CHAPTER 4-3

12 0 1
                                    

Wala na kong ibang nagawa kundi ang umiyak ng umiyak sa kagagahan ko. Ang dami-daming sinabi ni mama na halos ikawasak ko na. Alam kong mali ko pero sa tingin ko ay hindi makatarungan ito. Physically and emotionally abuse na ko. Ayoko ng ganito, hopeless na hopeless ang itsura ko dahil sa pinaggagagawa ko. At lahat ng iyon ay naririnig ni Rich kahit ng mga kapitbahay namin dahil sa lakas ng boses ni mama. Hindi din siya maawat ni papa dahil sa inis sa ginawa ko.

            “Nagpapakapagod kami sa pagtatrabaho tapos heto ang mapapala namin sa iyo? Ikaw pa naman ang panganay. Humiling ba kami ng matataas na grades mula sa iyo? Sa inyong magkakapatid? Hindi naman ha, anong problema at ganito ang mga grades mo? Wala ka namang ibang gagawin sa paaralan kundi ang makinig at mag-aral. Iyon lang iyon! Maliban na lang kung lumalandi ka na!” Gigil na sabi niya.

            Ang tigas ng naging pag-iling ko. “H-hindi po,” hilam ng luhang sabi ko.

            Nanlilisik ang matang tiningnan ako ni mama. “Lumabas ka ng kwarto mo,”

            Natigilan ako, lalo lamang akong natakot sa iniisip kong balak niyang gawin. “W-wait ma.”

            “Kung wala kang tinatago sa kwarto mo, lalabas ka kaagad Aynnah!”

            Hindi na ko nakaimik pa. Gusto kong mapamura sa sitwasyong kinasusuungan ko. Mapapahamak pa ang mga taong malalapit sa kanya sa gagawin nitong paghahalughog sa kwarto ko.

            Nang hindi ako kumilos ay galit na hinablot niya ang buhok ko at buong lakas na inilabas ako ng kwarto. Hindi ako makalaban ni makasagot. Nanay ko iyon e, wala pa kong karapatan na sagutin siya, magkaroon man hindi ko ma-imagine na ginagawa ko iyon. Kasalanan ko naman kasi.

            Sumisigok na napaupo na lang ako sa sala kung saan naroroon ang mga kapatid ko na wala rin namang magagawa. Nakatingin sila sa akin na parang sinisisi pa ako sa ginawa ko. Oo na, kasalanan ko na, kasalanan ko naman talaga.

            Ang dami- daming pumapasok sa isip ko, paano kung patigilin na ko nina mama sa pag-aaral? Paano kung malaman nila ang tungkol kay Chris? Though wala naman kaming ginagawang masama dahil wala naman kaming relasyon na dalawa. Pero paano kung iba ang isipin ni mama???

            Gulat na napalingon kaming magkakapatid ng padabog na lumabas ng kwarto ko si mama, may mga hawak siyang papel na ikinapanlaki ng mga mata ko. Dala- dala rin niya ang bag ko.

            “Punyeta kang bata ka, anong ibig sabihin nito?!” gigil na sigaw niya sabay hagis sa mukha ko ng mga papel na scratch paper ko. “Sino ‘tong Christian na ‘to ha? Mapapakain ka ba niya? Mabubuhay ka ba niya? Kaya ka na ba niyang buhayin?!” Sunod- sunod na sabi niya na wala akong ibang nagawa kundi ang umiyak na lang. Hindi pa siya nakuntento at sinampal pa ko ng malakas at sinabunutan.

         “Sinabi na sa inyong mag-aral ka ng mabuti, sino ba ang nakakahiya kami ba? Ilang taon ka lang? Dose? May nalalaman ka ng mga ganitong bagay??? Nasasaktan ka ha? Natutuwa ka? Kinikilig ka? Pero hindi man lang ba pumasok sa isip mo na ng mga oras na nararamdaman mo ang mga iyan e nahihirapan kami ng ama mong mag-isip kung kakasya pa ba ang budget natin sa araw-araw?” gigil pa rin na padaskol na binitawan niya ang buhok ko. Masakit sa ulo iyon pero mas masakit isipin at masakit sa pakiramdam ang mga binitawan na salita ni mama.

            Tama siya...

            Sa mga panahon na masaya ako, naiisip ko man lang ba sila?

             Naging selfish ba ako sa ginawa ko?

            Lalo lamang akong napaiyak sa kaisipang iyon. Naghihirap ang pamilya ko pero walang ibang nasa isip ko kundi ang mga masasayang pangyayari sa amin ni Chris. Hindi ko man lang naisip na ang mga pinagbibili kong stationary ay galing pa rin sa baon na pinaghirapan ng mga magulang ko.

        “Huwag mong hintayin Aynnah na kalbuhin kita kapag hindi mo tinigilan ang kalokohan mo. Huwag mong hayaan na hanggang sa labas ay mapahiya kita para lang matauhan ka at wala ka ng mukhang ipakita sa lahat.” Pigil na ang emosyon na sabi niya. Tumalikod na siya at iniwan na ako na tungong- tungong.

          Hiyang- hiya ako sa ginawa ko. Hindi man kami hikahos at hirap na hirap pero hindi naman masasabing nakakariwasa kami dahil lahat kaming magkakapatid ay nag-aaral at tanging sina mama at papa lamang ang tumataguyod sa amin.

         At ako bilang panganay ang alam ng lahat na inaasahan nilang tutulong sa kanila para matupad ang mga pangarap nila. Hindi lamang para sa kanilang mga sarili kundi para na rin sa aming magkakapatid. Kaya kailangan kong umayos.

More Than You'll Ever Know (Higit sa nalalaman mo)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon