CHAPTER 13

2.2M 41.5K 11.3K
                                    

CHAPTER 13

"AYOKO NGA SABI, EH!" galit na sigaw ni Jergen nang pilitin siya ng kanyang Ninong George na pirmahan ang papeles na nasa center table, sa harap nila. "Hindi ko pipirmahan 'yan, 'Tay." Bumaling siya sa ama niyang hawak pa rin ang itak nito. "Pag-usapan natin 'to. Hindi ito ang sulosyon sa—"

"Pumirma ka na, Jergen," sabi ng ama niya na minamasahe ang dibdib kung saan naroon ang puso nito.

Agad siyang nag-alala. "'Tay, ayos ka lang ba?" May sakit itong hypertension kaya hindi niya maiwasang mag-alala kahit naiinis siya rito.

"Ernesto?" Agad na lumapit ang kanyang ina, saka hinagod ang dibdib ng ama niya. "Ayos ka lang ba? Huwag ka kasing masyadong mag-iisip."

Pinukol siya ng masamang tingin ng kanyang ama. "Nararamdaman kong tumataas ang presyon ko dahil sa 'yo. Kaya kung ayaw mong ma-stroke ako ngayon dito, pipirmahan mo iyan para mapanatag ang loob ko," pananakot nito.

Umiling si Jergen. Hindi siya madadala sa pananakot nito. "Hindi, 'Tay. Ayokong makasal kay Lysander." Ayaw niyang sapilitan silang ikasal. Hindi iyon patas para sa lalaki na sumama lang naman sa kanya dahil nag-aalala ito. "Intindihin n'yo naman 'yon, 'Tay."

"Pumirma ka na." Para itong nahihirapang huminga habang hinahagod ang dibdib. "Ginagawa ko 'to para sa 'yo. Kung hindi ka pipirma, mas makabubuting lumayas ka na lang sa bahay na 'to at huwag ka nang babalik pa." Para itong kinakapos ng hininga habang nagsasalita. "Hindi ako makakapayag na gaguhin ka ng lalaking 'to kaya ako na ang gagawa ng paraan."

Marahas siyang umiling. Nag-aalala siya rito pero hindi niya hahayaang diktahan sila nito ni Lysander. At ayaw niyang matali sa kanya si Lysander nang dahil lang sa kagustuhan ng kanyang ama. "'Tay, ayoko nga! Ayoko. Hindi ko kakayaning magpakasal kay Lysander—" Napatigil siya sa pagsasalita nang bigla na lang pinulot ni Lysander ang ball pen na nasa ibabaw ng mesa, saka pinirmahan ang ibabaw ng pangalan nitong nakasulat sa papeles.

"Done. End of discussion," sabi ni Lysander, saka tumayo at walang emosyong umalis ng sala.

Sinundan niya ng tingin ang papalayong bulto ni Lysander. He looked pissed. Sino ba naman ang hindi magagalit sa nangyari? Lysander was a bachelor, and if she signed these papers, then she was tying him to her. Ending his freedom to be with other women publicly. Pero kung hindi naman niya pipirmahan, baka may mangyaring masama sa ama niyang masyadong old fashioned kung mag-isip.

"Anak, Jergen, pumirma ka na," sabi ng kanyang ina na nagmamakaawa ang mga mata na nakatingin sa kanya. "Pumirma na si Lysander."

Umiling siya. "'Nay, hindi ko gagawin 'to kay Lysander. Wala akong pakialam kung habang-buhay n'yong sabihing malandi akong babae, wala akong pakialam kung 'yon ang tingin n'yo sa 'kin. Oo na, malandi na ako kasi hinayaan ko si Lysander na matulog katabi ko. Oo na, hindi ako isang mabuting anak kasi hindi ko susundin ang utos n'yo. Hindi ko siya itatali dahil lang sa kagustuhan ni Tatay at—"

"Aray," pabulong na igik ng ama niya pero sapat para marinig niya.

"'Tay?" Puno ng pag-aalalang tumayo siya, saka nilapitan ito. "'Tay, ayos ka lang ba?"

Sinapo ng ama niya ang dibdib nito, saka bigla na lang itong bumagsak sa sahig.

"'Tay!" Napasigaw siya sa sobrang pag-aalala. "'Tay!"

"Kumpare!" Nag-aalalang dumalo agad ang Ninong George niya sa kanyang ama at sinusubukan nitong buhatin. "Jergen! Tulungan mo akong dalhin ang ama mo sa kotse ko. Pupunta tayo ng ospital."

Akmang tutulong siya nang pigilan siya ng kanyang ama.

"'Tay—"

"P-pirmahan mo n-na," sabi nito na hinang-hina habang sapo ang dibdib. "H-hindi ko hahayaang l-lokohin ka ng l-lalaking 'yon. Hindi ako maka... kapayag. M-mahal na m-mahal k-kita, a-anak."

POSSESSIVE 14: Lysander CallahanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon