Mag-iikapito na ng umaga. Sa tarangkahan na pula dumaraan ang mga bata na papasok sa dalawang paaralan na malapit sa Maestrang Kikay. Isang elementarya sa bungad at isang hayskul sa likod. Dumaraan din ang mga sabungero na tangan ang kanilang mga manok na panabong. Walang ginawa kung hindi himasin nang himasin ang mga panabong at kamutin ang kanilang mga ulo na waring mga balisa. Sa kabilang tarangkahan matatanaw ang mga tambay na walang ginawa kung hindi umupo at tumunganga at humilata sa mga bangkuan na ipinagawa ng gobyerno upang doon ang mga napapagod ay pansamantalang mamahinga o mag-siesta. Maaga pa lang ang mga magbubukid ay kakikitaan na ng mga balabal, sombrero at lingkaw habang ang ilan ay sinusuong ang mabibigat na bulto ng mga palay dahil anihan ng mga panahon na iyon. Ang ilan ay tataya sa jueteng pagkatapos ay magdarasal na sila ay manalo upang maibsan ang hirap na kanilang dinaranas sa pagbubukid at paghahanap-buhay. Ang ilan naman ay inaabutang natutulog sa gilid ng mga lansangan sapagkat noong isang gabi tumaya ang brusko na lalaki na nagngangalang Berting kasama ang mga sabungerong sila Kulas at Maneng. Nag-kakayayaan ang mga ito ng inuman hanggang sila ay inumaga na. Si Domeng ang unang nagising sa kanila ng mas maaga na bumalik na muli matapos magtungo sa kanyang misis at asikasuhin ang kanyang anak na papasok sa eskwelahan.
"Sinasabi ko na nga ba! Hindi pala ninyo kaya ang dalawang kasa ng beer. Pambihira! Tinulugan ninyo ako!"
"Zzzzzngork! Harurururu... Zzzzzngork! Harurururu... Hmmmmmp! Ehe, ehe... kaah! Pweeeeeeeh! " habang ang isang kasamahan ay naalimpungatan mula sa pagkakatulog dahil napasukan ang bibig nito ng langaw habang humihilik na nakanganga.
"Bwahahahahahaa!" sabay tawa ng malakas nitong si Kulas kay Berting.
"Mwhahahaha! Hoy giseng!"
"Ano ba yan Berting, nilalangaw 'yang bibig mo! Palibhasa di ka nagsesepilyo..." at nabalikwas sa pagkakahiga si Maneng habang ito ay nagpupuyos ng mata dahil matindi na ang sikat ng araw."
"Mga kasama, palagay ko hindi na ninyo ako makakasama ng matagal pa. Matatagalan na tayo na magkita pa."
"Bakit naman pareng Domeng!?" biglang tanong ni Kulas na nagtataka.
"Kahapon dumating ang koreo mula sa ina-aplayan kong trabaho sa Gitnang Silangan. Nakita ko na at alam na ni Neneng kahapon pa. Mangingibang bansa na ako sa wakas! Makakatulong na ako sa pag-aaral ni Aljone..."
"Aba, naman Domeng, napakabilis mo naman yata na magsawa sa amin at lalayuan mo na kami ng mga kaibigan mo. Nakainom lang tayo kagabi, kagabi mo lang kinukwento yan at luluwas ka na kamo sa susunod na linggo!? Pambihira. Lashing ka ba niyan? Hahahaha!"
"Pareng Maneng, noong isang buwan ko pa ito hinihintay. Kaya lang abala tayo sa sabong at paggapas, hindi ba? Eto nga yun sulat o..."
"Akina nga yan at nang makita kung totoo nga na ikaw ay maglalayas na!" sabay kuha ng sulat mula kay Domeng ni Berting.
"Aba, aba, abah! Ou nga oy. Sinulatan ka nga.. Anu ba yun kulay berde na iyon. Gulok? O may mga alambre pa na buhul-buhol. Pare, hala ka baka mapatay ka dun. Uso ang pugutan ng ulo dun, ah!" nasambit ni Berting na may halong pananakot pa.
"Ka Berting, hindi ka naman pupugutan ng ulo kapag ikaw ay matino at hindi gumagawa ng kabalastugan." salo ni Domeng na natatawa pa.
"Eh baket yun kakilala ko sa San Ildefonso, bangkay na nang dalhin sa misis niya. Sabi pinugutan daw ng ulo iyon sa Saudi dahil napagbintangan na nanggahasa ng prinsesa. O ngayon, pupunta ka pa ba? Baka di ka tulungan ng gobyerno oi, baka kung mapaano ka niyan!?"
"Hindi naman delikado sa Saudi ah. Ka Berting, tumutulong ang gobyerno kaya nga lang batas sa Saudi iyon, hindi siguro napakiusapan kaya ayun at natuluyan ang pobreng OFW...." nalulungkot na sagot ni Domeng.