Kinabukasan, huling kampanyahan na para sa nalalapit na eleksyon....
"Kay Vincent kami, kay Vincent kami! Yeheeey!" sigaw ni Brenda.
"Ay, hinde. Hinding-hindi kami papayag, kay Aljone kami, kay Aljone kami! Mga bakla, kay Aljone tayo!"
"Bakla?! Mahiya ka naman sa balat mo!" patutsada ni Brenda kay Tekla.
"Hoy, shutangnamis! At least ako mabuti at hindi malantod! Di mo katulad, ipokrito! Hindi ko kerribelles! Tse!" at umismid si Tekla.
"Baket, baket!? Siguro akala mo sa tingin mo ikaw eh matino????? Ha?! Manggugupit ka lang bakla!"
"Hoy, hoy! At least ako ginugupitan ko ang mga gwapo at matinong hanapbuhay yun! Si Aljone, matino yan! Eh ikaw? Anong ginagawa mo, nilalandi mo ang mga kustomer mo! Bakit hindi ka na lang mag-asawa ng matino!" galit na galit na sigaw ni Tekla.
"Aba, aba! Hoy baklang mababa ang lipad at simangot, akala mo naman hombre ang mga parokyano mo? Isa kang baklang peke!" at nagmonstra ng nakakaasar na handsign si Brenda.
"Aba, aba, pati yang kliyente mong si Vincent, pinatos mo! Gaga. Balitado na sa buong kabayanan ang raket mo!" dinuro siya ni Tekla na galit na galit.
"Inggit ka lang! Hahahahahaha! Dahil ako tunay na bakla, ikaw nagbabakla-baklaan lang! Moret ka, kakainis!
"Ah ganun ba, hindi pala ako bakla ha! At lumapit si Tekla saka sinabunutan niya ang buhok nito. Natanggal ang wig nito."
"Ayan bakla! Tingnan mo ang ulo mong kalbo, kasing kalbo ng konsensya mo! Matagal na kong nagtitimpi sa iyo, ha! Alam mo, galit na galit na ako sa iyong kalandian at ang mga ibang ka-amiga ko, ayaw na nila sa iyo!"
"Aba, sasabunot ka lang, wig ko pa ang hinawakan mo, etong sa iyo!" At kinalmot ni Brenda si Tekla at nanlaban ang dalawang dating magkaibigang bakla dahil sa init ng pagtatalo nila kung sino ang susuportahan.
"Alam mo ba, matagal na rin na gusto kitang lamukusin! Alam mo ba, kung bakla ka gagawin mo ang mabuti lamang hindi ang gagaguhin ang mga lalaking lagi mong binabayaran!" galit na galit si Tekla.
Napambuno ang dalawa at mula sa di-kalayuan ay natanaw sila ni Drayfus na nag-aaway sa kabila ng ingay ng kampanyahan at motorcade ng dalawang naglalabanang bagito sa pulitika.
"Sige ano! Ano pa! Lapet! Lapeeeeeeeet! Bakla! Etong sa iyo!" at kumuha ng bato si Brenda at hinalibas si Tekla na nasangga naman ang mga pinagpupukol niyang mga bato. Sumilbato ang isang tanod.
"Naku, ang mga bakla! Nag-aaway! Awatin na! Awat na!" at kasabay na nag-awat ay sila Berting at Kulas.
"Bitawan mo ako, Drayfus. Ikaw Drayfus ha, isa ka pa! Ikaw siguro ang nagsasabi na ako ay bading na malibog! Ikaw Drayfus ha, ayaw mo naman talaga sa akin at ipinagpalit mo pa ako sa Tekla na 'yan!" at sinubukan pang iunat nito ang kamay para makasabunot. Hinawi ni Tekla ang kanyang buhok na nagpapawis sa galit.
"Brenda, ano ba, tama na yang kagagahan mo! Yang mga mali mong gawa ang nagpapasama sa mga kasamahan natin! Hindi ka namin katulad na nagpapabayad at kumakalantari ng iba't-ibang lalaki!"
"Anong klaseng puso meron ka! Noon, tayong mga bakla, may pusong malambot ka gaya ng mga babae pero anong ginawa mo!? Pinatigas mo ang puso mo na 'yan ng tukso at kaaliwang mali!" at dinuro-duro siya ni Tekla.
"Kung alam mo lang Tekla kaya ko 'to nagagawa nang dahil sa 'yo!" umiiyak si Brenda.
