Humahangos ang matandang nagngangalang Narciso sa bahay ni Lusing dala ang ilang mga papeles at mahahalagang dokumento. Ito ay inaninag muna ni Lusing. Kasabay niyon ay ang pagdating ng dalawang binata na kakababa pa lamang sa sasakyan. Hindi nag-atubili ang Lusing na buksan ang tarangkahan at papasukin ang mga bisita.
"Lusing, si Narciso ito. Kasama ko nga pala si Basyo. Pagpasensyahan na ninyo ang aming pagdayo sa inyo ni Nana Esther. Palagay ko natatandaan pa ako ng iyong magulang."
"Naku, kayo po si Kuyang Narciso, hindi po ba? Ano po ang sadya nila? Nababanggit nga po kayo ni Nana Esther. Kaya lang po nag-uulyanin na ang matanda..." kaagad na tugon ni Lusing dito.
"Mula sa likod ay makikita ang dalawang binata na nagtataka. Makikita na sila ay masaya ngunit binawi nila ang ngiti nang makita nila ang hindi inaasahang bisita na nakasabay nilang pumasok sa dating tahanan ng kanyang mga kaanak."
"Aba, ang pagkakataon nga naman, hindi ba ikaw ang anak ni Neneng? Ikaw si Aljone, tama ba ako? Nabalitaan ko na pumasa ka na sa Bar Exam mo..." at kinamayan siya ni Narciso.
"Opo, kakapasa lang po naming ni Pacis. Ano po? Kamusta na po sila. Maraming salamat nga po pala sa inyo, lalo na po noong nag-aaral pa ako ng kolehiyo. Hindi ko po mararating ang kinatatayuan ko kung wala po ang pagtulong ninyo..." at nagmano si Aljone kay Narciso na bakas dito ang pananabik na muling makita ang dati niyang mag-aaral.
"Aba, Kuyang Narciso, dito nap o ba kayo mag-uusap? Hindi po ba papasok kayo at naku mainit po sa labas. Ang mabuti po ay pumasok na tayong lahat. Kayo ni Pacis, pumasok na rin kayo at maipaghanda ko kayo ng miryenda." At sabay-sabay nga na pumasok ang lahat. Mababakas kay Lusing ang pagtataka kung bakit naparito sila ng sabay-sabay.
"Oi, Aljone kawaan ka ng Maykapal. Bakit ba naparito kayo ng iyong kaibigan?" usisa ni Lusing sa pamangkin nito.
"Naku po, pinapauwi po ako ng aking Nay Neneng. Importante daw po kasi. Kukuha lang po ako ng gamit at saglit lang po ako rito." Nakangiting tugon ng binata.
"Naku, Aljone ang mas mabuti wag ka munang umuwi sa Bulacan. Mas mainam na naririto ka ngayon at nang marinig mo ang magiging usapan naming ni Lusing. Hindi ko na papakatagalin pa ang aking sasabihin. Unang-una, mayroong problema ang lupain sa Meycuayan at sa Maestrang Kikay. Pinapalayas na ang mga naninirahan doon. Ang balita ko nais ng Senyora na paalisin ang mga tao doon sapagkat may balak ito na ipagbili ang buong lupain sa isang mayaman na nagngangalang Mortel. Isang napakayamang negosyante." pag-aalala ni Narciso.
PAUNAWA SA MGA TUMATANGKILIK:
Hindi kumpleto ang mga pangyayari sa kabanatang ito. Ninanais ng may-akda na putulin ang daloy ng kwento para mabasa mo ang kabuuan ng nobela na malapit nang lumabas...