, palibhasa tinola yung inulam mo kanina... kaya ganyan ka ngayong magsalita. Tinolang tandang sa umagahan, hayan at natalo ka, pupusta ka pa rin ba?" usisa ni Maneng.

"Maneng, uragon itong manok kong dala ngayon, native matapang at maganda, tunay na lalaki! Balahibo pa lang sumisipa na o laban na!"

"Berting, baka matalo ka ulit sa pustahan niyan, ang mabuti pa itinola mo na lang yan ulit at ipakain mo sa kumakalam nating sikmura. Hmmmm. Amoy tinola na nga!" at suminghot ng suminghot si Maneng.

"Oi, oi kung kayo ay mag-iingay doon na lang sa inyo. Ke-aga aga nambubulahaw kayo dito. Kagabi pa kayo nag-iinuman Ka Berting!" tinuran ng maybahay ni Domeng. Nanlaki ang mga mata ni Ka Berting sa tinuran ng babae.

"Aba, Neneng ipasara mo na kasi iyang tindahan mo at palagi nga kami dito inaabot ng madaling araw sa inuman. Kelan ba uuwi si Domeng? Sabik na sabik na kaming makaharap ang asawa mo."

"Ka Berting, matagal pa iyon na mauuwi. Mauna na kayong umuwi at hinahanap na kayo ni Nana Pasing. Hindi ba igagayak pa ninyo ang mga apo ninyo sa pagpasok nila sa eskwelahan. Mamaya na lang ho tayo magkita at hahatiran ko kayo ng tinola. Iyong ipinaluto ho ninyo matapos kayong matalo sa sabong..." sabay ngiti ni Neneng kay Ka Berting. Kinantyawan naman si Ka Berting ni Kulas.

"Hoy, hoy, hoy! Sinabi ko na nga ba e, natalo si Ka Berting kaya nag-iinom na naman dito haha. Ka Berting ipagpagabi mo na ulit yung susunod na pulutan natin mamaya, haha!" biglang giit ni Kulas na may pang-aasar.

"Heh, magsitigil kayo! Porke ba naririto si Neneng eh kung anu-ano na ang nasasabi ninyo. Pag nabuwisit yan sa atin baka wala tayong pasalubong niyan sa mister niya. Oi, neneng yung parte ko sa tinola ha. Wag mong kakalimutan paborito rin yan ng mga apo ko. Salamat sa inom, pautang ulit mamaya ha at tiyak itong panabong na ito panalo na mamya sa pustahan." At ininom ni Ka Berting ang natitirang alak sa bote ng gin at nag-aya sa mga kasamang umuwi sa kani-kanilang bahay dahil halos pasikat na ang araw nang mayari ang kanilang huntahan at inuman.

Nagbubukas ng kanyang tindahan si Neneng tuwing Ika-lima ng umaga. Kasabay ng pagbubukas ng tindahan ay ang paglilinis naman ng bakuran nila ng kapatid niya na si Isabel kasama ang anak nito na si Japhet.

Kalimitan, sa barangay nila ang mga tao ay maagang gumigising upang maghanap-buhay. Ang iba ay drayber ng pampasadang jeepney at traysikel. Kargador at magsosorbetes ang ilan. Nauna nang tumungo ang mga magbubukid sa kanilang mga sakahing lupa at habang abala ang mga tao sa paghahanda sa palengke, naririyang nagsisidatingan ang mga suplay ng karne at mga gulay na maagang inihahatid sa palengkeng malapit kila Neneng. At habang ang mga tao sa Barangay Maestrang Kikay ay nagsisimula nang gumayak sa kani-kanilang patutungahan, may isang binata ang wari'y walang pakiramdam sa mga nagaganap sa paligid.

Pink DiariesWhere stories live. Discover now