"Dahil ikaw ang dahilan kaya ako humanap ng iba't-ibang lalaki, dahil sa 'yo nasira ang relasyon ko sa iba. Dahil din sa iyo, naubos ang nagpapagupit sa akin, bakit!? Hindi ba ikaw ang dahilan kaya ako nawalan ng trabaho sa pagupitan ni Aling Ising? Hindi ba ikaw din ang kumuha ng pwesto para mapasa-iyo ang kanyang lugar at sa gayon magkita kayo ng kanyang anak na si Victor! Mag-aagaw ka Tekla, hayup ka! Masahol ka pa sa hayop!"
"Hindi ako hayop, hindi ako animal! Tao ako! Tao ako may puso rin na tulad mo!" gigil sa galit na umiiyak si Tekla.
"Kung naniniwala ka sa respeto, puwes ipakita mo! Minahal ako ni Victor at ano ang ginawa mo? Sinugod mo siya, sinaktan mo siya! Lumayo siya sa atin dahil pinandirihan ako ni Victor. Dahil ano, bakla tayo? Hindi yun! Dahil sinabi mo na wala akong respeto sa kanya! Maniwala ka Brenda, ikaw ang dahilan ng pagkakawatak-watak ng mga nag-iibigan dito sa Maestrang Kikay! Sa budhi mo na yan, kahit sa impiyerno hindi ka tatanggapin!" at sumigaw si Tekla na galit na galit.
"Bitawan mo ko Drayfus, hindi pa tayo tapos! Hindi pa!" at nagpunas ng luha si Brenda.
"Ou, langit man ay tumitingin sa bawat puso at kaluluwa. Lahat ng tao may damdamin Brenda, igalang mo at igagalang ka rin, irespeto mo at irerespeto ka rin. Magsabi ka ng totoo sa malayang paraan at may pag-iingat sa damdamin ng iba. Ang lamat ay lamat, hindi na kayang buuin at hindi na kayang pagdugtungin." At naluluha si Tekla.
"Sinong niloloko mo? Pare-pareho lang tayong nasugatan. Kaya, tanggapin mo na na bahagi ka rin ng sumpa sa bayang ito!"
"Darating ang panahon na may mauuna sa atin, sa ating mga ginawa na hindi mapapatawad na. Tao o Diyos, mamili ka. Parehong kayang kumitil ng buhay. Ako pipiliin ko si Vincent." At nagpunas si Brenda ng make-up na tumatagas dahil sa luha at pawis.
"Mahiya ka naman, pati Diyos isinasali mo sa kabuktutan mo!" at hiniyawan siya ni Tekla.
"Darating din ang panahon na ang katarungan ay mangingibabaw. Darating ang isang panahon ang kasulatan ng Maykapal ay ipapatupad sa lahat ng mga tao, anuman ang kalagayan sa buhay. Ikaw Brenda, hindi ka ba natatakot sa hatol sa iyo? Ako may kasalanan, malaki na dapat kong ipagsisi. Ikaw akala mo wala?! Ano ka malinis? Mas mamabutihin ko pa na humiling sa Maykapal na ako ay patawarin at hindi sumpain sa aking nararamdaman, dahil alam kong umibig at alam ko rin na magparaya. Brenda hindi lang tao ang dahilan ng pagiging maligaya mo. Hindi lang lalaki ang inaasam-asam nating lahat kung hindi ang magkaroon ng buhay na maganda at maayos na walang kaaway na may pag-ibig kahit ano pa man ang mga kalagayan natin!"
"Hindi kita mapapatawad! Tekla isinusumpa ko!" at umalis si Brenda kasabay ang mga alalay ni Vincent para magtungo sa mas malaking lugar na pagdarausan ng miting de avance sa Maestrang Kikay.
Habang nagkakagulo, hindi mapakali ang isang nakaitim ng salamin at naka-jacket na waring nagkukubli sa kapal ng mga taong nanonood ng mga idinaraos na pangangampanya.
"Dito ang sabi ni boss na magkikita kami. Baka dito na ngayon at naku dapat naisagawa ko na. Kailangan na manalo ang aming alaga."
Ilan na mga miron ang nag-uusap matapos makita nila ang away na iyon ng dalawa.
"Naku mga amiga, alam ba ninyo nagsuntukan ang mga bakla diyan. Magagaling pala sa boksing at sabunutan." Matamang nakikinig ang naka-jacket na lalaki.
PAUNAWA SA MGA TUMATANGKILIK:
Ang bahaging ito ay isang misteryo. Malalaman mo ang mga pahiwatig ng kung anong uri ng misteryo na bumabalot sa kabanatang ito sa kumpletong paglabas ng aklat ng Pink Diaries.