Nasa dressing room siya at hinihintay ang mommy niyang matapos ang cooking show nitong “Helen’s Kitchen”. Dala ang laptop ay nakikipag chikahan siya sa bagong kaibigang si Ciara sa internet. Kalilipat lang nito sa St. Agnes nung isang taon. Nakataas ang kaniyang mga paa sa isa pang upu-an ng may isang seksi starlet na pumasok sa dressing room para magpalit. Nanonood lang siya habang inaayusan ito at binihisan ng assistant. Ini-imagine niyang siya ang naturang starlet. Maganda na raw ang katawan niya dahil tumalab na yung diet pills na ini-inom. May mga nagagandahang lalaki raw na nag-aalay sa kaniya ng mga bulaklak at chocolates. Siya ang hinahabol ng mga ito instead na siya ang humahabol rito.
Pumalatak ang baklang Personal Assistant nito.
“Miss Tabatina puwedeng gumamit ng upu-an?” tanong nito sa kaniya.
“Huh? Ah hmm sure ‘eto kunin mo na.” sagot niya rito sabay abot ng upu-an.
Lumingon ang starlet at nagtanong sa kaniya.
“Ikaw ba ang anak ni Tita Helen?” inaayusan pa rin ang buhok nito.
“Uhmm Opo.” Matipid niyang sagot.
“Ang galing magluto ng mommy mo ano? Bumili nga ako ng frozen foods niya ay naku ang sarap ng Lasagna. I’ve heard family recipe raw yung sauce na nilalagay roon?” tanong nito sa kaniya.
Nagkukutkot ng kuku ang baklang PA nito na nasa tabi at nakikinig lang.
“Ay hindi pa ba yan obvious sister eh ang taba taba ng anak niya.” Tinapunan ito ng box ng tissue ng starlet.
“Tumigil ka nga diyan bakla at nanlalait ka pa riyan. What’s your name pala?” baling nito sa kaniya.
“Valerie po pero tawagin mo nalang akong Val.” Mahinhin niyang sagot rito. Hindi alam ng mga tao na nakakasakit na ang mga ito ng damdamin. Alam niyang mataba siya. Alam din niyang malakas siyang kumain. Paano, eh mahal talaga siya ng mga pagkain eh. Kahit na anong iwas niya eh palagi itong nakasunod sa kaniya. Kahit sa panaginip niya ay sinusundan pa rin siya.
Tumayo ang starlet at lumapit sa kaniya. Inilahad nito ang kamay. “I’m Shannon Cordova. Nice to meet you Val.”
“Same to you.” Ngumiti siya rito.
Nag buzz ang laptop niya at nakita niyang madami ng messages si Ciara sa kabilang linya. Nag reply siya rito.
‘Look who I just met in the dressing room?’ tanong niya rito.
‘Who?’ agad nitong reply.
‘Si Shannon Cordova (with a smiley). Wow napaka sexy talaga niya at mabait pa. Pinagtanggol lang niya ako sa PA niyang bading.’
‘Nakakainggit ka naman (pout). Sa susunod sasama ako ha? Baka magselos yung bestfriend mo sa akin huwag nalang.’